Part 5
[Mahaba ang parteng ito, inyo sanang paglaanan ng oras panahon. Salamat nga pala sa Spookify at kay Admin Chai na patuloy na pagbibigay ng pagkakataong makapagsulat ako sa "Facebook page" na ito. Maraming salamat. At muli, nawa'y mas gamitin ninyo ang inyong imahinasyon at pakiramdam. Kung ikaw ay nasa liwanag, tumungo muna sa dilim. At kung ikaw ay nasa maingay, makipagkasundo muna sa katahimikan. Salamat sa lahat ng suporta. Samahan nyo ako't atin ng simulan.]
Matapos ang nangyari kagabi, mas lalo na akong naging balisa sa bahay na iyon. Bawat saglit ay tumitingin sa bawat sulok, sadyang nakakahibang. Literal na nakakahibang, lalo na sa murang-isip ng isang bata. Hindi na ako tumatagal ng anim na minuto sa loob ng banyo't mga kwarto. Natatakot ako. Palagi nalang akong nakadikit sa aking ina. Hindi na din ako nagpapaiwan gaya ng ginagawa ko sa nauna naming bahay. Ramdam ko kasi ang hindi maipaliwamag na presensya sa bahay na iyon. Ako lang kaya? O nararamdaman din nila? Isang alas kwarto ng hapon, "Mars? Tao po. May tao ba?" Wika ng taong kumakatok sa pintuan. Ito pala yung kaibigan ni mama na nakatira lang malapit dito. Tawagin natin syang si Fhe. "Oy mare! Kamusta na pagbubuntis? Laki na ng tyan ah? Ito na ba yung inaanak kong si Jake? Aba'y manang-mana sa ama. Si pareng Bryan pala? Kamusta? Buti hindi sya napatay nung baliw na Kaloy?" Sunod-sunod na pagbati at pangangamusta nito ng pagbuksan ng pinto ng aking ina. "Alam mo? Umupo ka muna, andami mo agad tanong! Saglit lang at kukuha ako ng meryenda." Masayang wika ng aking ina. Sa mga sandaling iyon ay ako at si Ninang Fhe nalang ang naiwan sa sala. Nakikita kong lumilinga-linga ito, tumitingin din pataas-baba sa aming bahay. "Anak? Kamusta unang tulog mo dito? Maginhawa naman ba?" Nakangiting tanong nito. Dahil sa kanyang tanong ay nangilabot muli ang aking katawan. Muli kong naalala ang itsura ng babaeng nakaupo sa ibabaw ng aking kama. Nakakakilabot nitong mga ngiti, mapuputla at malalamig na mga paa, at mga mata na walang ibang kulay kundi itim. Ngunit hindi ko naman alam kung papaano ipaliwanag ang gusto kong sabihin at isumbong. "Ahm, maayos naman po Ninang Fhe." Matipid kong tugon." "Ano bang pinagbubulungan nyo dyang magninang ha?" Wika ng aking ina habang bitbit ang timpladong juice at may kasamang tinapay. "Aba! Asensado na talaga mars ah! Sana balang araw e magkaroon din kami ng sariling bahay." Saad ni Ninang Fhe. "Oo naman! Walang imposible, idadagdag ko yan sa mga panalangin ko." Tugon ng aking ina. "Salamat mare pero, kahit ilang talata pa ata yung ipanalangin mo mukhang malabo kaming magkasariling bahay. Yung ugali kasi ni pareng Bryan ay napakalayo sa ugali ng peste kong asawa. Palainom, tamad, papasada lang kung kelan nya gusto pumasada, at isa pa napakadaming bisyo. Napakaswerte mo sa asawa mo mare, masaya ako na natupad nyo na yung matagal nyo ng pinapangarap. Malungkot na wika ni Ninang Fhe. "Ano kaba? Pana-panahon lang yan at magsisipag din yang asawa mo. Pero sakto napadalaw ka dito, may ikikwento sana ako sayo, baka sakaling alam mo yung ibig-sabihin. Kagabi kasi pagkarating na pagkarating namin dito e nagpahinga na ako agad bago magluto. Napagod kasi ako sa biyahe. Si Jake at Bryan muna ang hinayaan kong maglinis-linis. Humiga ako sa kwarto, di ako komportable. Pero dahil nga sa pagod tsaka gusto ko na din masanay agad sa bahay na ito, ayon pinilit kong matulog. Sa gitna ng pagkakahimbing ko, nanaginip ako. Noong una akala ko totoo. Nakahiga daw ako sa kama, tapos nakikita ko si Bryan at Jake na naglilinis. Pero habang pinagmamasdan ko yung dalawa, biglang may pumasok na napakalusog na bata. Yung tipong hindi mo matitiis na hindi hawakan. Kaya ayon, nagmadali akong kunin yung bata na sa tingin ko ay mga nasa isang taon palang ang edad. Nagtataka ako kung bakit may bata sa bahay namin, samantalang gabi na. Nag-alala din ako baka hinahanap na ito ng nanay. Ang saya-saya ko habang buhat-buhat ko ang bata. Malusog ito at gwapo, maputi at makinis din ang balat. Pero ng yakapin ko ito, tila may binubulong ito ng kung ano sa tenga ko. Natakot ako at kinilabutan, ngunit kahit natatakot ay pinatahan ko padin ang bata. Hanggang sa ihiniga ko ito sa kama, tinabihan ko din ito. Ngunit napalingon ako saglit upang pulutin yung kumot, pagkabalik ng tingin ko ay nagiba na ito ng itsura! Nagmukha na itong tyanak! Kulubot ang mga balat, nanlilisik na pulang mga mata, at laway na walang tigil sa pagtulo. Pilit itong pumapatong sa aking dibdib habang yung mga kamay nya'y nakasakal sa aking leeg. Takot na takot ako ng mga oras na iyon Mareng Fhe! Halos himatayin na ako sa kaba. Unti-unti ng dumidilim yung paningin ko, pero tila may isang babaeng nakaputi ang unti-unting lumulutang papalapit sa akin. Nakangiti ito at napakaputla ng mga balat, litaw na litaw din ang mga ugat nito. At ang kanyang mga braso? Punong-puno ng mga hiwa. Palapit ito ng palapit, hindi ko alam kung papaano pipigilan. Hindi ko na rin maigalaw ang aking buong katawan, hirap narin akong huminga dahil sa batang nakasakay sa aking dibdib. Naisipan kong pumikit at manalangin. Ngunit sa aking pagpikit ay tila may kung anong malamig na bumalot sa aking mga leeg. Napadilat ako ng mabilis, kitang-kita ko ang isang babaeng itim na itim ang mga mata at nanlilisik. Kamay pala nito ang malamig na bumalot sa aking leeg. Pinagtutulungan akong sakalin ng bata at ng babae. Pero hindi ako nagpadaig sa takot at nagpatuloy ako sa panalangin. Ilang saglit lang ay nakagalaw na ako't nawala na ang bata at babae. Napapaisip ako, ano kayang ibig-sabihin ng panaginip na iyon?" Pagkikwento ng aking ina habang bakas sa kanyang mukha ang takot, akala ko'y ako lang ang nakakaramdam, ganon din pala ang aking ina. "Seryoso? Unang gabi nyo palang dito ay nanaginip kana ng ganon? Sabi kona nga ba e! May kung anong mali dito. Pero sana walang mangyari dyan sa pinagbubuntis mo mare. Huwag mo nalang isipin, makakasama sa bata yung labis na pag-iisip. Pagpapakalmang tugon nito sa aking ina. "Oo nga pala, si pareng Bryan? Kamusta? Buti ay nakaligtas sya doon sa baliw na matanda? Sabi ko na e! May sayad talaga yung matandang iyon." Pahabol pa nito. "Salamat sa pag-aalala mare, kaya laking pasasalamat ko sa Diyos na iniligtas sya nito sa kapahamakan! Mabuti talaga ang Panginoon!" Saad ng aking ina. Tok! Tok! Tok! "Ma? Pabukas naman ng pinto." Andito na pala ang aking ama. Mukhang hindi nya nakalimutan yung pangako nyang papasalubungan ako ng donut. "Oh ayan si Bryan oh! Sa kanya ka magpakwento. Bryan, ikwento mo daw kay mareng Fhe yung nangyari sa inyong dalawa ni Manong Kaloy." Wika ng aking ina sabay yakap at halik sa aking ama. "Oh Mareng Fhe! Salamat napadalaw ka. Magbibihis lang ako at ng maikwento kona sa inyo, ay Mareng Fhe? May itatanong din pala ako sayo. Baka may alam ka, tutal naman ay medyo matagal-tagal ka nadin sa lugar na ito. Saad ng aking ama. Ay Jake anak? Ito na yung paburito mong donut! Akala mo nakalimutan ko ano? Nakangiting sabi ng aking ama habang inaabot ang isang kahon ng donut. "Oy Jake bigyan mo si Ninang Fhe mo, huwag madamot." Paalala ng aking ina, sinunod ko naman ito. Ilang minuto lang ay bumalik na ang aking ama suot ang kanyang damit na isinuot na kagabi, sadyang matipid sa labahan ang aking ama. "Bryan ikwento mo na, dumidilim na sa labas. Baka mahirapan umuwi itong si Mareng Fhe. Pakiusap ng aking ina. Agad namang umupo ang aking ama sa tabi ng aking ina. "Nakikita nyo iyon?" Turo ng aking ama sa isang sulok, sa tabi ng banyo. "Dyan ko naabutan si Manong Kaloy na ipinapalo ang kanyang sariling ulo na animo'y walang pakiramdam at hindi nakakaramdam ng sakit. Pagpasok ko ay namamaga na at nagsusugat na ang kalahati ng kanyang mukha, ilang minuto ko din kasing pinakiramdaman muna bago ako tuluyang pumasok dito. Siguro nang napansin nyang hindi ako gumagawa ng reaksyon ay mas nilakasan nya ang pagpalo upang makuha ang aking atensyon. At sa parteng iyan." Turo ng aking ama sa likod ng pintuan. "Dyan nagmumula yung tunog, tunog na muntikan ng maging tunog ng aking kamatayan. Maari ding tunog ng aking mga huling sandali." Wika ng aking ama. Nakatitig ang bawat isa at pinakikinggan ang bawat pangyayaring inaalala ng aking ama. "Dyan nakalagay ang isang radyo na nagrerecord. Nagrerecord ng isang nalalapit na kamatayan. Pakiramdam ko ay nakapako ang mga paa ko ng mga sandaling iyon. Hindi na ako makagalaw, nakatitig nalang ako sa isang matandang nakangiti sa hindi maipaliwanag na dahilan. Sinubukan kong tawagan Bert upang humingi ng tulong, sinubukan kong tawagan ang pinakamatalik kong kaibigan. Umasa akong may Bert pa na sasagot mula sa aking pagtawag. Ilang saglit lang ay isa-isa ng pumapasok ang mga text ng kanyang asawa. "Bryan kasama mo ba si Bert? Bryan pwede pauwiin mo muna si Bert? Bryan pakausap naman kay Bert hindi nya kasi sinasagot mga tawag ko." Kung kaya ko lang? Kung maaari lang? At kung pwede ko lang sana ikutin pabaliktad ang mga kamay ng orasan at ibalik, ibalik yung mga oras na makikilala na namin si Manong Kaloy ay ibabalik ko. At ihihinto ko. At nanamnamin ang mga oras na magkasama, upang kahit papaano'y mabawasan ang hapdi kung hindi man magtagumpay ang planong ibahin ang plano ng tadhana. Plano ng tadhanang mamatay si Bert. Pero hindi, wala na. Sabi nga nila, walang nagkataon, walang disgrasya, at walang may kasalanan kapag kamatayan na ang umeksena. Hihinto ang orasan mo kung hihinto. Titigil ka sa pagsulat mo kapag ang lapis ay naubos. At isasara mo ang libro kung nakatadhana na itong isara kahit manipis palang naisulat mo. Oo nagalit ako, gusto ko ding patayin si Manong kaloy ng mga sandaling iyon. Nakikita kong unti-unti na itong tumatayo't lumalapit sa akin. Ang takot ko kanina ay napalitan na ng galit. Ano ba ang dahilan nya para patayin si Bert! Bakit nya ba sinasamba ang kayamanan! "Anong ginawa mo kay Bert?" Tanong ko kay Manong Kaloy. Nakatitig ako sa nanlilisik nitong mga mata, sadyang nakakakilabot tumitig sa matandang iyon. "Hindi ba't sabi ko sayo ay ayos lang ang kaibigan mo! Hindi kaba nakakaintindi ha!" Sigaw nito sa aking mukha at sinabayan ng paglaki ng mga mata. Nanginginig na ang mga tuhod ko ng mga oras na iyon. Dahil kitang-kita ko sa mga mata nya na handang-handa syang pumatay. "Bakit nasa iyo ang telepono ni Bert?" Tanong ko sa matanda habang pilit itinatago ang takot sa aking dibdib. "E ano bang pake mo? Kinuha ko ito-este hiniram ko noong nagkwentahan kami ng presyo. Nagmamadaling umalis, ayon naiwan nya. Kasalanan ko pa ba iyon? Tsaka bakit parang gusto mong sabihin na pinatay ko yung walang kwenta mong kaibigan ha?" Saad ng matanda habang mulat na mulat ang mga mata. Inilapit nito ang kanyang mukha sa aking kaliwang tenga. "Hindi ko sya pinatay Bryan, hindi kahit minsan. Bagkus'y binigyan ko sya ng prebeleheyong maisama sa tradisyon." Bulong nito sa aking tenga. "TRADISYONG KABILANG KANA DIN BRYAN! KABILANG KANA AT ISUSUNOD NA KITA!" Bigla nitong sigaw sabay suntok sa aking tyan. Nagulat ako sa lakas at bilis ng suntok na iyon. Namilipit ako sa sakit. Napabaluktot ako sa sahig. Hindi kapani-paniwala na sa ganong edad ay ganon ito kalakas. Habang ako'y nasa sahig ay sinamantala naman nitong sipain ako ng sipain. Inaasinta nya ang aking batok. Nanghihina at dumidilim na ang paningin ko ng mga oras na iyon. Sinubukan ko syang tignan habang tuloy-tuloy sa pagsipa. Nakikita ko ang mala-demonyo nitong mga ngiti, naririnig ko din na sinasabi nyang; " Bumangon ka! Labanan mo ako! Patayin mo na ako! Gusto ko ng makalaya! Oo tanggap kona! Tanggap ko ng kahit ilang milyong buhay ang kunin ko ay hindi na maibabalik si Renzo! Bumagon ka Bryan! Tulungan mo ako!" Ayan ang mga sinisigaw nya habang mas lalong dumidiin ang kanyang mga sipa. At sa aking muling pagsilip ay nakita kong kinuha nito ang isang kahoy na punong-puno ng mga kinakalawang na pako, huminto ito sa pagsipa at kumuha ng buwelo. Dali-dali kong kinalimutan ang kirot sa aking katawan at sinubukang bumalikwas upang iwasan ang paghampas ni Manong Kaloy. Nakatayo na ako ng mga sandaling iyon, hindi na ako nagsayang ng oras, mabilis kong hinatak pababa ang ulo ni Manong Kaloy at sinalubong ito ng aking tuhod. Nabitawan nya ang hawak na kahoy. Hindi ko hilig makipagbasag-ulo, pero dahil narin sa kaba at pag-aalala na merong pamilyang nagaantay sa akin ay ibinuhos ko ang lahat ng aking lakas. Sinubukan kong asintahin ng suntok ang namamaga at nagsusugat nitong mukha. Wala na akong tigil sa pagbato ng mga suntok. Ngunit sa sobrang gigil ko, nakalimutan kong mayroon palang limitasyon ang aking lakas. Nangalay ang pareho kong mga kamay! Mas nararamdaman kona ang kirot sa aking katawan! Wala ng lakas ang mga suntok na tumatama kay Manong Kaloy! "Tssk? Ano pagod kana? Yon na yon?" Tanong ni Manong Kaloy at sinamahan pa ng nakakabaliw na tawa. Wala na akong lakas ng mga oras na iyon. Sobra-sobra na din ang kirot sa aking buong katawan. Nakatulala nalang ako habang pinapanood ang matanda na may binubunot sa kanyang likuran. Hinang-hina na ako. Nakatutok na sa akin ang bunganga ng baril na hawak nya. Ramdam kona ang lamig na dulot ng baril tuwing dadampi ito sa aking noo. Nasisilip kona ang kamatayan sa butas ng baril. Ito na ang katapusan ko. Bulong ko sa sarili. Halos tatlong minuto ko din pinagmasdang ang butas ng baril. Tatlong minuto kong nilasap ang tunog ng paligid at simoy ng hangin, sa pag-aakalang iyon na ang huling sandali. Ngunit, sa gitna ng katahimikan, unti-unting kumalat ang mga hagulgol ni Manong Kaloy. Unti-unti na nya ding itinututok ang baril sa sariling sintido. "Renzo patawad kung hindi kita masusunod sa pagkakataong ito. Patawad pero hanggang dito nalang ang kaya ko. Ayoko na Renzo, pakiusap, palayain mo na si tito. Palayain mona ako Renzo. Matanda na ako, tanggap kona. Tanggap kona na wala kana. Oo sige kasalanan kona! Kasalanan kona ang pagkamatay mo kung yun ang gusto mo! Inaamin ko ng buong puso Renzo. Renzo huwag ka namang magalit! Hindi na kaya ng konsensya ko! Hindi kona kayang pumatay para sa matagal ng patay Renzo! Ano kamo? Huling utos? Huling utos at papalayain mona ako? Pangako?" Ito ang mga salitang binibigkas ni Manong Kaloy habang dilat na dilat at napakalikot ng mga mata. Nakatutok parin ang baril sa kanyang kanang sintido. "Ano ba ang huling utos mo Renzo? Sabihin mona Renzo! Pagod na pagod na ako pakiusap! Sigurado ka? Kapag kinalabit ko ang gatilyo'y malaya na ako? Salamat Renzo! O sige, bibilang ako ng isa hanggang tatlo kapag handa na ako. "Nakangiti nitong sabi habang tila naghahanda sa pagkalabit ng gatilyong nakatutok sa kanyang sintido. "Isa, dalawa." Bilang ni Manong Kaloy habang nanginginig ang parehong boses at kamay. Hindi ko alam kung anong gagawin ko ng mga sandaling iyon. Isang sigundo nalang ang natitirang oras para magdesisyon. Naipit ako sa pagitan ng hayaan syang magpakamatay bilang ganti sa pagpatay kay Bert, at pigilan sya at bigyan ng pagkakataong magbago at pagbayaran ang lahat ng kasalanan. "Tatlo!" Bilang ni Manong Kaloy at ibinuhos ko ang lahat ng aking natitirang lakas upang maitulak ito at mabitawan nya ang hawak na baril. "Hayaan mong ang batas ang humatol sa iyo! Huwag kang makinig kay Renzo!" Sigaw ko kay Manong Kaloy habang pinipigilang pulutin nya ang baril. Sadyang ayaw magpapigil ni Manong Kaloy, wala na akong ibang pagpipilian kundi pulutin ang baril at ipalo ito sa kanyang batok. Nawalan sya ng malay. Dali-dali kong pinulot ang aking telepono at tumawag sa numero ng pulis. Ilang saglit lang ay dumating na ang mga ito. Ngunit ang palaisipan sa akin ay, paglabas namin sa mismong gate ay mayroong babaeng nakatayo sa gilid. Matanda na ito. "Nagtagumpay ka, salamat iho. Binabati kita." Wika sa akin ng matanda habang nakahiga ako't buhat-buhat ng mga "medical staff". Andoon na kaya sya buhat ng simula? Bakit tila alam na nya ang gagawin ni Manong Kaloy? At nagtagumpay ako? Saan? Sunod-sunod kong mga tanong habang umaandar ang ambulansya." "Abay grabe naman pala ang dinanas mo Pareng Bryan! Hanga ako sayo at hindi mo hinayaang magpakamatay si Manong Kaloy kahit pinatay nito yung kaibigan mo! Naku! Madilim na pala! Baka nag-aalboroto na yung asawa ko sa bahay, mauna na ako Pareng Bryan? Mare? Salamat sa meryenda ah?" Tugon at pagpa-paalam ni Ninang Fhe sa aking mga magulang. Ngunit, ang aking ama ay nakayuko lang at tila malalim ang iniisip. "Mareng Fhe?" Tanong ng aking ama sa palabas na sanang si Ninang Fhe. "Oh bakit Pareng Bryan?" Tugon nito. "Baka may kilala kang matandang babae na maputi at matangkad, mahaba ang buhok, at palagi din itong may balabal na puti sa kanyang mga leeg. Sya kasi yung matandang babae sa kwento ko. Nakasalubong ko din sya habang papasok at pauwi ako. At kanina, ngayon-ngayon lang, sumilip sya sa bintana habang nagkikwento ako."
YOU ARE READING
Scary Stories (Unedited)
HorrorThe stories you're about to read are not mine. These are all from the Facebook fan page "Spookify". Note : These stories are not yet proofread (by yours truly) and only copy-paste directly from fan page to this account. Enjoy reading! Gamsahamnida...