Part 1
"Hanggang kailan mo kayang panghawakan ang taong mahal mo? Handa ka bang bitawan s'ya, kung kahit anong pilit mo'y sinukuan kana?"
Hi spookify! May kwento ulit ako. Hindi naman sya talaga nakakatakot pero share ko parin, ahaha. Mayroon kaming kapit-bahay sa dati naming tinitirhan. Mag-asawang misteryoso sila kung tawagin. Hindi talaga sila tiga-rito sa aming lugar, nangupahan lamang sila sa kalapit naming bahay na pag-aari ng aking ninong Rudy. Ang dahilan ng kanilang biglaang paglipat, at kung saan sila nagmula, hindi ko alam. Hindi namin alam. O mas tumpak na sabihing walang nakakaalam dahil simula nang lumipat sila dito ay hindi lumalabas yung babae. Yung lalaki lamang ang minsanan naming makita dahil kapag umaga ay maagap itong umaalis ng bahay marahil ay papasok sa trabaho. At sa katunayan ay hindi rin namin talaga nasilayan manlang ang asawa ng lalaking ayon sa iba naming kapit-bahay ay Henry ang pangalan. Walang nakakakita sa asawa ni Henry kahit ang aking ninong na may-ari ng bahay. Ayon kay Henry ay sobrang mahiyain daw si Susan kaya hindi ito lumalabas at ayaw makakita ng ibang tao. Weird. Kapag umaga ay sarado ang kanilang bahay. Paano namin nakumpirmang may kasama sya sa bahay kahit hindi namin nakikita? Simple lang. Naririnig namin ang boses ng babae tuwing sasapit ang gabi. Dahil nga halos nakadikit na ang bahay nila sa amin ay gabi-gabi kaming nabubulahaw sa pag-aaway ng mag-asawa. Hindi namin lubos maintindihan ang dahilan ng away nila pero naririnig namin si Henry na umiiyak habang sinasabing "wag mokong iwan" at biglang mag-iiba ang tono ng kanyang boses na tila galit sa pagsabi ng "hindi kita pakakawalan". Kasunod noon ang iyak ng babae ay parang hirap na hirap. Mga iyak na nakakikilabot pakinggan dahil masakit sa tenga ang tunog. Nakakarinig din kami ng kadena na parang hinihila sa sahig. Hindi naman ito nagtatagal, matapos ang halos limang minuto ay tatahimik na ulit.Tuwing umaga ay tahimik naman sila na animo'y wala talagang nakatira sa pamamahay na yun.Sila ang laging laman ng tsismis tuwing lalabas ako ng bahay. Halos lahat nagtatanggkang makialam sa kung anong problema meron sila pero sadyang mahirap makialam sa buhay mag-asawa. Ewan ko ba. Pero parang may kakaiba talaga. Sila yung tipo ng taong nakaka-intimidate maging kapitbahay. Lalo na si Henry na matalim kung tumingin. Isang linggo palamang sila dito, at marami ng nagrereklamo. Plano ng kapitbahayan na paalisin na sila, kinausap narin ng mga tao ang ninong ko. Pero hindi na nila kailangan pang gawin ang planong yun. Isang umaga ay bigla nalamang akong nagising dahil sa ingay na nagmumula sa labas. Pupungas-pungas akong dumungaw sa bintana para silipin ang nangyayare. Bakit maraming tao? Bakit may mga pulis? Bakit may ambulansya? Anong meron? Nagsimula na akong mag-panic at manginig sa takot. Ewan ko ba kung bakit ang OA ko mag-react kapag nakakakita ng mga taong nagkakalipunpunan at mga pulis. Natakot akong lumabas, sobrang lakas ng kabog ng dibdib ko, mas pinili ko nalamang manatili doon sa kinalalagyan ko, sa may bintana. (Duwag kana naman Kira, mga pulis lang yan. Lol.)Kitang-kita ko mula sa bintana nang may ilabas ang mga pulis mula sa bahay ni ninong. Nakalagay sya dun sa bed na ginagamit pang-rescue ng patient(I'm sorry nakalimutan ko po yung tawag) at may tabon itong puting tela, isinakay sa ambulansya. "Mama? Anong nangyayare? Yung Henry ba yung dala ng mga pulis?" Tanong ko kay mama na noo'y nasa mesa at nagtitimpla ng kape. (Shout out sa mga coffee lover haha)Matagal bago nakasagot si mama, at pansin kong medyo tulala sya. "Mama", muli kong tawag sakanya, napatingin sya sakin at nagsalita. "Nakita ng ninong mo si Henry kaninang umaga, dyan sa bahay na yan, wala ng buhay. Nagbigti" bakas sa mukha ni mama ang takot. Hindi ako nakakilos sa kinatatayuan ko, pakiramdam ko'y nanlalamig ang buo kong katawan. "Ba-bakit d-daw po" tanong ko muli kay mama pero sa labas ng bintana ako nakatingin. Pinagmamasdan ko ang mga taong hindi magkamayaw sa pagtsitsismisan at mga pulis na nag-iimbestiga. "Hindi ko rin alam nak, pero may nakita daw silang papel sa kamay ng namatay" Sagot ni mama. "eh ma, yu-yung asawa daw po nung Henry? Anong balita?" oo na ako nang tsismosa pero kahit siguro sino ay mapapatanong sa nangyare. Hindi na nakasagot pa si mama. Lumipas na ang ilang linggo at hindi parin kami maka-recover sa kakaibang nangyare. At mula nang mamatay si Henry ay mas nakaramdam pa kami ng kababalaghan pati narin ang ilan pa naming kapit-bahay sa kanilang tinirhan. Wala ng tao doon ngayon pero tuwing sasapit ang gabi lalo na sa dakong alas-nuebe ay nag-uumpisa na silang mag-ingay. Nagkakalabugan ang bahay at may umiiyak na babae. May ilan ding kapitbahay na nakakakita kay Henry na lumalabas sa bahay na yun dakong alas-kwatro ng umaga. At kwento pa ni ninang Donna(asawa ni ninong Rudy)kasama nya noon ang dalawang boy nila sa bahay. Nagpunta sya sa inupahang bahay dalawang araw matapos ang insidente para sana ipalinis ang bahay na yun. Nakaramdam sya ng kakaiba roon, sa kwarto kung saan nagbigti ang namatay ay doon may nakakakilabot na presensya. Nakatalikod sya noon sa higaan at nagtatanggal ng mga kurtina nang makarinig ng tunog ng lubid na kumikiskis sa kahoy na pinagkakatalian nito. Natigilan si ninang noon at pinagpawisan ng malamig. Ilang ulit nyang nilunok ang sariling laway dahil nanunuyo na ito. Pinakiramdaman nyang mabuti ang kanyang likuran. "Eeeekkkkk" ang tunog na nagmumula doon, parang tunog ito ng isang taong sinasakal at malalagutan na ng hininga. Ramdam nyang may tila isang mabigat na bagay ang nakasabit at kumakawag-kawag. Lakas loob na pinihit ni ninang ang kanyang ulo para lingunin ito.Gustuhin man nyang sumigaw ay tila nag-lock ang kanyang panga. Natulala sya at hindi nakagalaw. Wala syang ibang nagawa kundi titigan ang taong nakabitay sa kwartong yun. Dilat na dilat ang mga mata at nakalawit ang dila. Ang mukhang yun ay talagang nakakapangilabot at hindi mo gugustuhing makita dahil tila hanggang sa pagpikit ng 'yong mga mata ay sya ang 'yong makikita. Sa tabi ng bangkay ay may nakatayong babae. Maputla ito na halos kulay papel na. Basang-basa ang kanyang buhok pati narin ang puting bestida nito. Nakakadena ang mga kamay, nakayuko at umiiyak. Ngunit nang angatin nito ang kanyang ulo at nagtama ang mga mata nila ng aking ninang ay ngumisi ang babae. Isang ngising tila may naisakatuparang plano.Oo nga pala, bago ko tapusin ang pagkukwento. Marahil ay curious kayo kung anong nangyare sa asawa ni Henry. Sa susunod ko nalang po ikwento, kung may interesado. (This is my new codename from my old one KIRA. I've noticed na may kapareho akong codename na nagshare din dito recentlypero ako nalang mag-aadjust ket masaket char HAHA!)
Part 2
Hello spookify! 'To na po yung kadugtong, pasensya na po sa mga nainis bakit daw bitin? The last time I shared my story about Yumi (my bestfriend na nadepressed), mahaba daw sya masyado and some of you guys complained about it, kaya 'di ko po naiwasang putulin ko yung story na'to para di daw nakakahilo magbasa. Hindi po yun pagpapabibo, lol. At sa nagsasabing anong connect ng title sa kwento, pakitapos po pagbasa. Sa nagsasabing fiction din po ito, at nabasa na daw po yung ganito, first and foremost I am not insisting anyone of you na maniwala. Whether you believe it or not, atleast show some respect. Don't let others think that they don't have the rights to share their creepy encounter po. God bless you! ^^ —Nakaramdam si ninang na may umu-uyog sa kanyang balikat, nagising ang kanyang diwa at nakita nyang ito ang dalawa nyang kasamang boy kanina. Napatingin sya ulit sa kanyang harapan, wala na doon ang bangkay pati narin ang babae. Ikinuwento nya ito sa amin nang minsang mapagawi si ninang sa bahay. Hindi nya napigilang umiyak noon habang nagkukwento. Hindi lang iyak, kundi pati narin ang pagtataasan ng kanyang mga balahibo. Mula nang araw na magpakita sa kanya ang multo ni Henry ay pina-blessed nila ninang at ninong ang bahay na iyun. Inalayan ng dasal at hindi na pinaupahan pa. Bago pa kami lumipat ng tirahan ay giniba narin ang bahay na yun at ginawang garahi-an ng sasakyan nila ninong. Marahil nga ay curious ang ilan sainyo kung anong nangyare sa asawa ni Henry. Kahit po kami na mga kapitbahay nya ay curious din. Pero napag-alaman namin na si Susan ay hindi totoo. Hindi po s'ya totoo. Yan yung bagay na nagpasakit sa ulo naming lahat na saksi sa mga gabi-gabing ingay noong nabubuhay pa si Henry. May ikinuwento sa amin si ninong since sya ang isinama ng pulisya para imbestigahan dahil nga walang kamag-anak si Henry, isa pa ay si ninong ang may-ari ng tinirhan ng namatay. Ayon sa pulisya, si Henry ay wanted sa kanilang lugar(hindi ko nalang po babanggitin kung saan). Though suspect palang naman talaga sya sa isang krimen dahil wala pang matibay na ebidensya laban sakanya. Pinaghihinalaang pinatay ni Henry ang kanyang asawa. Pinatay nya ito bago pa mangyare ang lahat, bago pa mangyare ang paglipat nila sa lugar namin. Nakakakilabot isipin magpahanggang ngayon na ang mga narinig naming away, pag-iyak, at paghagulhol ng isang babae ay ang kaluluwa nalamang nito. Kaya pala may kakaiba sa mga hagulhol ng babae, para itong nag-eecho sa apat na sulok ng silid at napakatinis ng boses. Ang nakitang papel na mahigpit na hawak ni Henry nang kitilin nya ang sariling buhay, ay naglalaman ng sulat at pagtatapat niya sa kung anong totoong nangyare. Ang papel pong yun ay nabasa mismo ni ninong na syang inilahad nya rin sa amin. [non-verbatim]"Nangako kami sa isa't-isang kami lang hanggang dulo. Pero sinaktan ako ng asawa ko. Hindi ko sya mabigyan ng anak kaya gusto nyang makipag-hiwalay sa akin. Hindi ako pumayag dahil mahal ko sya at hindi ko kaya. Pero pinipilit nyang wala na syang nararamdaman para sa akin. Tinanong ko kung may iba na syang mahal, ang sagot nya'y wala. Wala syang iba, yan ang sabi nya, pero hindi na daw ako ang mahal nya. Wala syang ibang lalaki pero hindi na ako mahalaga para sa kanya. Iiwanan nya ako pero hindi ako pumayag. Sinasaktan ko sya sa tuwing nagpipilit syang palayain ko na sya. Hindi ko mapigil ang sarili kong gawin ito sakanya, sya rin naman ang nagtulak sakin sa bagay na 'yun. Nangako kami, na kamatayan lang ang makapaghihiwalay sa aming dalawa. Mahal ko sya, kaya ko pinatay ang sarili kong asawa. Ikinadena ko ang mga kamay nya para hindi sya makaalis ng bahay. Hindi ko parin matanggap na kahit wala syang iba, ay hindi na ako gusto nyang makasama, dahil hindi ko maibigay ang kailangan nyang pamilya. Hanggang sa kanyang huling hininga ay hindi ko sya pinalaya, kaya kasama ko parin siya hanggang ngayon dito sa bahay. Pero wala na nga talaga ang pagmamahal nya sa akin, dahil gabi gabi parin kaming nag-aaway at sa aking pagtulog ay doon nya ako sinasakal gamit ang kadenang nilagay ko sa kanyang kamay. Pero may itinuro sya aking isang paraan para maayos na daw kami. Siguro'y napatawad nya na ako dahil sya pa mismo ang nagtali ng lubid para sa akin."-HenryHanggang dito nalamang po ang kwento. Ang bangkay ni Henry ay hindi ibinurol, ang pulisya ang humawak doon at sila narin ang naglibing. —Kung ang taong mahal nati'y sumuko na, bumitaw at umayaw na, matuto tayong magpalaya. Wag nating ipilit kung hindi na pwede, dahil kahit kailan walang sumaya sa isang bagay na sapilitan lang.Kung hindi mo kayang magpalaya, mabubuhay kang nakakadena sa nakaraan. At hindi lang ibang tao ang 'yong masasaktan, kundi ang iyong sarili'y ilalagay mo sa kapahamakan. Thankyou Spookify Admins sa pag-approved.
–Kira Higurashi
YOU ARE READING
Scary Stories (Unedited)
HorrorThe stories you're about to read are not mine. These are all from the Facebook fan page "Spookify". Note : These stories are not yet proofread (by yours truly) and only copy-paste directly from fan page to this account. Enjoy reading! Gamsahamnida...