SIDE MIRROR

89 5 0
                                    

SIDE MIRROR(true story)
Sent by John

DATI-RATI ay hindi ako naniniwala sa mga nababasa ko at naririnig na kababalaghan. May mga oras na talagang naririndi na akong pag-usapan pa ang mga walang saysay na kababalagan o kuwentong kutsero. Pero noon 'yon...

Hanggang sa naranasan ko mismo ito nang masira ang mga side mirror ng kotse ko. Napadaan kasi ako sa isang makisip na lugar, nagkamali ako ng tantiya kaya 'yon ang napala ko.

Tumingin ako sa mga online shop para maghanap ng mura pero hindi sapat ang pera ko para sa mga bagong side mirror, kaya nakaisip ako ng paraan para makahanap nang sasapat sa pera ko.

Maswerte ako dahil nahanap ko ang tindahan na inirekomenda ng mga kaibigan ko. Sa Quiapo, Maynila. Nabili ko rito ang medyo may kalumaang side mirror na, galing daw ito sa mitsubishi lancer. Kahit hindi sakto ay inadjust-an ko na lang.

Sakto naman na naayos ang mga side mirror ko dahil may meeting ako sa Baguio. Kahit gabi na ay bumiyahe na rin ako dahil baka hindi ako makaabot kinabukasan ng tanghali.

Tamang-tama lang ang ambiance ng mga ilaw sa express way sa timbre ng musika ko, pero habang lumalaon ay nag-iiba na ang boses ng kumakanta. Nag-s-static pa, natatawa na lang ako kasi ganitong-ganito ang mga senaryong napapanood na katatakutan sa pelikula.

Pero nang mapadako ang mga mata ko sa kaliwang side mirror ay may naaaninag akong parang tao na tumatakbo. Medyo madilim kaya hindi ako sigurado. Pero habang papalapit ito ay kinabahan na ako dahil napakabilis nitong tumakbo.

“Pero paano? Shit!”

Napapamura na lang ako dahil imposible magkaroon ng tao sa expressway at halos makahabol na ito sa akin gayong otsenta na ang takbo ng sasakyan ko.

Napapahigpit na ang kapit ko sa manibela dahil sobrang linaw ko na siyang naaaninag. 'Yong mukha nito ay payak na napapalibutan ng mga markang hindi ko maintindihan. Lalo ko pang binilisan takbo sapagkat maaabot na niya ang gilid ng pinto ng passenger seat.

Nagtataasan na ang mga balahibo ko dahil sa takot. Hindi ko talaga ugaling magdasal pero sa mga sandaling iyon ay napatawag ako sa panginoon...

Pagtingin kong muli sa side mirror ay nawala ito. Laking pasalamat ko at nakahinga na ako ng maluwang pero grabe pa rin ang kaba ng dibdib ko. Pagdating ko sa Baguio ay naikuwento ko ito sa mga kliyente ko, seryoso naman silang nakinig pero sa mga tinginan nila ay hindi sila naniniwala.

Binalewala ko na lang, maski man ako noon ay ganoon din kasi ang reaksyon kapag may nagkukwento ng kababaghan.

Hapon na nang matapos ang meeting kaya nagpalipas na lang muna ako ng gabi sa motel. Ayaw ko na kasi talagang dumaan ng gabi sa expressway, sa tuwing naiisip ko kasi ang taong humahabol sa akin ay kinikilabutan ako.

NANG makauwi ako sa bahay ay pagod na pagod ako kaya kaagad akong nakatulog, pero nagising ako dahil sa ingay ng makina ng sasakyan. Napakamot na lang ako sa ulo nang maisip na nakalimutan kong patayin ang makina ng sasakyan, pero pagkakita ko sa kotse sa garahe ay nakabukas na ang lahat ng pinto nito.

Sobra talaga akong nagtaka dahil hindi ko naman ito binuksan. Kaya dali-dali ko na lang sinara at pabalik na sana ako nang may nasilayan akong mukha sa side mirror akala ko ay guni-guni ko lang. Napasigaw ako nang paglapit ko sa side mirror ay nakita ko na naman ang taong humahabol sa akin sa expressway...

Lumingon ako sa likuran ko subalit wala namang tao, agad kong kinuha ang tubo na nakasandal sa pasilyo at nilibot ang sasakyan habang nakaamba ang tubo. Bigo ako na makita ang taong iyon na sumunod sa akin hanggang dito bahay. Kaya ang ginawa ko ay kaagad akong tumakbo sa kuwarto at dali-daling tumawag ng mga pulis.

Pagkalipas lang ng ilang minuto ay dumating na ang mga pulis. Sinabi ko ang lahat sa kanila, kaya agad nilang hinanap ang taong iyon. Pero bigo ang sila.

“Sir, wala naman po kaming nahanap na tao sa loob ng garahe niyo at base nga po sa report ng tauhan ko ay wala namang force entry ang nakita. Sa ngayon po kung medyo alangaan kayong mag-stay dito sa bahay niyo ay puwede naman po kayong mag-stay muna sa mga hotels habang hindi pa tapos ang full investigation.”

Wala na nga akong nagawa kundi sundin na lang ang suhestyon nila. Kaya kaagad akong naghanap ng pansamantalang matutuluyan. Pero habang nasa biyahe ako ay hindi ko inaasahan na makita na naman ang taong markado ang mukha, hinahabol na naman ako nito. Pero nang pagkakataong iyon ay nasa bintana ko na siya.

Pakiramdam ko ay papanawan na ako ng ulirat at kinakapos na rin ako ng hininga kaya kaaagad kong iniliko sa mataong lugar, eksaktong pagliko ko ay nakita ko ang 7 eleven. Huminto ako roon upang humingi ng saklolo sa mga nakatambay. Pero pagbaba ko ay nawala na naman ang taong markado.
Nagtataka man ako kung bakit nawawala ito, pero dinayal ko na lang kaagad ang numero ng mga pulis, ngunit may bigla na lang pumasok sa isip ko.

“Tang ‘na, bakit hindi ko naisip yon!”

Halos pabulong ko pa sa sarili ko habang tinitingnan ang mga side mirror na nagbabago ang kulay. Naging kalawangin na ito at parang galing sa sunog ang tekstura nito.

Kaya naman ay nadiskubre ko nang hindi pala talaga buhay na tao ang humahabol sa akin kundi isang ng kaluluwa...

Hindi na ako nagsayang pa ng oras kaya agad kong tinanggal ang mga side mirror ng kotse at itinapon sa basurahan. Nakita kong nag-iba na naman ang kulay nito at bumalik sa dating kulay na silver.

MGA ilang araw lang ang lumipas ay napalitan ko na ito ng brandnew. Buti na lang at nakahiram ako ng pambili sa boss ko. Kaya naging magaan na ang pakiramdam ko sa tuwing mapapatingin ako sa bago kong side mirror dahil sa wakas ay wala na rin ang taong humahabol sa akin.

Hanggang dito na lang po ang aking kwentong kababalaghan. Ako nga pala si John.

📜Aired on Kwentong Takipsilim
▪︎2021▪︎

[1] True Filipino Horror Experiences (Tagalog)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon