TILL DEATH, WE'LL NEVER PART Part 2

56 6 1
                                    

TILL DEATH, WE'LL NEVER PART Part 2

I. https://www.facebook.com/1305050579651050/posts/1382956355193805/

Ilang araw matapos kaming kausapin ni Sheila ay bumisita kami nina Camille at ng isa pa naming kaibigan na si Jen sa kanila. Nadatnan namin si Tita Chona (ang mama ni Sheila) na saktong palabas ng gate. Binati namin siya at nang akmang kukunin ni Jen yung kamay niya para magmano ay umiwas siya at tiningnan kami ng masama. Nagkatinginan na lang kaming tatlo at pinagmasdan si Tita habang naglalakad papalayo mula sa amin. Tumuloy na kami sa bahay at dire-diretsong pumasok dahil bukas naman ang front door. "Oh, nandito na pala kayo," bungad ni Tita Chona sa amin. Kasalukuyan siyang naghahanda ng pagkaing ihahatid raw niya kay Tito Mike (papa ni Sheila) sa bike shop nila. Nagulat kami at napatakbo papalapit sa kinaroroonan ni Tita. Yumakap pa si Camille sa kanya at hinawakan nang mahigpit ang magkabilang braso nito. "Napano kayong tatlo?" nagtatakang tanong ni Sheila. Ikinwento namin ang nangyari kaya kinilabutan din yung mag-ina. Pwede pa sigurong sabihing namalikmata lang kami kaso hindi lang isa, kundi kaming tatlo ang nakakita. Isa pa, totoong-totoo sa paningin namin na si Tita Chona talaga ang nakasalubong namin. Binawalan ni Sheila ang Mama niya na lumabas ng bahay, at yung boy na lang nila sa shop ang kumuha ng pagkain.

Bandang hapon, dumating na si Kuya Sherwin mula sa school at walang kakibo-kibong dumiretso sa kwarto niya. Nasa sala kami nun at kumakain ng mais. Hindi pa naman summer at hindi rin maalinsangan sa loob ng bahay pero bigla kong naramdaman na uminit ang paligid. Parang yung feeling na galing ka sa loob ng mall o kaya sa bank tapos paglabas mo ay bigla kang maiinitan. Ganun ang nangyari sa akin that time kahit na hindi naman ako umalis mula sa pagkakaupo ko. Tiningnan ko yung iba pero parang wala naman silang nararamdaman. Tumayo si Tita Chona at kinatok sa kwarto si Kuya Sherwin. Isang mahinang "No" lang ang sagot ni Kuya nang alukin siya ni Tita ng mais.

Ang sala kung saan kami nakaupo ay nakadugtong sa kusina at dining area nila. Isang malaking divider kung saan naroon ang TV ang nagsisilbing partisyon ng mga ito. Sa left side ng sala ay ang kwarto nina Tita Chona at Tito Mike. Katabi ito ng hagdan paakyat sa dalawang kwarto sa itaas na para kina Sheila at Kuya Sherwin naman. Mababa lang yung hagdan, nasa 12 steps siguro. Bale yung kisame ng room nina Tita ay floor naman ng mga rooms nina Sheila. At kung nasa sala ka, kitang-kita mo yung mga kwarto sa itaas.

Habang nanonood kami, may napansin akong parang may nakatayo sa harap ng pinto ni Kuya Sherwin. Tumingin ako sa itaas pero wala naman. Akala ko nung una ay illusory effect lang iyon dahil nakatutok ako sa TV. Nung pangalawang beses ko siyang mapansin, sinubukan ko siyang hulihin kaya binilisan ko yung paglingon ko. Napatingin din sina Jen at Cams sa itaas at tinanong ako kung bakit. Ayaw ko naman silang takutin, lalo na at kasama namin si Tita Chona kaya sinabi ko na lang na ini-stretch ko lang yung batok ko. Bumalik na kami sa panonood at maya-maya ay naroon na naman yung pigurang nakatayo. This time, hindi ko siya nilingon. Pinipilit kong i-figure out ang itsura niya kahit nasa peripheral vision ko lang ito. Umusog ako ng kaunti at patay-malisyang sumandal sa sofa. Dun ako nakakuha ng mas magandang anggulo. Nakasuot ang pigura ng grayish/off black na damit. Pakiramdam ko ay alam ng pigura na nakikita ko siya nang mga oras na iyon. Bigla niyang itinaas ang isang kamay at tumuro sa may pwesto namin. Dun na ako tumingin sa kanya. Hindi siya nawala. Nanatili siyang nakatayo sa harap ng pinto at nakaturo sa amin. Specifically, nakaturo kay Sheila. Bigla akong napapikit at nagdasal. Init na init ang pakiramdam ko noon at pinagpapawisan ako ng todo.

Napansin ako ni Jen at niyugyog ako ng malakas. Nang dumilat ako, wala na yung pigura. "Hindi ba kayo naiinitan?" tanong ko sa kanila. Akala nila ay nilalagnat ako pero nang i-check ni Tita ang temperature ko, normal naman ito. Sinabi ko sa kanila yung nakita ko, except dun sa part na tinuturo si Sheila. "Ma, di ba sabi ko sayo, meron talaga?" naluluhang sabi ni Sheila. Tinanong ako ni Tita kung nakita ko ba ang itsura at kung si Ate Neri ba iyon. Umiling ako. "Lalaki po siya, Tita. Payat na lalaki po," sagot ko.

[1] True Filipino Horror Experiences (Tagalog)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon