ANINO Part 2

50 4 0
                                    

ANINO Part 2

I. https://www.facebook.com/1305050579651050/posts/1382956355193805/

Nagsibabaan yung iba naming kasama dahil sa naging commotion sa kusina. "Anong nangyari? Anong nangyari?" tarantang tanong ni Boss Neil. Tumigil na sa pag-flicker ang ilaw at nang magmulat ako, nag-iiyakan ang mga kasama ko. Kinarga ni Boss Neil si Cailee at inalalayan kami nina Ate Pai paakyat sa 2nd floor. Habang nasa hagdan kami, pakiramdam ko ay parang mabibiyak ang ulo ko sa sobrang sakit. Pagdating sa taas, pinahiga ako ni Marcy at siya ang nagkwento sa iba kung ano ang nangyari. Tinanong ni Ma'am Cath sina Ma'am Peng kung nakita rin nila yung sinasabi ko. "Hindi, Ma'am, pero ramdam namin yung presensya niya," sagot ni Ma'am Peng. "Paanong presensya? Baka naman nadala lang kayo sa sitwasyon. Pati sarili nyo tinakot nyo," medyo pagalit na sabi ni Ma'am Cath. Nang hindi na sumagot sina Ma'am Peng, bumangon ako at nakiumpok sa kanila. Sinabi ko na nakita kong itinulak nung anino si Cailee kaya ito nadapa. Ayaw maniwala ni Ma'am Cath kahit anong paliwanag ang gawin ko at puro sarcastic yung mga tanong niya sa akin. Tahimik lang na nakikinig si Ate Maui habang pinapatulog si Cailee. Ni hindi man siya nag-react nung sabihin kong nakikita rin ni Cailee yung sinasabi kong anino. Walang ibang naniniwala sa akin kundi ang kapatid ko lang na si Marcy. Yung patong-patong na inis at bitterness na kinikimkim ko mula pa nung una, feeling ko ay mas lumalim na. Nahaluan na ng resentment, ng frustration.

Nang kumalma na kaming lahat, nagsitulog na yung iba. Bumaba kami ni Marcy sa kusina para mag-pray. Dala ko yung Bible ko at binuksan sa Psalm 91 (ito po yung personal favorite ko when it comes to praying for God's protection against evil, mga sakit, sakuna, at iba pa). I read the verses just loud enough para marinig sa buong kusina. Then, magkahawak-kamay kaming nagdasal ni Marcy. After that, umakyat na kami at natulog.

Considering na nasa "Ber months" na that time, I knew na mas malamig na ang mga gabi sa Baguio. Pero nung gabing iyon, dalawa o tatlong beses yata akong nalingat dahil sa sobrang init ng pakiramdaman ko. I felt uneasy kaya gusto ko sanang gisingin si Marcy pero nag-alangan ako dahil ang sarap ng tulog niya. Nadantay yung binti ko sa sahig sa pagitan ng mga foam namin ni Marcy at naramdaman kong malamig iyon kaya idinikit ko roon yung pisngi ko. Bale yung katawan ko ay nasa foam mattress pero yung ulo ay nakababa sa sahig na tabla. Sa ganung pwesto ako nakatulog. Maya-maya, naalimpungatan ako ulit dahil may naramdaman akong naglalakad. Akala ko ay umaga na kaya nagmulat ako pero madilim pa sa paligid at tulog pa lahat ng mga kasama ko. Pumikit na ulit ako at dun biglang nagsimula na naman yung tunog na naglalakad. Dahil nga gawa ito sa tabla at nakadantay nang walang sapin yung ulo ko sa sahig, dinig na dinig ko yung bawat paghakbang niya. Yung alinsangan na nararamdaman ko kanina ay napalitan na ng lamig nang maramdaman kong nasa may paanan ko yung naglalakad. Na-feel ko pa na parang naapakan yung bedsheet ko kasi medyo nahila yun mula sa pagkakadagan ko.

Nagtulog-tulugan ako at sinikap na huwag kabahan habang papalapit sa may uluhan ko yung mga hakbang. Napahigit ako ng hininga nang tumigil yung naglalakad ilang dangkal lang siguro ang layo mula sa ulo ko. Tapos, may mga naglagutok na buto na parang kapag matagal kang nakatayo at bigla kang uupo ng pa-squat. Nagsimula akong magdasal pero nagra-ramble yung mga words sa isip ko. Ramdam na ramdam kong may nakaupo roon at nakatingin sa akin. Mariin akong pumikit dahil di ko na kayang pigilan yung takot na bumabalot sa katawan ko. Dun siya biglang tumawa. Hindi yung tawa na masaya kundi tawang nanunuya. Bahaw at pagak ang tunog ng tawang iyon. Takot na takot ako at hindi makapag-isip kung ano ang dapat kong gawin.

Nagulat ako nang biglang bumuhos ang ulan. Walang kulog o kidlat at purong ulan lang na sobrang lakas. Nabaling yung focus ko sa ulan kaya unti-unting nabawasan yung takot ko. Nagmulat ako ng mata at luminga-linga sa paligid. Tulog pa rin yung mga kasama ko. Nilakasan ko yung loob ko at dahan-dahang umusog papunta sa foam ni Marcy. Sumiksik ako sa kanya at hinila yung kumot na dahilan para malingat siya. Nang makita niyang ako yung tumabi sa kanya, yumakap siya sakin at saka bumalik sa pagkakatulog.

[1] True Filipino Horror Experiences (Tagalog)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon