Old Black Book (Parts 1-10)

3.8K 63 17
                                    

Old Black Book (Parts 1-10)

Part 1

Bata pa lang ako ay nakakakita na ako ng mga bagay na di nakikita ng ordinaryong mga mata gaya ng mga multo o ligaw na kaluluwa at mga elemento. Marahil ay namana ko ito sa aking lolo at lola na may parehong kakayahan.

Dahil bata pa nga ako noon at likas na matatakutin tuwing makakakita ng mga galang kaluluwa at elemento ay binilinan ako nina lolo at lola na huwag ko na lamang daw papansinin ang mga nakikita ko, wag kong lalapitan o kakausapin man. Dedma lang, parang ganon.

Kaya lang minsan ay mayroon talagang mga masasamang nilalang na pilit na nagpaparamdam sa akin.

Isang hapon, magtatakip-silim na, habang nakatambay ako sa likod ng bahay namin (hindi ko na maalala kung ano ang ginagawa ko dun, naglalaro yata ako sa likod bahay since elementary pa lang ako that time). Biglang may narinig ako mula sa aking likuran.

"Pssstt... Pssstt...!" Sabi nito.

Napalingon naman ako sa aking likuran at laking gulat ko sa aking nakita!

Isang batang babae na nakasuot ng puting bestida pero yung balat nya ay kulu-kulubot na at wala siyang mga mata!

Nalalagas na rin ang kanyang mga buhok at unti-unting nakakalbo. Para siyang natuyot na bangkay.

Sa sobrang takot ko ay napasigaw ako at tinawag ko sina lola at mama.

Dali-dali naman nila akong pinuntahan at itinuro ko sakanila ang batang babae.

Hindi nakikita ni mama ang bata pero si lola ay nakikita ito.

Itinapat ni lola sa batang babae ang kanyang kwintas na may cross pendant na gawa sa bronze at itinaboy ito.

"Layuan mo ang apo ko maligno ka!" Sabi ni lola dito.

Unti-unti namang naglaho ang batang babae o maligno nang itaboy ito ni lola.

Kinagabihan ay nilagnat ako ng mataas. Ang maligno raw ang may gawa noon sabi ni lola dahil gusto nitong gumanti.

Isinuot sa akin ni lola ang kanyang kwintas na may cross pendant at hinawakan ang kamay ko habang umuusal ng isang orasyon.

Ibabalik daw nya sa malignong iyon ang sakit na ibinigay nito sa akin. At makalipas nga ang ilang minuto ay bumuti na ang pakiramdam ko.

Yun ang unang beses na tinangka akong saktan ng isang masamang espiritu kaya naman nagdesisyon si lola na maglagay sa bahay ng mga pangtaboy sa masasamang elemento gaya ng asin na ibinalot sa tela, mga dahon at sanga ng iba't ibang halaman na pinagbigkis niya at pagkatapos ay nilagyan ng mga orasyon. Inilagay niya ito sa palibot ng bahay upang maging panangga sa mga masasamang elemento.

Ang kaalaman ni lola tungkol sa mga orasyon ay mula sa isang lumang itim na libro na minana pa daw niya sa kanyang tatay. Ipinapasa daw ito sa mga panganay na anak ng aming angkan.

Si lola ang ika-anim na tagapagmana ng libro. Ito ay naglalaman ng mga orasyon na nakasulat sa Latin.

Iba't ibang uri ng kakayahan at swerte ang makakamit ng taong magmamay-ari ng librong iyon. Kaya naman delikadong mapasa-kamay ito ng mga masasama.

Paminsan-minsan ay ginagamit ni lola ang kanyang kakayahan upang gamutin at tulungan ang mga taong ginagambala ng mga masasamang elemento o kinukulam.

Mayroong kaibigan si lola na tawagin na lang natin sa pangalang Mang Tonyo, isa siyang albularyo.

Masasabi kong kilalang albularyo si Mang Tonyo dahil marami ang lumalapit sa kanya upang magpagamot. Pero may mga pagkakataon na hindi sapat ang kakayahan ni Mang Tonyo upang pagalingin ang kanyang pasyente. Kaya naman humihingi siya ng tulong kay lola.

Scary Stories (Unedited)Where stories live. Discover now