Part 1KillerNurse po ito, nagbabalik. Matatapos na po kasi next week yung mga online exams namin kaya, may time na po ako ulit para mag update. Itong story ko ngayon ay, ikwinento lang saakin ni Mommy.
College si Mommy nung sinabihan siya ng Tito Ninong niyang, doon na muna tumira sakanila para may kasama raw, ang nag iisa nilang anak na si Charlette (pinsan ni Mommy), dahil silang mag asawa ay laging nalelate sa pag uwi at siya nalang raw ang magbibigay ng allowance at mga pangangailan ni Mommy sa school, dahil scholar naman siya at walang tuition na kailangang bayaran.Bago pa ang pasukan ay doon na tumira si Mommy, pagdating niya ay agad siyang inilibot ng Tito Ninong niya, sa bahay nito. Malaki ang bahay at may dalawang palapag. Dinala siya sa kwartong tutulugan niya, para iwan na doon ang mga dala dala niyang gamit at pagkatapos ay umakyat sila sa taas. Habang inililibot ni Mommy ang mga mata niya, sa bawat sulok ng bahay ay pinagsabihan siya ni Tito Ninong."Ma (nickname ni mommy), basta pag nandito ka. Magpakabait ka lang ha? Wag kang magmumura at wag kang gagawa ng kahit na anong bagay, na may bahid ng kasamaan, dahil ayaw nila yun at magagalit sila sayo" payo ni Tito Ninong."Opo naman Tito Nong, behave naman ako lagi" tugon ni Mommy sakanya.Napakaganda ng bahay at maraming paintings na nakadisplay, nagulat si mommy ng biglang itulak ng Tito Ninong niya, ang isa sa mga malalaking paintings. Pintuan pala iyon ng isang kwarto at pagbukas nito ay, mas lalo pa siyang namangha ng bumungad sakanya ang napakaraming barya. Isa pala iyong sekretong kwarto, na parang malaking version ng volt."Grabe Tito Nong, ang daming barya!" manghang manghang sambit ni Mommy at nginitian lang siya ng Tito Ninong niya.Mas lalo pang dumagdag sa kyuryosidad niya, ng biglang kumuha si Tita Teresa (asawa ng tito ninong niya) ng balde at iniabot sakanila."Tara na't, simulan na natin ang pagbibilang" aya sakanila ng Tita Teresa niya at tuluyan na silang pumasok doon sa kwarto, para magbilang ng mga barya."Ano pong gagawin natin dito Tito Nong?" Tanong ni Mommy."Ipapapalit natin sa bangko" sambit naman ng Tito Ninong niya, habang nagcoconcentrate sa pagbibilang.Nang mapuno na ang baldeng pinaglalagyan nila ng mga nabilang nilang barya."Okay na ito, tama na ang pagbibilang. Pwede na natin itong dalhin sa bangko" sambit ni Tita Teresa.Every 3 days nilang ginagawa ang pagbibilang, ngunit tila ba hindi nauubos ang mga barya, kahit pa lagi nila itong binabawasan. Bagkus, ay parang mas nadadagdagan pa ito. Dahilan para magsimula ng mamuo ang kyuryosidad sa isipan ni Mommy, kung pano iyon nangyari.Isang gabi, nasa hapagkainan na silang lahat nila Tito Ninong, Tita Teresa, Charlette at si Mommy. Medyo mahaba kasi ang lamesa kaya't, humingi ng pabor si Tito Ninong sa anak niyang si Charlette, para i-abot sakanya ang ulam. Pero, hindi ito agad nagawa ng anak niya dahil kasalukuyan siyang naglalagay ng tubig sa baso."Ah, ako nalang po" sabat ni Mommy at umakmang tatayo para kunin ang ulam. Pero bago pa niya ito magawa ay, nagkusa ng lumutang yung lalagyan ng ulam at pumunta sa harapan ng pinsan niyang si Charlette.Nagulat si Mommy at nanlaki ang mga mata sa nakita niya, kinusot kusot pa niya ang mga ito para makasiguradong hindi siya namamalikmata. Pero sadyang nakalutang talaga yung lalagyan ng ulam, sa harapan ng pinsan niya.Nagulat rin ang pinsan niyang si Charlette, ng makita ang lumulutang na bowl ng ulam, sakanyang harapan pagkatapos niyang maglagay ng tubig sa baso."Let, yung ulam" sambit ulit ni Tito Ninong."Sorry po Pa, ito na po" tugon ng pinsan niya tapos ay kinuha yung lalagyan ng ulam, na para bang normal lang atsaka ini-abot kay Tito Ninong.Habang si Mommy ay nanlalaki padin ang mga matang nakatingin sa lalagyan ng ulam at dumagdag nanaman ito, para lalong tumaas ang kyuryosidad na nabubuo sakanyang isipan. Dahil, para bang normal lang sakanilang lahat yung nangyari at parang siya lang ang, nagulat sa nasaksihan niya."A-ano po yun?" Nauutal na tanong ni Mommy habang mukha pading gulat. Pero tinignan lang siya ng mga kasama niya at ngumisi."Hindi ba't sinabi ko naman sayo, na bawal ang kahit na ano mang may bahid ng kasamaan rito?" Tanong ng Tito Ninong sakanya."Ano pong ibig niyong sabihin?" Pabalik na tanong ni mommy sakanya, habang mukha pading gulat at nanlalaki ang mga mata."Hindi niya kasi sinunod agad ang utos ko, kaya nagalit sila" tugon ni Tito Ninong atsaka tinuloy ang pagkain."Ano po? Sila? Sino pong sila?" Nagtatakang tanong ni Mommy, pero tinignan lang nila si Mommy, atsaka ngumisi."Malalaman mo rin yan, pag mas tumagal ka pa rito" sagot sakanya ng Tito Ninong atsaka ipinagpatuloy ang pagkain.Nagsimula na ang araw ng pasukan at sumasideline rin si Mommy, bilang english tutor sa mga bata. Kaya every friday ay nalelate siya ng uwi, dahil sa pagtututor niya. Ang Tito Ninong naman ay isang pulis, habang si Tita Teresa ay nurse sa isang hospital sakanila, (PSSG Harry alam mo na, char. Nakwento ko na siya sa Care Taker/Attacker) kaya hinihintay nalang siya ni Tito Ninong para sabay na silang umuwi. Byernes ng gabi at pagdating ni Mommy sa bahay ay, ang pinsan niyang si Charlette palang ang nandoon at sabi nito ay, tumawag daw sa telepono ang Mama niya (Tita Teresa) na, mauna na raw silang kumain dahil, talagang magagabihan sila ng uwi. Kaya naghain na sila, para makapaghapunan.Matapos nilang kumain ay nagkwentuhan lang sila saglit, habang naghuhugas ng pinagkainan si Mommy at pagkatapos niyang maghugas ay, agad ng umakyat sa kwarto ang pinsan niyang si Charlette, dahil napagod raw ito sa maghapon kaya, si Mommy nalang ang naiwang mag isa sa baba at binuksan nalang niya ang TV para hindi antukin sa paghihintay, sa mag asawa. Wala pa kasi silang duplicate ng susi at si Mommy ang magbubukas ng gate, pag dumating na sila. Pero, dahil sa pagod ay hindi niya namalayang nakatulog na pala siya sa sofa.Naalimpungatan siya ng maramdaman niyang lumubog yung sofa, sa may bandang paanan niya. Gising na ang diwa niya, pero nakapikit parin siya at tahimik na pinapakiramdaman ang paligid, dahil akala niya ay ang pinsan niya lang yun, na bumalik ulit sa sala para manood. Kaya kinausap niya ito."Let? Akala ko ba matutulog kana?" Tanong ni Mommy habang nakapikit, pero hindi ito tumugon. Kaya nagtaka si Mommy, dahil wala rin naman siyang narinig na yapak ng mga paa na bumaba, galing hagdan kaya napagdesisyunan niyang idilat na ang kanyang mga mata, para silipin kung sino yon. Pero, nang imulat niya ang mga mata niya, ay wala naman siyang nakitang nakaupo sa paanan niya. Kaya't bumalik nalang ulit siya sa pagkakahiga at binalewala yung nangyari, dahil akala niya ay guni guni niya lang yun.Inaantok na talaga si Mommy non, dahil sa pagod at mas lalo pa siyang inantok ng maramdaman niyang, may humahaplos sakanyang buhok. Napakabanayad ng pagkakahaplos nito, na para bang napakagaan ng kamay nito, dahilan para lalong antukin si Mommy.Pero, nilabanan ng kyuryosidad at takot ang antok niya ng marealize niyang, wala nga pala siyang kasama. Napadilat siya bigla at nanlaki ang mga mata, panandalian rin siyang hindi nakakilos dahil, sa naghalong takot at kaba na nararamdaman niya ng mga oras na yun. Nanatili lang si Mommy sa ganong posisyon, habang nanginginig na ang buong pagkatao niya sa takot. Nanindig narin ang mga balahibo niya sa katawan, dahil sa kilabot.Nang bigla siyang makarinig ng busina, mula sa labas ng bahay at isang babaeng sumisigaw."Buksan niyo yung gate!" Sigaw ng isang babae, habang patuloy parin yung tunog ng busina. Kaya mabilis na umupo si mommy, mula sa pagkakahiga at kinuha narin ang pagkakataon na yun, para tignan kung sino yung humahaplos ng kanyang buhok. Unti unti niyang pinihit ang kanyang ulo paharap sakanyang likuran ngunit, wala naman siyang nakita at mag isa lamang siya sa sala, kaya kahit natatakot ay nagmamadali siyang pumunta sa bintana, para silipin kung sino yung sumisigaw sa labas."Let! Ma! (Nickname ni mommy) buksan niyo yung gate!" Sigaw ulit ng babae.Pamilyar ang boses na yon at pagkasilip ni Mommy ay, nakita niyang si Tita Teresa pala yun, na nakatayo sa gate at tinitignan kung nakalock ba ito, habang patuloy paring binubusina ni Tito Ninong ang sasakyan.Kaya, dali dali niyang kinuha yung mga susi sa altar, para pagbuksan ng gate yung mag asawa."Tito Ninong, bat ngayon lang po kayo" natatakot na sambit ni Mommy, habang aligaga sa paghahanap sa nakabundle na susi."Oh bakit? Anong nangyari sayo?" Tanong ni Tita Teresa."Kanina po kasi, inaantok na po ako kakahintay sainyo kaya nakaidlip po ako sa sala. Tapos, naalimpungatan po ako kasi naramdaman ko po, na parang may umupo sa sofa, dun sa may bandang paanan ko pero, pagtingin ko wala nanaman pong tao" natatakot na paliwanag ni Mommy habang binubuksan ang lock ng gate. Pagkabukas ng gate, ay agad ng pumasok ang mag asawa atsaka itunuloy ang pagtatanong kay Mommy."Ano pang nangyari?" Tanong ni Tita Teresa."Tapos pumikit po ako ulit, kasi inaantok na po talaga ako. Naramdaman ko naman po na, may humahaplos ng buhok ko. Natatakot na po talaga ako sa bahay niyo" naiiyak at takot na takot na paliwanag ni Mommy.Habang ipinapark ni Tito Ninong ang sasakyan, ay nagtinginan silang mag asawa atsaka ngumiti."Bakit ka naman natatakot? Wag kang matakot dahil mga kaibigan natin sila at mabait ka raw kasi, kaya nakikipagkaibigan sila sayo" sambit ni Tita Teresa atsaka inaya si Mommy na pumasok sa loob ng bahay."Huh? A-ano pong ibig niyong sabihin?" Nagtatakang tanong ni Mommy."Ikaw mismo, ang makakasagot ng tanong mo. Basta maging mabait ka lang, hindi ka nila sasaktan" tugon lang nito atsaka pumunta sa kusina. Habang si Mommy ay naiwang nakatayo at nagtataka, isang karagdagan nanaman ito, para mas lalong umangat ang lebel ng kyuryosidad na namumuo sa pagkatao ni Mommy. Dahil ang dami ng misteryong nagaganap sa bahay nila, ngunit para bang siya lang ang natatakot sa mga nangyayari."Kumain na ba kayo?" Tanong ni Tita Teresa, kaya't parang bumalik ulit sa ulirat si Mommy."Ah-ah opo, tapos na po" nauutal na tugon niya kay Tita Teresa.Nahirapang matulog si Mommy, nung gabing iyon dahil sa mga nangyari. Para bang naging sobrang praning niya at konting kaluskos lang, ay naaaning agad siya. Mag isa lamang si Mommy, sa kwartong pinahiram sakanya upang tulugan at medyo may kalakihan ang kwartong ito. Guest room raw kasi yon, para incase na may bisita silang mga kamag anak at maramihan, ay kasya sa mga guest room nila.Nakapikit lang si Mommy, habang naririnig ang pagtik-tok ng orasan, sanaol tiktokerist at huni ng mga insekto sa labas, dahil nasa unang palapag lang naman ang kwartong kinalalagyan niya. Alas dose na kasi at kahit sabado bukas, ay kailangan niya paring gumising ng maaga, dahil nakakahiya naman kung mag gigising prinsesa siya doon, kaya kahit natatakot ay pinilit niya parin ang sarili niyang matulog.Habang nakatagilid at mariin niyang kinukuha ang kanyang tulog, ay naramdaman nanaman niya yung nangyari kanina sa sofa, na para bang may umupo sa kama dahil, naramdaman niya ang paglubog nito. Kahit puno na ng kyuryosidad ang kanyang isip at gustong gusto na niyang lingunin ito, ay wala naman siyang lakas ng loob para gawin ito.Madilim pa naman ang paligid at tanging ilaw lang sa labas na nagrereflect sa kwarto niya ang liwanag, dahil sa ganong paraan raw sanay matulog si Mommy. Nanatili parin siyang nakapikit at unti unti nalang lumamig ang paligid, sobrang lamig kahit naka number 1 lang yung electricfan. Nag umpisa nang tumindig ang balahibo niya sa batok at unti unti nang kumalat sa buo niyang katawan.Lalo pa siyang natakot ng maramdaman niyang, yung sa may bandang unan naman niya ang lumubog, dahilan para mas lalong bumilis ang tibok ng puso niya at halos lumabas na ito, dahil sa lakas ng pagkalabog ng dibdib niya. Mabilis na kumalat sa buong sistema ni Mommy ang kilabot at nanginginig na ang buong pagkatao niya sa takot. Dahil nararamdaman niyang hindi siya nag iisa, kahit pa wala naman siyang kasama sa silid na iyon. Kaya't mariin niyang ipinikit ang kanyang mga mata at nilabanan ang kyuryosidad upang tignan, kung sino o ano yon. Dahil baka hindi niya kayanin, pag nakita niya ang nilalang na yun.Habang nakapikit ay, nagdasal nalang ng nagdasal si Mommy at paulit ulit niyang sinasabi na "Lord, iligtas mo ako sa kapahamakan at alisin na ang kung ano mang nananakot saakin, tulungan mo ako Panginoon" paulit paulit niya lang yun na sinasabi sa sarili, hanggang sa hindi niya namamalayang nakatulog na siya.Marami pang kababalaghan ang nangyari kay Mommy, pero napahaba nanaman po kasi ako. Comment lang po kayo, kung gusto niyo pang ituloy ko, hehe.
YOU ARE READING
Scary Stories (Unedited)
HorrorThe stories you're about to read are not mine. These are all from the Facebook fan page "Spookify". Note : These stories are not yet proofread (by yours truly) and only copy-paste directly from fan page to this account. Enjoy reading! Gamsahamnida...