Laman ng Puso

798 5 0
                                    


Bumabalik, kumakatok
Sa'king pusong marupok
Bumabalik, kumakatok
Bakit hindi noong ako'y nalugmok?

Nagmamahal, natatakot
Bakit ako nalulungkot?
Nagmamahal, natatakot
Nakataklob nanaman sa ilalim ng kumot

Nag-iisip, nakatulala
Isip na lumulutang lalong lumalala
Nag-iisip, nakatulala
Sumasagi din ba ako sa'yong isip kahit bahagya?

Nasasaktan, umiiyak
Sa pag-ibig na hindi matiyak
Nasasaktan, umiiyak
Sana puso'y maging buo at payak

Maghihintay, bibitiw
Nagbibigay lang ba sa'yo ng aliw?
Maghihintay, bibitiw
Ano ba talaga ako para sayo giliw?

Nakakagulo, nagpapasaya
Sa'king piling ikaw ay laging malaya
Nakakagulo, nagpapasaya
Puso mo, hanggang ngayon, hindi makapag pasiya

Aasa, kakawala
Bakit nagbibigay pa ng pag-asa?
Aasa, kakawala
Ayoko ng makaramdam na ako'y binabalewala

Matibay, nadudurog
Baka isang araw magising at mauntog
Matibay, nadudurog
Bakit unti unti pa rin akong lumulubog?

Magpapaalam, lalayo
Hahanapin mo kaya kapag ako ay naglaho?
Magpapaalam, lalayo
Kahit alam kong ikaw pa rin ang laman nitong puso

Magsisimula, matatapos
Babalik ba at muling madarama ang mga yapos?
Magsisimula, matatapos
Kelangan na bang bumangon at tanggapin ang pagtatapos?

Hugot ng MakataTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon