Una sa lahat, isa akong katoliko pero hindi deboto. Yun ay dahil aminado akong hindi ako pala-simba. At hindi rin ako naniniwala sa mga santo/rebulto, dahil sa tuwing titingnan ko ang mga ito'y iba ang nararamdaman ko, mabigat. And I hate that feeling na kahit saan ako pumuwesto ay parang sumusunod ang tingin nila sa akin. But I do respect my religion, pati narin ang kanilang paniniwala, ni-hindi ko naisip na magpa-convert into another. Its just that ito ang paniniwala ko and yes, I do believe na si Jesus Christ ang ating Savior. So here goes the real point. Sabi sa'min ni lolo na isang manggagamot. Anaki'y mas mainam pang matulog sa sementeryo, dahil payapa ang paligid. Kaysa sa matulog sa simbahan, na binabalot ng kababalaghan. [The story will be on my Lolo's point of view]Sinubukan kong matulog noon sa sementeryo, oo nakakakilabot dahil malamig ang simoy ng hangin. At sa tagal kong nakahiga sa ibabaw ng nitso ay pakiramdam ko'y may kung anong hihikit sa akin pailalim. Pero balewala ang bagay na yun kumpara sa simbahan. Nagpaalam ako noon na magpapahinga sa loob ng tahanang sagrado, noong una'y nag-alangan pa ang bantay doon pati narin ng pari na patuluyin ako sa simbahan ng ganung oras. Pero sinabi ko ang tunay kong pakay. May gusto lang akong patunayan. Kalauna'y pumayag rin naman sila.At doon nga'y mag-isa akong humiga sa bandang dulong upuan. Pumikit na ako at nakiramdam sa paligid, tahimik naman, nakakabingi ang katahimikan. Kahit yung paghinga ko'y tila ume-echo sa loob. Maya-maya'y nakarinig ako ng mga tunog na parang may babaeng naglalakad. Kumpirmang babae dahil lumilikha ng ingay ang tunog ng kanyang sapatos na may takong. Yung tunog parang papalapit sa altar. Pinakinggan kong mabuti ang mga yabag, ilang hakbang lang yun at pagdaka'y biglang nawala. Bumangon ako para tingnan, luminga-linga pero malinis sa loob. Walang katao-tao."Aba ginoong Maria, napupuno ka ng grasya. Ang panginoong Diyos ay sumasaiyo..." agad akong napalingon sa gawing kanan kung saan nagmumula ang munting dasal na mahinang sinasambit pero dinig sa buong paligid. Nakita ko ang isang matandang babae, na kanina lang e wala naman doon. Nakasuot ito ng itim na blusa at puting belo. Nakatalikod sya sa akin pero alam kong taimtim itong nagdarasal habang nakaluhod. Kinilabutan ako dahil ang alam ko'y ako lang ang tao doon, isa pa wala narin naman sigurong magagawi sa simbahan ng hating-gabi lalo pa at matanda. Lalapitan ko na sana ito pero naramdaman kong unti-unting umiingay sa loob. At saka ko napansin na bakit tila dumarami na ang tao sa loob.Napako na ako sa'king kinatatayuan, iba-iba ang aking nasaksihan. Maraming naka-belo na puti sa bandang gilid kung saan nagtitirik ng kandila ang mga taong nagsisimba. Naroo't may hawak silang mga kandila at walang kibo. Nagsimulang kumalat ang musika sa loob ng simbahan dahil sabay-sabay na kumanta ang grupo ng mga taong nakayo sa unahan. Tuwid na tuwid ang kanilang tindig at puro mga nakatalikod. Umawit sila ng kantang pang-simbahan. Mabagal na animo'y prusisyon pero ang melodiya'y nakakapanindig balahibo. May mga ingay na humahalo na parang mga tumatangis at nananaghoy. Mga iyakang para bagang namatayan o humihingi ng tulong. Mayroon pang lalakeng bigla nalang sumulpot. Lumakad ito ng nakaluhod sa aisle, dumaan sya sa gilid ko nang di manlang ako nililingon. Nakatingala ito sa nakapakong imahe ni Hesus sa unahang altar, at nag-iwan ng mga mantsang dugo ang kanyang mga tuhod sa sahig.Napa-signed of the cross ako sa takot, at nagpasyang lumabas na. Pero pagbukas ko ng pintuan sa pinakalikod, bumungad sa akin ang tatlong madre. Nakayuko ang dalawa habang ang isa na nasa gitna ay malapad na nakangisi at nakatingin sa akin. Napaatras ako ng dahan-dahan, ni hindi ko magawang sumigaw. Nang makabuwelo ay agad akong tumakbo. Napansin kong malinis na ulit sa loob ng simbahan, wala na ang mga tao pati ang mga nililikha nilang ingay. Nahinto ako sa unahan ng simbahan malapit sa altar, sobrang lakas ng pagkabog ng dibdib ko noon. Wala na yung tatlong madre nang tingnan ko ulit yung pintuan sa likod.Akala ko'y sapat na ang mga nakita't narinig ko, pero hindi pa pala. Sa aking likura'y may tumunog na parang nabali. Lumalagutok na parang mga butong nababali.Hindi ako nag-atubiling lumingon, at doon ko nakita ang isang babaeng nakahiga sa marmol na sahig ng simbahan. Muka syang sinasapian dahil umaangat ang kanyang katawan kahit naninigas ang mga kamay nyang nakadikit sa sahig. Napako ang tingin ko sakanya kaya hindi ko napansin na may papalapit na pari. Dala ang holy water sabay wisik sa babae. Tumangis ang babae na parang asido ang lumapat sa kanyang katawan. Hindi ko na kinaya ang mga pangyayare, lumabas na ako ng simbahan dala ang mga bagay na tumatak sa aking isipan.Hindi ito paninira sa simbahang katoliko, pero ang mga nalaman ko'y puno ng misteryo. Ngunit bakit sa simbahan?Ang mga nakita ko ay pahiwatig lamang, na may mga kaluluwa pang namamalagi dito sa ating mundo. Marahil ay hindi makatawid sa kabilang panig, o naghihintay ng paghuhusga, o baka naman bago palang nag-uumpisa ang buhay nila.Akala ko noon sa kamatayan magtatapos ang lahat, pero iba ang napatunayan ko.Sa libro, ang bawat kwento ay may katapusan, ngunit sa ating buhay, ang bawat katapusan ay ang simula palamang.Naisip ko tuloy, paano kung ang buhay natin ngayon sa ibabaw ng lupang ito ay isa lamang panaginip. At ang kamatayan, ang s'yang gigising sa atin sa pagkaka-idlip?
Higurashi Kira
YOU ARE READING
Scary Stories (Unedited)
HorrorThe stories you're about to read are not mine. These are all from the Facebook fan page "Spookify". Note : These stories are not yet proofread (by yours truly) and only copy-paste directly from fan page to this account. Enjoy reading! Gamsahamnida...