Hello spookify. This is again a true to life story. Ang kwentong ibabahagi ko ngayon ay ikinuwento sakin ng aking tatay. The story will be written in his point of view para mas maayos ko pong maikwento. "Quid quid latit adparebit nil inultum remanebit"– kasabihang hango sa nobela ni Rizal na Noli Me Tangere.Bata pa lamang ako noon nang mamulat na ang buhay ay sadyang malupit. Hindi ako lumaki sa isang buong pamilya. Inilayo ako ng aking nanay sa tunay kong ama nang ako'y tatlong taon palamang, yun ay dahil naghiwalay sila at galit ang nanay ko sakanya. Namuhay akong kasama ni nanay at ng bago nitong asawang tinawag kong tsong Kanor. Lumaki ako sa piling ng ibang asawa ni nanay at sa pagdaan ng mga taon ay mas naging mahirap para sa akin na mamuhay kasama ang mga naging anak nila ni tsong.Mabait naman si tsong na amain kahit papano, mas gusto ko pa nga ang trato nya sa akin kaysa sa sarili kong ina na lagi akong pinagmamalupitan. Hindi ko alam kung bakit tila lahat ng galit at hinanakit nya sa mundo ay sa akin nya ibinabaling.Taong 1975, katorse anyos ako noon nang mawalang parang bula si tsong. Hindi namin alam kung saan sya nagpunta, biglaan ang pagkawala nya. Umalis lang sya noon sa bahay at nagpaalam na mangangahoy sa bundok pero lumipas ang maghapon, ang magdamag, ang isang araw, dalawa, hanggang lumipas na ang isang linggo, pero walang umuwi ni-anino nya. Nagalit ang nanay ko noon dahil inakala nyang inabanduna kami ni tsong Kanor ng walang dahilan. Sinabihan ko si nanay noon na ireport sa pulis ang pagkawala ni tsong pero nagalit pa ito, tanggapin nalamang daw namin na ganun talaga ang buhay—walang nanatili. Isa pa ay malayo kami sa pulisya, ilang kilometro rin kung babaybayin. Pero ramdam kong may kirot sa puso ni nanay, pilit nya lang itong itinatago.Naging mas mahirap ang buhay naming isang kahig isang tuka, dahil walang padre de-pamilyang kakayod para sa anim na myembro ng pamilya. Kaya mas bumigat para sa akin ang responsibilidad na pasanin ang pamilyang hindi ko matatawag na akin.Gabi noon, sumama ako sa ilang mga kalalakihan sa aming lugar upang manguha ng mga sihi at alimasag sa gasangan. Tangan ko noo'y tanging maliit na balde na paglalagyan ng aming mga makukuha. Bahagyang madilim ang paligid ngunit sapat na ang liwanag ng buwan upang maging tanglaw namin. Nasa kalahating oras palamang kami noon, at kukunti pa ang aming mga nakuha, abala kami ng mga kasama ko at halos walang nag-iimikan. Walang anu-ano'y nakaramdam ako ng malamig na hampas ng hangin sa aking likuran. Alam kong mahangin dahil nakaharap kami sa dagat ngunit iba ang hanging 'yun. Nanuot ito sa aking kalamnan na naghatid ng kakaibang kilabot sa akin. Maya-maya pa'y nakarinig ako ng boses ng mga tao. Lumingon ako sa aking likuran at nagimbal sa aking nakita. May grupo ng mga tao na sa tingin ko'y nasa sampu o higit pa. May nakasukbit na mahahabang baril sa katawan ang ilan sa kanila, ang ilan naman ay nakatayo lamang at may hawak na itak ang dalawa. Hindi ako maaaring magkamali. Mga NPA sila. Napalunok ako at napaatras sa takot, ilang hakbang lamang ang layo nila sa amin, at kung tutuusin ay kitang-kita nila kami. Dali-dali kong hinarap ang aking mga kasama para ituro ito sakanila ngunit laking gulat ko nang hindi ko sila makita.Saan sila nagpunta? Napaka-imposible namang hindi ko namalayang umuwi na sila. Bakit hindi nila ako sinabihan?"Umamin kana!" napalingon ako bigla sa nagsalita. Isa ito sa grupo ng mga kalalakihan. Nakapalibot sila noon sa isang puno ng niyog, at nang humawi ang mga ito ay nakita ko ang isang taong lupaypay na, nakagapos ito sa puno. Duguan ang mukha at magang-maga na ito. Pumutok narin ang labi nya, at nagkulay ube na ang paligid ng kanyang mata. Ang kanyang mga hita ay puro sugat na parang pinagtataga, umaagas mula roon ang masagana nyang dugo. Kitang-kita ko sya dahil nakatapat sakanya ang sinag ng buwan. Nakatitiyak akong sya yun–ang aking tsong Kanor.Ang suot nyang damit ay ang suot nya pa nang huling umalis sya ng bahay. Bukod pa rito ay suot nya pa sa kanyang leeg ang kuwintas na may pendant na bala ng baril. Nanigas ang buo kong katawan, pinagpawisan ako ng malamig at pakiramdam ko'y may pumatak na butil ng ulan sa aking pisngi—hindi, hindi iyun mula sa ulan. Kundi sa aking mga mata."Maraming napatay sa aming mga kasamahaan nang gabing sugurin kami ng mga sundalo! Dahil itinuro mo ang aming kuta!" isang malakas na suntok ang tumama sa kanyang tyan at doo'y sumuka ng dugo si tsong. Napasigaw ako noon at tinawag ko ang pangalan nya. Pero bakit ganoon? Parang hindi nila ako narinig. Nagsimula na akong kabahan, at dahan-daha'y humakbang ako papalapit sakanila. Sa unang pagkakataon ay napahanga ako sa aking amain, mahina na ang kanyang katawan ngunit wala akong narinig mula sa kanya na anumang pag-iyak o pagmamakaawa. "Hindi ako traydor" yan ang tanging lumabas sa kanyang bibig. Akmang babayuhin ng isang lalaking matikas ang pangangatawan si tsong gamit ang baril, at doon na ako nagsisigaw, patakbo akong lumapit sa kanila. Bahala na kung pati ako'y madamay. Pero nang mga sandaling iyo'y mas lalo akong naguluhan. Napahinto ako nang aking mapagtanto na wala akong ibang kasama sa lugar na yun. Ni hindi ko alam kung kumurap ba ako nang mga sandaling yun para hindi ko makita ang mga sumunod na nangyare. Pero napakabilis, sa isang iglap ay nagbago ang lahat. Tumahimik ang paligid, walang mga NPA, wala si tsong sa punong kanyang pinagkakatalian. Mabilis akong lumingon-lingon sa paligid, pero wala akong nakita, kahit isang tao. Lumakad lakad pa ako hanggang sa buhanginan pero wala talagang mga tao.Natakot ako pero nakaramdam ako ng kunting pasasalamat, inakala kong isa lamang iyong pangitain o marahil ay masyado lang akong nangulila kay tsong. O namalikmata lamang ako o baka naman dahil sa gutom kaya kung ano-anong nakikita ko.Binalewala ko ang nangyare dahil baka nga nag-iilusyon lamang ako, humakbang akong muli. Napagdesisyunan ko ng umuwi noon dahil iniwanan narin naman ako ng mga kasama ko. Tulala ako ng mga sandaling yun, dahil iniisip ko parin ang aking mga nakita. Hindi mabura-bura ang kaba sa aking dibdib, tila mas lalo pang dumagundong sa lakas ng pagkabog. Nakakailang hakbang palamang ako nang makarinig ako ng tawanan ng grupo ng mga kalalakihan. Agad kong binaling ang aking atensyon sa pinagmulan ng mga tunog. Doo'y nakita ko ang grupo ng mga NPA kanina, nasa dagat na sila. Ang ilan ay nasa tabi lamang subalit nakalusong parin sa tubig. Ang dalawa ay nakasampa sa bangka at nagtatawanan. "Itapon nyo na yan. Siguraduhin nyong lulubog" ang sabi ng isa sa kanila. Nagsagwan papalayo ang dalawang sakay ng bangka. Bumaon na siguro sa buhangin ang mga paa ko dahil hindi na ako nakagalaw. Kusang tumikom ang aking mga bibig dahilan para hindi ako makasigaw. Walang akong nagawa kundi pagmasdan ang bangka. Sa 'di kalayuan ngunit may kalalimang parte ng dagat ay huminto ang sasakyan. May inihagis sila sa tubig, isang bangkay. Nahirapan pa sila noong ilaglag ito sa tubig dahil may nakataling semento sa mga paa nito. Bumuhos ang malakas na agos ng tubig sa aking mga mata kasabay ng pagtangis ng aking damdamin, sa wakas ay nagawa ko ring magsisigaw. Tinangka kong sugurin ang pinakamalapit na lalaki sa akin upang gumanti sa ginawa nila sa aking amain. Hindi na alintana kung wala akong laban sa mura kong edad, ang nais ko'y gumanti. Lumingon sa akin ang isang lalaki at nagtama ang aming mga mata. Isang nakakalokong ngisi ang sumungaw sa nakapipikon nyang mukha, kasabay ng halakhak