TILL DEATH, WE'LL NEVER PART

61 5 0
                                    

TILL DEATH, WE'LL NEVER PART

Hello, Spookify! Sa isang sulat ni Albert Einstein sa kanyang anak na si Lieserl, sinabi niya na, "Love is the most powerful force there is, because it has no limits.” Dahil sa pag-ibig, maaaring magbago ang isang tao, nagagawa niya ang mga bagay na hindi niya dating ginagawa, at natututo siyang magtiis, magtiwala, at maging masaya. Ngunit hanggang saan nga ba ang kayang gawin ng isang tao para sa pag-ibig?

Si Kuya Sherwin ay nag-iisang kapatid ng kaibigan kong si Shiela. Matanda siya sa amin ng apat na taon at nagtatrabaho bilang isang high school Math teacher. Sa loob ng halos anim na taong pagkakaibigan namin ni Sheila, hindi na mabilang kung ilang beses na kaming bumisita sa bahay nila. Minsan nga ay doon pa kami natutulog ng isa pa naming kaibigan na si Camille. Pero ni minsan ay hindi nakipag-socialize sa amin si Kuya Sherwin. Lagi siyang nakakulong sa kwarto niya at lalabas lang kapag kakain o may iba siyang gagawin. It's understandable naman dahil siguro sa lalaki siya at mas matanda sa amin kaya hindi nakikihalubilo kapag naroon kami. Para siyang isang typical "nerd" student na madalas i-bully sa mga napapanood nating pelikula. Nakasuot siya ng makapal na salamin, naka-braces, at laging naka-buttoned up yung polo niya. Matalino si Kuya Sherwin. May isang pader sa bahay nila kung saan nakasabit yung lahat ng mga medals at certificates na nakuha niya noong nag-aaral pa siya.

One time, ininvite kami ni Sheila sa birthday ng Mama niya. Paglabas namin ni Camille sa trabaho ay dumiretso na kami sa bahay nila. Pagbaba namin sa tricycle, saktong papasok pa lang din nun sa gate sina Kuya Sherwin at yung kasama niyang babae. Akala ng mga dinatnan namin ay kasama namin yung babae dahil kasabay namin siyang pumasok. Shookt kaming lahat nang ipakilala siya ni Kuya Sherwin sa buong family bilang girlfriend niya, si Ate Neri. Mas lalo kaming nagulat nang malaman naming si Ate Neri ay yung dentist pala ni Kuya. Pagkatapos magkakila-kilala, yung initial reaction namin na gulat ay agad ring napawi at napalitan ng saya. Sobrang bubbly ni Ate Neri at kung makisama ay parang matagal na niya kaming kakilala. From then on, naging kapansin-pansin ang mga pagbabago hindi lang sa looks, kundi pati na rin sa ugali ni Kuya. Imbes na salamin ay contact lenses na ang isinusuot niya. Kwento pa ni Sheila, lagi na rin daw siyang nakangiti, na opposite dun sa dating masungit niyang aura. Natuto na rin siyang mag-ayos ng buhok. Kung tutuusin, masaya naman ang pamilya nina Sheila noong una kahit introverted si Kuya Sherwin. Pero sa pagdating ni Ate Neri sa buhay nila, hindi nila inakalang may mas isasaya pa pala ang kanilang pamilya.

Makalipas ang dalawang taon, nagdesisyon nang magpakasal ang dalawa. Sayang nga lang at hindi ako naka-attend sa kasal nila nun dahil na-assign ako sa Bicol for work. Days passed by smoothly, maraming blessings ang dumating sa kanila. Hindi na nagpatayo ng bahay sina Kuya Sherwin dahil yung bahay at lupa ng mga magulang niya ay sa kanya naman maiiwan. Kaya yung ibang ipon nila at cash gifts na nakuha sa kasal ay ginamit nila para palakihin yung dental clinic ni Ate Neri. Nakabili rin sila ng sasakyan. Tinulungan sila ng Daddy ko na makapili ng kotseng secondhand pero sobrang ayos pa. Tapos ay na-promote si Kuya Sherwin bilang Head Teacher ng department niya. Pero ang pinakamalaking blessing na natanggap nila ay ang pagdadalang-tao ni Ate Neri.

Magpa-Pasko noon at pauwi na si Ate Neri mula sa isang party. Nataon naman na kasabay rin ito ng Christmas Party ng department ni Kuya Sherwin kaya hindi niya nasundo ang asawa. Sa kasamaang palad, nabangga ang sinasakyang tricycle ni Ate Neri ng isang jeep at sumalpok ito sa isang delivery truck.

Kung ikinwento lang siguro sa akin at hindi ko personal na nakita ang mga pangyayari, marahil ay iisipin kong ito ay mga eksena lamang sa isang teledrama o di kaya ay excerpt mula sa isang tragic novel. The more na gusto naming isipin na panaginip lamang ang lahat, mas lalong ipinagduduldulan sa aming mga mukha kung gaano ito katotoo. Dahil sa tindi ng pagkakayupi ng tricycle, hindi agad nakuha ang katawan ni Ate Neri. Pagdating sa ospital, wala ng heartbeat yung baby sa sinapupunan niya. At maging siya man ay hindi na nasagip ng mga doktor dahil sa sobrang dami ng dugong nawala sa kanya. Hindi ko lubos maisip kung gaano kasakit ang pinagdadaanan ni Kuya Sherwin nang mga oras na iyon. Sinisisi niya ang kanyang sarili dahil sa loob ng mahigit dalawang taon, kahit noong hindi pa sila kasal, ay hindi siya pumalya sa paghatid-sundo kay Ate Neri. Sa kauna-unahang pagkakataon na hindi niya nasundo ang asawa ay isang trahedya pa ang naging resulta. Galit na galit din kay Kuya Sherwin ang mga parents ni Ate Neri. Siya ang sinisisi sa pagkawala ng kaisa-isa nilang anak dahil nabigo raw siyang protektahan ito.

Una at huli naming nakitang umiyak si Kuya Sherwin ay noong nasa ospital kami. Sa loob ng anim na araw na nakaburol si Ate Neri at maging sa araw ng libing ay hindi na siya ulit umiyak. Tahimik lang siyang nakaupo sa tabi ng kabaong at nakatulala. Kapag may lalapit sa kanya para makiramay, tatango lang siya nang hindi man lang tumitingin sa kausap.

Pagkatapos ng libing, sa amin muna dumiresto si Sheila dahil hindi pa raw niya kayang umuwi sa kanila. Bandang 11pm, tumawag ang Mama ni Sheila dahil nawawala raw si Kuya Sherwin. Naisipan daw niyang silipin kung nakatulog na ba si Kuya at laking gulat niya dahil wala ito sa kwarto. Hinanap nilang mag-asawa sa buong bahay at maging sa bakuran ngunit hindi nila nakita. Mga dalawang oras ang byahe mula sa amin papunta kina Shiela kaya nung nakarating kami sa bahay nila, nahanap na nila si Kuya Sherwin. Nadatnan daw nila itong nakatalungko sa harapan ng clinic ni Ate Neri. Nang tanungin namin kung bakit siya nagpunta roon, sabi ni Kuya ay hinihintay raw niyang mag-out sa work si Ate para sabay na silang umuwi, delikado na raw kasi ang panahon ngayon. Napayakap si Sheila sa kuya niya at lahat kami ay napaluha. After ng mga pangyayaring iyon, bumalik muli si Kuya Sherwin sa kanyang quiet self. Sabi ni Shiela, mas naging detached si Kuya ngayon kumpara sa dati. Madalas ay hindi siya kumakain at laging nasa kwarto lang. May mga gabi raw na nagigising siya at naririnig ang kuya niya na umiiyak sa kanyang kwarto.

Minsan, pumunta si Sheila sa workplace namin ni Camille. Nakiusap siya sa amin na dumalaw kami sa bahay nila. Matagal-tagal na rin kasi kaming hindi nakakapasyal dahil naging busy kami sa trabaho ni Cams. Kwento ni Sheila (non-verbatim), "Parang may something weird sa bahay. May mga times na feeling ko may nakatingin sa akin kahit alam kong ako lang mag-isa sa bahay. Lalo na dun sa part ng hagdan, madalas mahagip ng paningin ko na may nakatayo roon pero pagtingin ko, wala naman. Minsan, habang nagpapahinga si Mama, may nakita raw siyang anino sa siwang sa ilalim ng pinto na para bang may nakatayo roon pero pagbukas niya, wala namang tao. Tahimik talaga sa amin, alam nyo yan, pero never ko pang na-feel na ganito kabigat ang katawan ko tuwing nasa bahay ako."

Pare-parehong Christians ang mga family naming tatlo kaya alam naming hindi multo ang tinutukoy ni Sheila. Hindi kami naniniwala sa multo o kaluluwa ng namatay na bumabalik pa. Sabi sa Bible, once na mamatay ang isang tao, babalik sa alabok ang kanyang katawan at ang kaluluwa niya ay haharap sa Diyos. Kaya yung mga nagpaparamdam o nagpapakita sa atin ay hindi yung mga taong patay na kundi mga evil spirits. Nariyan lang sila sa paligid, hindi natin nakikita pero nagmamasid, at naghihintay ng pagkakataon para umatake. Madalas ay nagiging mas vulnerable ang isang tao kapag may sakit siya o kaya ay may mga problema at pagsubok na pinagdaraanan. Sila yung mga nagtatanim ng galit, inggit, at paghihimagsik sa ating mga puso. Sila yung mga nagtutulak sa isang taong nasa bingit na ng pagsuko upang tuluyan nang mahulog. Madalas din nilang gawing target yung mga taong nagsu-suffer from losing someone. Ini-imitate nila yung memory natin sa taong namayapa na para mapaniwala nila tayong bumalik sila or nariyan pa rin sila sa paligid. The moment na mapaniwala nila tayo, yun ang sasamantalahin nila para i-pursue natin ang ganoong belief na maglalayo sa atin sa Diyos. Doon din nabubuo ang takot sa ating mga isipan dahil sino nga ba naman ang hindi matatakot kung makita mo or magparamdam sayo ang isang taong alam mong patay na, di ba? Kapag napupuno na tayo ng takot, nawawalan na tayo ng kakayahang mag-isip ng maayos at nakikita nila kung gaano tayo kahina. (This is my personal standpoint po regarding this topic. I don't intend to discredit other beliefs.)

Gustong i-confirm ni Sheila kung meron nga bang "something" sa kanilang bahay o dulot lang ng stress ang mga nararanasan nila. Kung kailan daw kasi unti-unti nang nakaka-recover ang pamilya niya sa pagkawala ni Ate Neri ay dun naman nagsimula yung mga ganitong pangyayari kaya nag-umpisa na rin siyang makaramdam ng takot. Hindi takot sa multo, kundi sa mga evil spirits na maaaring magsamantala sa sitwasyon nila. Hindi takot para sa sarili niya, kundi para kay Kuya Sherwin na sa tingin niya ay may inililihim sa kanila.

P.S. Sina Cams at Sheila rin po yung mga kaibigan ko na una kong nabanggit sa Haunted University. Salamat po sa pagbabasa, ise-send ko po kaagad yung karugtong. Thank you rin, Admin Chai, sa pagpost!

Marga Vermilion, 2020

Iba pa niyang istorya:
https://www.facebook.com/1305050579651050/posts/1382956355193805/

📜Spookify
▪︎2020▪︎

[1] True Filipino Horror Experiences (Tagalog)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon