Part 1Kamusta? Kumain ka na ba? Nawa'y nasa mabuting estado ang inyong kalusugan. NagsusulatsiBerserk nga pala muli, maglalahad ng isang panibagong kwento, sana'y tumatak ito sa inyong isipan.
Taong dalawang libo't tatlo, ako'y pinanganak sa isang masagana, mapayapa at masayang pamilya. Ako ang kauna-unahan nilang anak. Mayroon akong matiyaga at madiskarteng ama, at ang aking ina naman ay tila balon ng pagmamahal at kasiyahan. Ilang taon din kaming nakitira sa disenteng bahay ng aking matandang-dalagang tiyahin. Kung ikaw ay taga Montalban Rizal, marahil alam mo ang lugar na "Villa Ana". Masaya naming ginugol ang halos tatlong taon sa bahay na iyon. Limang taong gulang ako ng makumpirma na ang aking ina ay nagdadalang-tao. Naguumapaw na kaligayahan ang syang bumalot sa bawat-isa. Kaya sa ngalan ng pagiging pormal, malungkot man ay nagsarili ng bahay ang aking pamilya. Nakaipon naman rin kasi ang aking mga magulang.
Habang ang mga magulang ko'y abala sa paghahanap ng bahay na malilipatan, uupahan man o binibenta, ang isang kumpare ng aking ama ay may inirikumendang bahay at lupa. Maganda daw ang lukasyon at presyo, maaari rin daw itong pagkakitaan. Yan ang mga salitang ginamit ni Bert sa pageendorso ng bahay na iyon. At dahil nga sa kasigasigan ng kanyang kumpare na tignan ito, bumiyahe sila papunta sa bahay na iyon. Ang aking ama ay hindi naniniwala sa kahit anong kwento ukol sa multo, aswang, maligno o kahit ano mang kababalaghan. Ngunit nang sila raw ay dumating sa bahay na kanilang pakay, tila ang kanyang paniniwala at pakiramdam ay hindi magtugma. Katahimikan na tila may gustong sabihin, malamig na ihip na mukhang hindi ihip ng hangin, at pakiramdam na tila may nagluluksa ang sa kanya'y sumalubong. Nakakapagtaka dahil habang ang aking ama ay pinagmamasdan ang kabuuan ng bahay, ang mga tao sa paligid kung makatitig ay tila may lihim na sa gustong isiwalat. Ngunit hindi na ito pinagtuunan ng pansin ng akin ama, pangkaraniwan lang naman talagang titigan kung ano ang bago sa mata. Oh! Andito na pala si Manong Kaloy, wika ni Bert. Ito pala yung kinakapatid ko na titingin sana sa bahay mo. Baka magustuhan nya't magkasundo kayo sa presyo, sabay tapik sa balikat ng aking ama. Mukhang tahimik itong si Manong Kaloy, dahil tanging titig at tango lang ang sinagot nito sa mga sinabi nitong si Bert. Siguro'y dala na rin ng katandaan kaya tinatamad ng magsalita. Hawak ang susi ay sinimulan na ni Manong Kaloy buksan ang apat na kandado ng pasukan. "Matagal na din itong hindi napamahayan, mga dalawang taon narin siguro. Balak kona din sanang ibenta nalang ito sa bangko e, malas na kasi". Iyan ang mga salitang binanggit ni Manong Kaloy habang hinahanap ang susi sa ikatlong kandado. Ano po? Malas? Naniniwala po pala kayo sa malas at swerte? Medyo natatawang tanong ng aking ama. "Biro lang anak, wag mo nalang isipin". Tugon ni Manong Kaloy at sinamahan ng matipid na ngiti. Bumukas na ang ikatlong kandado. At sinimulan nanamang isa-isahin ni Manong Kaloy ang mga susi. "Hindi nyo po ba kabisado ang itsura ng susi ng bawat kandado?" Tanong ni Bert na mukhang naiinip na. "Kabisado ko, ngunit may mga pagkakataon talagang ganto." Sagot ni Manong Kaloy. "Mukhang ayaw nilang magpapasok." Pabulong na habol pa nito. Halos limang minuto din ang kanilang ginugol sa pagbukas ng ika-apat na kandado. Dahan-dahang itinulak ni Manong Kaloy ang bakal na "gate", matinis na tunog ang dulot nito. Mukhang ito ang wika ng mga kalawang na saksi sa ilang taong pagkakatengga. Pasok kayo! Paanyaya ni Manong Kaloy. May bumabagabag man sa isip at pakiramram ay nilibot parin nila ang bawat sulok ng binibentang bahay. Ang disenyo nito ay tila "apartment", mayroong isang kwarto sa baba at nasa tabi nito ang hagdan. Ito nananaman, narito nanaman ang pakiramdam na hindi maipaliwanag, pinaghalong kaba at kilabot na nanunuot sa balat. "Tara tuloy na tayo sa taas." Sabi ni Manong Kaloy. Sa bawat paghakbang sa baitang pataas, ay sya ring pagtaas ng hindi maipaliwanag na prisensya, prisensya na tila dahan-dahang yumayakap sa bawat isa sa tuwing hahakbang sa hagdanan. "Hay! Andito na tayo." Saad ni Manong Kaloy. Pag-akyat ay bubungad ang katamtamang laki ng beranda. Mula sa beranda ay tanaw ang mga maliliit na kabahayan. Ang ikalawang palapag ay mayroong dalawang pinto na maaaring tirahan ng dalawang pamilya. "Ahmm, maaari po bang silipin ang bawat pinto?" Tanong ng aking ama. "Oo naman, walang problema." Tugon ni Manong Kaloy. Malinis ang loob ng unang pinto, may isa din itong kwarto at may sariling banyo. Nakakatuwa dahil mukhang maalaga sa bahay itong si Manong Kaloy. Dahil mula sa kisame, sahig, at pintura ay hindi mahahalatang ilang taong walang tumira dito. Kapansin-pansin lang ang mga nakakalat na buhok sa sahig. "Sino ba yung "caretaker" ninyo dito Manong Kaloy? Maayos ang bahay, hindi halatang naabanduna ito." Puri ng aking ama. "Salamat, pero wala akong caretaker, pero minsan yung aking pamangkin na si Renzo ay walang magawa, kaya minsan e naglilinis sya dito." Tugon ni Manong Kaloy. Lubos na namangha ang aking ama sa bahay. Ngunit ng isasara na nila ang pinto, tila may mabilis na dumaan mula sa kwarto tungo sa banyo. Magkatapat kasi ang pintuan nito. "Ano yun?" Tanong ng aking ama sa sarili. Alam ng aking ama na nakita din ito ni Manong Kaloy dahil napatingin din ito sa direksyon iyon. "Baka bunga lang ng sinag ng araw." Tugon nya sa sarili. At dali-daling isinara ni Manong Kaloy ang unang pinto. "Sa kabilang pinto na tayo?" Pautal-utal na paanyaya ni Manong Kaloy habang nagpupunas ng pawis. Pagbukas ng ikalawang pinto ay pamilyar na amoy ang bumungad sa kanila. "Bakit ganto? Bakit amoy kandila?" Tanong ni Bert na mukhang asiwa sa sitwasyong iyon, mapagmasid kasi itong si Bert sa mga pamahiin. "Naku! Ito talagang si Renzo nagiwan nanaman ng kandila, ilang beses konang ibiniling wag magiiwan ng kandila e!" Galit na saad ni Manong Kaloy sabay lakad ng mabilos tungo sa kwarto ng ikalawang pinto. Pagbalik nya e mayroon na itong dalang kandila. "Buti nakapagdala ako." Mahinang sabi ni Manong Kaloy. Ngunit sa kabila ng naramdaman, nakita, at naamoy ng aking ama ay tila nagustuhan nya padin ang bahay. "Magkano nyo po ba maibibigay sakin ito Manong?" Tanong ng aking ama. "Dalawang milyon, bahay at lupa na!" Mabilis na sagot ni Bert. "Sandali! Nagustuhan mo ba ang bahay ko?" Sagot ni Manong Kaloy na may kasamang ngiti dahil mukhang mabibili na ang kanyang bahay. "Oo naman po, kung mapaguusapan ang presyo e baka kunin ko ito. Pero sa halagang dalawang milyon? Mahihirapan ata tayo dyan." Sagot ng aking ama. "Ahmm sige, isa't kalahating milyon? Pabor na ba ito sayo?" Presyo ni Manong Kaloy. "Masyado padin pong mataas Manong Kaloy." Saad ng aking ama. "Naku naku! Dumidilim na, doon nalang kayo sa kabilang bahay ni Manong Kaloy magtawaran, mukhang mahaba-habang diskusyon pa iyan e." Saad ni Bert. "Sabagay dumidilim na nga at mukhang uulan na din, iba ang ihip ng hangin. Tara bumaba na tayo." Paanyaya ni Manong Kaloy. At bumaba na nga ang tatlo, si Manong Kaloy, Bert at ang aking ama ang nasa likuran. Ngunit nang palabas na sila ng gate. "Aray! Sabay hawak sa leeg ang aking ama at bahagyang napalingon, mukhang kinagat sya ng lamok. Ngunit sa kanyang paglingon ay meron syang naaninag sa may bandang hagdan, bagamat'y madalim ay pansin nya padin ang hugis nitong tila babae na nakasuot ng bestidang puti. "Hoy Bryan! Tara na! Ano bang tinutunganga mo dyan?" Pagtawag ni Bert sa aking ama. " Ihhkkk, matinis na tunog ng gate habang isinasara ni Bert. "Ano yung nakita mo?" Bulong ni Manong kaloy.
YOU ARE READING
Scary Stories (Unedited)
HorrorThe stories you're about to read are not mine. These are all from the Facebook fan page "Spookify". Note : These stories are not yet proofread (by yours truly) and only copy-paste directly from fan page to this account. Enjoy reading! Gamsahamnida...