Part 1
Hi mga ka-spookify! Ako ulit ito, si KillerNurse. Ikukuwento ko lang yung nangyari sa pinsan ko na hanggang ngayon ay hindi pa rin namin matanggap. Medyo mapapahaba na naman ito at baka mag-part 2 ako ulit. So, ito na nga...
Umuwi kami somewhere in Mindanao kasi bibinyagan yung pamangkin ko. Taga roon kasi talaga si Mommy at si Daddy ang taga Luzon. After mabinyagan nung bata ay nagkasakit yung pinsan ko (nanay nung bata) sinugod siya sa ospital at sabi ng doctor may UTI daw siya. E di akala namin UTI lang talaga, ilang araw lang na-discharge din siya at nakauwi ng bahay. Pero, patuloy pa rin sa pagsakit yung tiyan niya, kaya isinugod ulit siya sa hospital. Pero sabi ng doctor, ay wala na raw siyang sakit. Baka daw nalamigan lang siya, kaya sumasakit ang kanyang tiyan. Nakalabas ulit ng hospital si Ate Lucy, pero patuloy pa rin sa pananakit ang kanyang tiyan. Napansin rin naming parang namamanas ang kanyang katawan. Sabi ni Mama Lara (mama ni Ate Lucy) "Hindi na ito normal, dalhin na kaya natin siya sa albularyo" suggestion niya kay Kuya Adrian. Wala kasi noon si Papa Willy (asawa ni Mama Lara) busy siya sa trabaho niya at gabi na nakakauwi. Kaya agad na binihisan si Ate Lucy ng asawa niya. Sa madaling salita, dinala namin si Ate Lucy sa albularyo para malaman kung ano talaga ang nangyayari sa kanya. Pero pagdating palang namin ay napakunot na ng noo yung albularyo. Tinawas si Ate Lucy at alam nila Mama Lara na may nakita yung albularyo pero, parang may pumipigil sa kanyang sabihin kung ano ang nakita niya. "Wala akong nakita, try nyo nalang sa iba. Pagod ako ngayon" sabi ng albularyo at saka kami inapurang umalis. Umuwi kami kila Mama Lara na walang napala doon sa albularyo, iniinda pa rin ni Ate Lucy yung sakit ng tiyan niya at pati raw ang mga daliri niya sa kamay at paa ay sumasakit na rin. Nag-alala si Kuya Adrian (asawa ni Ate Lucy) kaya dinala siya ulit sa hospital. Pero, wala na namang nakitang findings ang mga doctor. Ilang hospital na rin ang napuntahan nila para mag-second opinion pero, pare-pareho lang silang walang nakitang findings.
Nagmamanas na ang mga kamay at binti ni Ate Lucy, tumataba na rin ang kanyang mukha pati ang kanyang tiyan. Tumaba naman siya nung nagbuntis, pero iba yung pagkamanas niya ngayon. Parang may lamang tubig sa loob at sabi niya, mabigat daw yun dahilan para hindi siya makakilos ng maayos. Naghanap pa ng ibang albularyo si Mama Lara at pinuntahan nila lahat yun, pero lahat sila ay parang takot magsalita. Until may ine-recommend yung kaibigan ni Mama Lara na isa raw yun sa pinakamagaling na albularyo sa bayan nila. Hindi nakasama ang asawa ni Ate Lucy non dahil may pasok siya sa trabaho, buti nalang at day off non ni Papa Willy (asawa ni Mama Lara) kaya kahit malayo ay matiyaga naming dinala si Ate Lucy sa albularyo. Mga ilang oras din na biyahe bago kami nakarating doon.
