SINULID

40 4 0
                                    

SINULID

Sikat itong kwentong ito dito sa aming lugar, naikwento lang din sa akin ng mamita ko. Meron daw dito sa lugar namin noon na isang magaling na mananahi, marami talaga syang customer dahil bukod sa magaling sya sa kanyang trabaho ay likas din syang mabait na tao. Itago na lang natin sya sa pangalang Ate Susan, nasa 50 mahigit na ang kanyang edad ngunit magaling at matulin parin syang manahi. Meron syang pamangkin na sya na ang nagpalaki at nag-aruga simula pagkabata nang iwanan ito sa kanya ng kanyang kapatid. Sya si Melai, nasa early 30's ang edad, sya rin ang katulong ni Ate Susan sa pananahi.

Isang araw ay napagsabihan daw ni Ate Susan si Melai dahil ayaw ni Ate Susan sa boyfriend ni Melai dahil isa itong drug addict. Dahil sa uminit na sagutan nila nasabi ni Melai kay Ate Susan na:

"Wag mo naman akong itulad sayo na tumandang dalaga nalang ay puro parin tahiin ang laging kaharap"

Matapos ang sagutan nila ay lumayas daw si Melai at sumama sa boyfriend nito. Umabot ang isang linggo ay hindi parin bumabalik si Melai, sa pag-aalala ni Ate Susan ay pinuntahan nya yung tinitirhan ng boyfriend ni Melai. Nagulat si Ate Susan nang makita nyang puro pasa sa mukha at katawan si Melai habang ito ay nagsasampay ng mga nilabhang damit. Napag-alaman nyang binubugbog si Melai ng boyfriend nya kapag itoy lasing at dahil narin sa nahihiya na si Melai bumalik sa kanyang tiyahin ay tiniis na lang nya ang pananakit sa kanya ng boyfriend nya.

Agad na pinaempake ni Ate Susan si Melai na sya namang tinutulan ng boyfriend nya. Sasampalin sana ng lalaki si Melai pero sinagang yun ni Ate susan kaya sya ang tinamaan sa mukha at napaupo sa sahig. Sa galit ni Melai ay tumakbo ito papuntang kusina at kumuha ng kutsilyo, sa takot ng lalaki ay pinabayaan na lang nyang makaalis ang dalawa.

Umuwi ng bahay si Ate Susan at Melai na may parehong pasa sa mukha. Labis ang pagsisisi ni Melai na sinuway nya ang kanyang tita na tumayo na rin bilang ina nya. Makaraan ang dalawang araw ay natagpuang patay ang boyfriend ni Melai, nakahandusay ito sa labas ng kanyang bahay.

Habang iniembalsamo ang bangkay ng lalaki ay may nakitang nakausling itim na sinulid sa bibig nito. Hinila yun ng embalsamador ngunit nangilabot sya dahil ang sinulid ay napakahaba na tila bay hindi maubos ubos. Dahil sa takot ay ginunting na lamang nya ito. Nung nakaburol na ang bangkay ng lalaki ay naging usap usapan ito sa buong lugar dahil may mga sinulid ngang lumalabas sa bibig, ilong at tenga nito. Ang sabi nga nila ay kinulam daw, at wala silang ibang pinagdududahan kundi si Ate Susan.

Makaraan ang ilang araw mula nang mailibing ang bangkay, habang si Ate Susan ay nag-aabot ng pagkain sa mga batang lansangan ay may isang riding in tandem ang pumara sa harap nya at agaran syang binaril sa ulo at dibdib. Agad na humarurot ang mga kriminal palayo sa crime scene ngunit sa kabutihang palad ay nahuli ng mga kapulisan ang dalawang salarin.

Sandali lang naiburol si Ate Susan at ipinalibing agad ni Melai dahil wala na rin naman silang malalapit na kamag anak dito. Isang araw matapos ang libing ni Ate Susan, natagpuang patay sa loob ng kulungan ang dalawang lalaking bumaril sa kanya. Kagaya ng ex boyfriend ni Melai, may mga sinulid ding nakita sa kanilang mga bunganga.

MerryHoliday

Iba pang kwento mula kay Merry
https://www.facebook.com/218238752251069/posts/1231619590912975/


📜Sigaw
▪︎2022▪︎

[1] True Filipino Horror Experiences (Tagalog)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon