Part 1
Isang malakas na kalampag ang nakapagpagising sa akin. Tiningnan ko kung saan ito nagmula at nakita ko ang aking pinsan na nabitawan ang isang baso. Nagkalat ang bubog nito sa sahig. Kumurap kurap muna ako saka ako bumangon. Kinuha ko ang aking cellphone sa gilid ng aking kama. Alas dyes na pala ng umaga. Konting oras nalang tanghalian na. "Pasensya ka na kuya hindi ko naman sinasadya, nadulas sa kamay ko ang hawak kong baso" Hingi ng pasensya ng pinsan kong si Jomar. "Okay lang Jom saka tanghali na din naman mabuti na rin yun at nagising ako" Nakangiting sabi ko. Niligpit ko na ang aking pinaghigaan dito sa sofa. Dito kasi ang tulugan ko dahil dalawa lang ang kwarto dito. Nakikitira lang ako sa aking tita. Ulila na akong lubos. Nag iisang anak lang ako. Namatay mula sa isang aksidente ang aking mga magulang pauwi galing sa trabaho noong ako'y labinlimang taong gulang pa lamang. Kinupkop ako ng aking tita Maria kasama ang dalawa nitong anak na lalaki. Mahirap lang din ang buhay nila rito dahil si tita Maria ay kapansanan, hindi na siya makalakad pa dahil naaksidente siya. Nabangga siya ng isang kotse at napuruhan ang kanyang mga binti at paa. Ang kanyang asawa naman ay nagtatrabaho bilang isang construction worker. Sa ngayon nagtatrabaho ako sa isang canteen sa pampublikong eskwelahan. Sa hirap ng buhay ay highschool lang ang inaabot ko. 2nd year high school student lang ako at dahil na rin sa tagal kong nagtrabaho para mabuhay at makapagbigay kahit papaano sa aking tita ay tinamad na din akong mag aral pa. Lunes na naman, maaga akong nagising dahil papasok pa ako sa trabaho. Kailangan ala sais palang nandun na ako. "Yown nandito na ang gwapo nating kasama!" Bungad sa akin ni Aling Linda. Siya ang tagaluto namin. "Magandang umaga po sa inyo" "Oh siya sige na isalin mo na itong friend rice sa chaffing para mahugasan ko na itong kawali" Kaagad akong kumilos dahil mamaya dadagsa na ang mga estudyante upang mag almusal. Kailangang mabilisang kilos dahil mabilis lang ang oras at magtatanghalian na naman. Sumuntok suntok ako sa hangin habang naglalakad upang maalis ang sakit ng aking braso. Gabi na naman. Isang araw na naman ang natapos "Hahaha" Napatigil ako sa paglalakad ng marinig ko ang isang tawa ng isang bata. Lumingon ako sa likuran ko. Sa isang puno nakasilip ang isang estudyanteng duguan ang mukha. Nakangiti itong nakatingin sakin. Napapikit nalang ako. Pilit ko man silang iwasan ngunit lagi silang nagpapakita sa akin. Nagsimula ko silang makita noong sampung taong gulang ako. Takot na takot ako sa kanila hanggang sa nasanay nalang ako. Sabi ng aking ina ay isa daw itong biyaya dahil may kakayahan akong makita sila di tulad ng iba. Pero para sakin hindi ito biyaya dahil nagiging sagabal pa nga ito minsan. Nasanay na nga ako makita sila ngunit hindi ko pa din maiwasang matakot dahil may mga multong humihingi ng tulong at ang iba naman ay hindi manahimik at nagpapansin dito sa mundong ibabaw. Nagpatuloy ako sa paglalakad. Medyo binilisan ko nalang patungo sa gate. "Alam kong nakikita mo ako" Bulong nito sa aking tenga. Kinilabutan ako bigla ngunit patuloy lang ako sa paglakad. "Gusto ko lang makipaglaro dahil nalulungkot ako" Huminto ako sa paglalakad saka tumingin aking likuran. Sa gulat ko napaatras ako bigla. Nakatayo siya sa aking harapan, malungkot ang itsura niya. Duguan ang mukha. Siya yung estudyanteng nalaglag mula sa puno dahil kumukuha siya ng mangga noon isang taon na ang nakakalipas. Basag ang kanyang bungo at nang dahil siya sa ospital ay wala na siyang buhay. Simula nun pinagbawal na ang lahat na umakyat sa puno at ang punong mangga na kanyang pinag akyatan ay pinutol. "Tigilan mo na ako. Wala akong matutulong sayo. Ipagdarasal ko nalang ang kaluluwa mo" Mahinahong sabi ko sa kanya. "Uy Mark!" Napalingon ako sa kung saan. Nakita ko si Manong Ben, guard ng eskwelahan na ito. Naglakad ako palapit sa kanya. "Ikaw po pala Manong Ben" Tiningnan niya at sinipat kung nasaan ako nakatayo kanina. "Sino yung kinakausap mo kanina? Parang wala naman akong nakikita?" Nakakunot noong sabi niya. Napahawak ako sa aking batok sabay ngiti. "Wala po manong Ben, may kinakabisado lang kasi ako kanina kasi nagpatulong yung pinsan ko sa gagawin nilang role play" " Ah ganun ba oh siya ingat ka sa pag uwi Mark. Hays sana kasing sipag mo din ang anak ko" "Sige po una na ako. Ingat din po kayo sa paguwi" Sabi ko sabay labas ng gate. Sa halos dalawang taon kong pagtatrabaho sa kanin, ni minsan hindi ko binanggit sa kanila ang kakayahan kong makakita ng mga kaluluwa. Dahil ayoko na matulad noon na pinagtawanan ako at nasabihan ng baliw. Pagkarating ko sa kanto namin nakita ko doon nakaupo ang pinsan kong si Jomar. Tumayo ito ng makita ako. "Kuya Mark!" Tawag nito sa akin sabay lapit. "Oh Jom bakit? May sasabihin ka ba?" "Oo kuya. Tumawag kanina kay mama si tita Alma. Gusto ka daw sana niyang papuntahin sa Antipolo. Kung sakali dun ka muna daw tumira. May sarili kang bahay dun yung maliit niyang bahay. Aalis na kasi sila papuntang Canda dahil dun na siya papatirahin ng anak niya. Tapos maiiwan nalang dun yung dalawa niyang anak kasi kailangan pang magtapos ng pag aaral sa pinas saka ayaw din pumunta sa Canada sa susunod nalang daw" "Ah ganun ba e may maiiwan naman pala dun bakit pa ako kukunin?" "Kasi nga nag aaral pa yung dalawa saka laging wala yun sa kanila. E di ba may mga alagang manok sila tita. Ikaw na magbabantay dun. Yung magiging tirahan mo sa likod nun yung nga alagang manok ni tita. Ikaw na mag aasikaso kasi nasa kabilang eskinita pa yung pinakabahay nila. E umalis na yung dating pinapatira dun. Ewan ko ba halos buwan buwan nalang ata umaalis yung mga pinapatira dun ni tita. Di ko sure kung sa manok ba may problema o sa mismong bahay" Napaisip ako bigla. Manatagal ko na rin kasing gustong bumukod ngunit wala pa akong sapat na halaga at nahihirapan din akong iwan sila tita. "Oh Mark nandito ka na pala. Nasabi na ba sayo ni Jomar?" Bungad sakin ni tita pagkapasok ko sa bahay. "Opo tita kanina sa labas sinabi niya sakin" "Kung papayag ka, bukas na agad ang alis mo. Ang sakin lang sana pumayag ka na kasi malaki din utang na loob natin sa tita Alma mo di ba? Siya ang natulong noong walang wala tayo kaya sana bilang sukli ikaw na muna ang mag alaga sa mga manok niya at tumingin tingin sa mga pinsan mo doon. Hwag mo kaming alalahanin dito. Saka malaki ka narin kailangan mo na ding mabuhay mag isa. At para narin magkanobya ka na" Pagkasabi niya nun natawa nalang ako. Oo nga pala ni minsan di ko naisipang pumasok sa isang relasyon hindi lang dahil sa hindi pa ako handa, dahil nahihiya ako na maipakilala sa magulang ng magiging nobya ko na ito lang ako. Walang maayos na income. "Sige po tita ayos lang po sakin. Hayaan niyo po kapag may sobra ako papadalhan ko po kayo" "Salamat Mark. Napakalaki ng tulong mo samin. Masaya ako na lumaki kang mabuting bata. Salamat Mark" Sabi niya sabay yakap sakin. Narinig ko ang mahina niyang hikbi. Di ko na rin mapigilang maiyak. Kinabukasan, sinundo ako ng isang kotse. Mabilis ang naging pangyayari dahil nagmamadali pala si tita Alma at marami pa siyang aasikasuhin. Si tita Maria na daw ang bahalang magpaliwanag sa canteen na pinagtatrabahuhan ko at ang sahod ko dun ay binigay ko nalang kila tita. Napabalikwas ako ng maramdaman kong may kumalabit sa akin. Si Mang Lito pala, personal driver siya ni tita Alma. "Nandito na tayo hijo, maaari ka ng bumaba. Ayun ng tita mo naghihintay sayo" Sabi niya sabay turo sa isang babaeng nasa edad singkwenta na ngunit maayos pa din ang tindig. Maganda ang kasuotan na masasabi mo talagang maayos ang pamumuhay. "Hello ikaw na ba yan Mark? Ang laki mo na binatang binata kana! Kamusta?" Nakangiting sabi niya sakin. Nagmano ako sakanya ng makalapit ako. "Magandang gabi po tita Alma. Ayos naman po ako" "Halika na sa loob at maghapunan tayo. Nagluto ako ng masarap na ulam para sayo" Sabi niya sakin sa sakin sabay hatak sa aking braso. Napatulala nalang ako sa ganda ng bahay niya. Tatlong palapag ito, naggagandahan ang mga gamit, malawak ang garahe sa labas, may tatlong sasakyan at mga halaman na sa tingin ko ay mahal. "Maupo ka Mark" Umupo ako sa tabi niya sa bandang kaliwa. Napatingin ako sa kaharap ko isang babae at isang lalaki. Sila na ata ang mga pinsan ko. "Siya si Lea, 18 years old palang siya. At ito naman si Leo 20 years old" "Hello po" "Yow bro" Bati nila sakin. Nginitian ko sila. "Mga anak siya naman si kuya Mark niyo. 22 years old na siya kaya kuya ang tawag niyo sa kanya. Respect each other ha? Bale siya na ang magtitingin tingin sa inyo. If you need help you can ask him para matulungan kayo" Tumango tango naman silang dalawa habang ako tahimik lang na nakikinig. "At ikaw Mark ang gagawin mo ay bantayan yung mga alaga nating manok. Nasa one hundred plus na ata sila. Papakainin mo sila at lilinisan ang kulungan. Kada linggo may darating na customer natin upang bumili ng manok at in the other week may mga supplier tayo ng manok na darating din. Dala nila yung mga manok na papalakihin mo para mabenta. May bahay dun sa farm, sa likod nun yung manukan. Medyo malayo naman ito sa manukan. No need to worry sa ilaw at tubig ako na ang bahalang mag babayad dun basta alagaan mo nalang din yung bahay " Huminto siya sa pagsasalita saka may kinuha sa bag niya na sobre. "Ito ang 10k para sa unang buwan mong allowance bahala ka na kung anong gusto mong gawin dyan. Every month naman may grocery ka worth 5k para sa bigas at ulam na din maggogrocery kayong tatlo. And if you want to have another job it's okay naman as long as na hindi mo papabayaan ang mga manok natin. Yung kikitain dyan bibigay mo lang kay Lea or Leo" "Yes po tita pinapangako ko pong pagbubutihin ko. Napakalaking blessings po nito sakin" Nakangiting sabi ko. Hindi na din pala masama dahil may ipangpapadala na ako kila tita Maria. Hinawakan ako ni tita Alma sa kamay saka tipid na ngumiti. "Please lang Mark, sana ikaw na ang huling mapapatira ko sa bahay na yun. Sana hwag kang umalis agad dahil wala na akong mahahanap pa" Nangunot ang noo ko. Napaisip din ako nung sinabi ni Jomar na kada buwan ay umaalis ang mga nakatira dun. "Opo tita hwag po kayong mag alala" Nakangiting sabi ko. Kinabukasan sinamahan ako ni tita papunta sa bahay na titirahan ko. Sa kabilang eskinita lang pala nila ito sa dulo. "Yan yung magiging bahay mo Mark. Malinis naman na dyan pinalinis ko na saka pinaayos ko na din yung mga sirang pinto at binta" "Salamat po tita" "Pwede na ba kitang maiwan? Ikaw na ang bahala kasi may lakad pa ako. Yung pagkain ng manok at vitamins nandun sa gilid ng bahay mo nakatabi sa may isang cabinet. Aalis na ako Mark" "Sige po tita ingat po kayo" Pagkasabi ko nun tumalikod na siya saka naglakad palayo. Nagtungo na din ako sa bahay natitirahan ko. Tama lang ang laki nito. Silip ko ang likuran ng bahay. May puno ng mangga at santol. Sa di kalayuaan tanaw ko ang isang malaking kulungan ng mga manok. Bumuntong hininga ako. Sana sa pagtira ko dito may swerteng nag aabang sa akin. Kinuha ko ang susi sa aking bulsa saka binuksan ang pinto. Maayos naman ito. May mga gamit din dito. May sarili akong saingan, may tv din, electric fan, ref at isang kwarto.Maaliwalas ang kulay. Light blue ang kulay ng pintura nito sa pader at puti. Nilapag ko ang gamit ko sa sofa. Pumasok ako sa kwarto. May kama na kasya ang tatlong tao. Pabagsak akong humiga. "Hays sana swertehin ako sa bahay na ito. Thank you Lord sa blessings" Mahinang sambit ko. Bumangon ako upang kunin ang bag ko sa sofa ng biglang tumaas ang balahibo ko. Kinilabutan ako bigla. Napapikit ako bigla. "Hays" Bumuntong hininga ako saka dumilat. Kaya pala buwan buwan nalang umaalis ang mga tumitira dito dahil may isang kaluluwa na naririto. Mula sa bintana, tanaw ko ang isang babae na nakasuot ng puti habang nakatingin sa akin. Itutuloy....
YOU ARE READING
Scary Stories (Unedited)
HorrorThe stories you're about to read are not mine. These are all from the Facebook fan page "Spookify". Note : These stories are not yet proofread (by yours truly) and only copy-paste directly from fan page to this account. Enjoy reading! Gamsahamnida...