Ita-translate ko nalang from Bisaya to Tagalog para mas maintindihan nyo.Pagbukas palang ng pinto ay sinalubong na kami agad ng albularyo at sinabing"Bakit ngayon nyo lang siya dinala rito? Malubha na ito at baka mahirapan na tayong gamutin siya" nag-aalalang sabi ng albularyo. "Maraming albularyo na rin po ang aming napuntahan pero, ang lagi nilang sinasabi ay wala raw po silang nakikita" pagpapaliwanag ni Mama Lara. "Natatakot silang magsalita dahil doon sa kasama nyo" sagot nung albularyo. "Huh? Sino pong kasama namin?" Nagtatakang tanong ni Mama Lara. "Malalaman nyo rin yan, siya mismo ang magbubuko sa kung sino ang kalaban nyo" sagot ng albularyo at saka tinawas si Ate Lucy para mas makasigurado siyang tama ang kanyang nakita. "Kinukulam ang anak nyo" sabi ng albularyo. "Sino pong may gawa nito?" Nag-aalalang tanong ni Papa Willy. "Kilalang-kilala nyo siya, naiinggit siya sa anak nyo dahil maganda siya, nakapagtapos ng pag-aaral at may magandang trabaho, maraming kaibigan at ngayon ay pinakasalan at may anak pa siya" sagot ng albularyo. "Sino po siya?" Curious na tanong nila sa albularyo. "Kahit hindi ko na sabihin, kayo mismo ang makakatuklas kung sino siya. Isa siyang malakas na mangkukulam, kaya hindi ko alam kung magagamot pa natin ang anak nyo dahil marami na siyang nailagay rito" malungkot na sabi ng albolaryo. "Maawa po kayo! Gawin nyo po ang lahat para gumaling ang anak ko!" Pagmamakaawa ni Mama Lara sa albularyo. "Susubukan ko" sagot naman nito sa kanya.
May mga ginawang ritwal ang matanda, inorasyunan si Ate Lucy at binigyan ito ng gamot at pangontra. Meron din siyang binigay na maliit na bote na parang may langis sa loob, kukulo raw yon pag nandiyan yung nangkulam kay Ate Lucy. Ilang araw lang ay naging maayos na ang pakiramdam ni Ate at naaalagaan na rin niya si Dylan (yung anak niya) pero, di pa rin humuhupa yung manas sa kanyang katawan pero, hindi na gaanong sumasakit ang kanyang tiyan.
Bumisita raw yung biyenan ni Ate Lucy sa kanila at nagulat daw sila ng sabihin nitong"Oh, nakakakilos ka na pala? Akala ko ay nakaratay ka na sa higaan" mataray na sabi ng biyenen ni Ate Lucy sa kanya. Dahil noon pa man ay ayaw na talaga niya kay Ate Lucy, pero pinaglaban daw siya ni Kuya Adrian kaya wala na siyang nagawa nung magpakasal sila. "Paano nyo nalaman Ma? Hindi ko pa naman nasasabi sa inyo na nagkasakit siya" tanong ni Kuya Adrian sa Mama niya. Nanlaki ang mata nung matanda at matagal bago nakasagot. "Ah eh. Wala naman, narinig ko lang. Alam mo naman ang chismis" nauutal na sabi nito.
Naramdaman daw ni Ate Lucy na parang umiinit yung bote sa may bulsa niya, kaya nagpaalam siya na magsi-CR muna siya. Tinignan niya yung bote at bumubula yung langis sa loob. Naalala niya yung sinabi ng albularyo na, kapag nandiyan yung mangkukulam ay kukulo ang nasa loob ng bote. Nagtaka raw si Ate Lucy non dahil wala namang ibang tao sa bahay nila, kaya imposible raw na nandoon yung mangkukulam. Ipinagwalang bahala niya nalang yon dahil baka kumulo lang sa init ng panahon. Suot-suot pa rin ni Ate Lucy yung pangontra at napapansin daw niyang parang umiiwas ng tingin sa kanya yung biyenan niya. Samantalang dati ay minamata-mata lang siya nito. Nanibago si Ate Lucy dahil nagmamadali raw itong umuwi at hindi man lang nilaro yung apo niya. Samantalang dati raw ay halos gusto pa niya itong iuwi.
Kinabukasan, bumalik na naman ulit yung sakit ng tiyan ni Ate Lucy at namamanhind na ang kanyang mga daliri sa kamay at paa, dahilan para hindi na siya makakilos. Kahit mabigat dahil sa pamamanas, ay nagawa siyang buhatin ni Kuya Adrian papunta sa sasakyan, dahil sa taranta ay agad silang pumunta kila Mama Lara, para ituro nito yung daan papunta doon sa albularyo. Sumama ako ulit kasi gusto ko ring malaman yung sasabihin ng albularyo. Pagdating sa albularyo ay tulad din ng mga naunang albularyo na kanilang pinuntuhan, napakunot rin ng noo yung albularyo kahit pangalawang beses na nilang magkita.
"Tulungan nyo po ang anak ko" pagmamakaawa ni Mama Lara sa albularyo.Hindi umiimik yung albolaryo at nakakunot ang noo na nakatingin kay Kuya Adrian. "Araaay! Mama! Ang sakit-sakit na talaga! Hindi ko na kayaaa! Daing ni Ate Lucy."Sige na po! Gamutin nyo na po yung anak ko para nyo nang awa!" Umiiyak nang pagmamakaawa ni Mama Lara sa kanya."Pasensya na pero hindi ko na kayo kayang tulungan" malungkot na sagot ng albolaryo."Ha? Bakit po? Sige na po, maawa po kayo sa anak ko, hirap na hirap na siya" umiiyak pa ring sabi ni Mama Lara habang nakayakap kay Ate Lucy na dumadaing pa rin sa sakit."Masyado siyang malakas at marami na siyang nailagay sa katawan ng anak mo, hindi ko na kaya pang tulungan kayo" sagot ng albolaryo. "Bakit po Tatang? Sige na po! Maawa po kayo sa asawa ko, tulungan nyo po siya. Gamutin nyo po siya!" Umiiyak na sabi ni Kuya Adrian sa albolaryo pero tinignan lang siya nito ng may pagtataka sa mukha. "Subukan nyo lang po! Sige na po, para sa anak ko" dahil sa pagmamakaawa ni Mama Lara, napilitan yung albolaryo na gamutin si Ate Lucy. Hindi namin alam kung bakit biglang ayaw niya nang tulungan si Ate, samantalang nung unang beses namin siyang dalhin dito ay nagalit pa siya kung bakit ngayon lang namin siya dinala sa kanya. May mga orasyon at ritwal na ginawa yung albularyo at bigla nalang sumuka si ate Lucy ng napakaraming tubig, tapos may mga langgam na malalaki na kulay itim ang gumagapang doon sa tubig na isinuka ni Ate Lucy. Nagulat kami nila Mama Lara at Kuya Adrian ng makitang may langgam na itim yung suka ni ate Lucy. Sumuka siya ng sumuka hanggang manghina siya.
"Natanggal ko na yung kalahati, pero hindi ko na kayang tanggalin pa yung iba pang nasa loob. Masyado siyang malakas at baka sa akin pa ito mapunta. Kaya pasensya na kayo, hanggang dito nalang ang maitutulong ko" nalulungkot na sabi ng albolaryo sa kanila.Sumuka pa ulit si Ate Lucy at may lumabas na mga tuyong buto ng sitaw at bigas. Ibinigay rin nung albolaryo kay Mama Lara yung itlog na pinatayo niya sa may barya. Nakakapagtakang naibalance niya yon sa barya. "Basagin mo yan, nandiyan sa loob yung iba pang nilagay niya sa anak mo" bilin ng albolaryo. Agad kinuha ni Mama Lara yung itlog at saka binasag. Wasak na ang yolk nito dahil sa mga karayom na nasa loob ng itlog. After non, napansin naming medyo lumiit na yung mga daliri ni ate Lucy na kanina ay sobrang nagmamanas. Nang tumigil siyang magsuka ay may pinainom sa kanya yung albolaryo at saka kami minadaling umalis.
Umuwi kami nila Mama Lara at medyo naging maayos na rin yung pakiramdam ni Ate Lucy. Tulog lang siya sa buong biyahe at pagdating sa bahay ay humingi siya ng tubig, dahil pagod na pagod daw siya. Hinihingal-hingal pa ito na akala mo ay tumakbo ng ilang ikot sa oval. Agad akong kumuha ng tubig sa kusina at nakadalawang basong tubig si Ate Lucy na para bang uhaw na uhaw. Niyakap niya si Mama Lara at nagpasalamat. Ganon rin ang ginawa niya sa kanyang asawa na si Kuya Adrian. Hinanap niya rin si Dylan para mayakap ng mahigpit. Sakto naman at dumating na si Papa Willy, doon na siya dumiretso sa bahay nila Ate Lucy. Natuwa kami non nila Mama Lara dahil medyo nagiging maayos na ang kalagayan ni Ate Lucy. Doon na muna kami kila Ate Lucy tumuloy at natulog kami ng gabing iyon na wala ng takot at pangamba sa dibdib. Pero kinabukasan, mabilis na bumaliktad agad ang mga pangyayari. Nagising si Kuya Adrian ng alas siyete ng umaga para mag-CR, napagdesisyunan niya kasing wag na munang pumasok sa trabaho para bantayan si Ate Lucy. Kaso, pagkatapos niyang umihi ay napansin niya na parang dina gumagalaw si Ate Lucy, ganon pa rin kasi yung pwesto niya magmula nung makatulog kagabi. Hinawakan niya si Ate Lucy at malamig na ito, kinapa niya rin ang mga pulso ngunit wala na siyang naramdamang mga tibok. Natulala si Kuya Adrian ng mga ilang segundo, siguro ay hindi pa nagsi-sink in sa kanya yung mga pangyayari. Maya-maya ay bigla nalang bumagsak ang mga luha sa kanyang mata.
"Looooove!!!!!! Bakit love?!?!" Sigaw nito habang humahagulgol na nakayakap kay Ate Lucy. Nagulat kami nila Mama Lara at pumasok sa kwarto nila Ate Lucy. Naabutan namin doon si Kuya Adrian na humahagulgol habang niyuyugyog ang katawan ni Ate Lucy."Loveeee! Pano na ako? Pano na si Dylan? Pano na kami? Wag mo kaming iwan loveee!!!" Habang patuloy pa rin niyang niyuyugyog ang katawan ni Ate Lucy.Bumagsak ang luha ni Mama Lara sa nakita niya. Halos hindi siya makagalaw at naiwang nakatayo sa pinto habang pinapanood si Kuya Adrian na umaasang mabubuhay pa si Ate Lucy. Natigilan kami ng may kumakatok sa may gate. "Pasok na kami ha?" Sabi ng babae sa labas at narinig naming binuksan nito yung gate at saka pumasok sa bahay.Sinilip ni Mama Lara sa bintana kung sino yon, at bumungad sa kanya yung balae niyang babae at kasama nito yung anak niyang babae. "Oh, balae? Anong ginagawa mo rito?" Tanong ni Mama Lara."Ahhh eh ikaw, anong ginagawa mo dito?" Nauutal na tanong din nito at saka pumasok sa bahay. Nilapitan niya si Dylan at binuhat nang marinig niyang may umiiyak. "Anak? Ikaw ba yan?" Tanong nito at saka hinanap kung nasaan yung umiiyak. "Maaa! Wala na si Lucy" sagot ni Kuya Adrian at saka lumabas ng kwarto para harapin yung mama niya. Nagtaka kami nila Mama Lara sa naging reaksyon nung balae niya nung malaman niyang wala na si Ate Lucy. Ngumisi ito ng nakakaloko at para bang tuwang-tuwa sa narinig niyang balita.
Hanggang dito nalang po muna. Ang haba na eh.
Part 2
YOU ARE READING
Scary Stories (Unedited)
HorrorThe stories you're about to read are not mine. These are all from the Facebook fan page "Spookify". Note : These stories are not yet proofread (by yours truly) and only copy-paste directly from fan page to this account. Enjoy reading! Gamsahamnida...