na bumingi sa aking pandinig. Patuloy akong nagsisigaw at patakbong lumalapit sa lalaking ito. Isang malakas na suntok ang dumapo sa aking mukha at napaupo ako."Jun? Anong nangyayare sayo?!" sigaw ni Toper na kasamahan ko. Iginala ko ang aking tingin sa paligid, pinalibutan ako ng aking mga kasamahan. Puno ng pagtataka ang mababanaag sa kanilang mga mukha, at may takot na nakaukit sa kanilang mga mata. Nanlaki ang mga mata ko sa gulat, takot, pagtataka, galit, at kagustuhang makaganti. Anong nangyare? Nasaan na sila? Nasaan ang mga pumatay sa tsong ko? Pasado alas-diyes ng gabi nang makauwi kami. Sermon ang inabot ko kay nanay nang malaman nya ang nangyare. Ikinuwento ng mga kasama ko ang naging kilos ko kanina. Natulala nalamang daw ako bigla at nagsisigaw, binabanggit ang pangalan ni tsong Kanor. Ibig sabihin, hindi ako iniwan ng mga kasama ko. At ang mga nakita ko ay tila ilusyon lamang, at walang naniwala sa akin, maging si nanay. Pero alam ko ang nakita ko, hindi ito gawa-gawa. Kinabukasa'y humahangos na nagtungo sa amin si Mang Dante na aming kapitbahay. Minamadali nya kami ni nanay na sumunod sakanya, lutang pa ako noon dahil sa puyat kaiisip sa nangyare. Sumunod kami sakanya, at dinala kami ng aming mga paa sa dalampasigan. Nagkalipunpunan ang mga tao, at nang dumating kami ni nanay ay kaagad silang nagbigay daan sa bagay na kanilang pinagtitipunan. Nagsisigaw at tumangis si nanay nang makita ang lalaking bulok na ang katawan. Wala na itong mata at tila pinagpyestahan na ng mga lamang-dagat ang buo nitong katawan. Putol na ang ibabang parte ng katawan nito, ngunit malinaw sa aming si tsong Kanor ang kalunos-lunos na natagpuang lumulutang-lutang sa dagat. Isang linggo na pala itong nakalubog sa tubig at nang mabulok ang ibabang parte ay kusang lumutang ang katawan nito. Hindi sya ang aking tunay na ama ngunit napakasakit sa akin ng nangyare. Hindi naging mabuting ina sa akin si nanay ngunit tila paulit-ulit na sinaksak ang aking puso nang makita at marinig ko ang kanyang panaghoy. Napakasakit. Dumating ang mga pulis at kinuha ang katawan ni tsong, sumama kami ni nanay sa kanila. Sa presinto'y may naabutan kaming isang lalaking balisa at umiiyak. Sya ang kaibigan ni tsong na si mang Fernan. Nagsimula syang magsalaysay nang dumating kami, at nagulat ang lahat sa kanyang kwento.Sya ang saksi sa pagpatay ng grupo ng mga NPA kay tsong Kanor. Gabi noon at naghahanda syang pumalaot, at doo'y nasaksihan niya ang walang awang pagpaslang ng mga NPA sa aking amain at itinapon sa dagat nang may semento sa paa. Takot na takot si mang Fernan aniya, at hindi sya nagkaroon ng lakas ng loob na magsumbong. Ngunit hindi sya pinatulog ni tsong sa gabi-gabing pagdalaw nito sa kanyang panaginip. At ngayon nga ay binagabag na sya ng kanyan konsensya. Ayon pa sakanya, may kausap umano si tsong Kanor na grupo ng mga sundalo bago pa ito mawala. Si tsong ay kaibigan ng mga NPA, at ang pakikipag-usap nya sa mga sundalo ang naging mitsa ng lahat.Ang NPA at mga sundalo'y mortal na magkalaban. Galit rin sila sa gobyerno. Nang sugurin ng mga sundalo ang kuta ng mga NPA, walang nakakaalam kung nagkataon lamang ito o totoo nga bang itinuro ito ni tsong sa mga sundalo. Maraming napatay na mga NPA nung gabing yun, ngunit nakatakas ang ilan.May pakpak ang balita ika nga, at may napakapagsabi sa lider ng NPA na bago pa mangyare ang paglusob ay nakita nyang may kausap na mga sundalo si tsong Kanor. Walang ibang sibilyan ang nakakaalam ng kuta nila liban kay tsong kaya doon nabuo ang pagbibintang na traydor ang aking amain. Ngunit sino ang nagsumbong? At paano ito nalaman ni mang Fernan?Napatingin sa akin si nanay at nabasa ko ang sinasabi ng kanyang mga mata. Sa unang pagkakatao'y nakita kong pinaniwalaan nya rin ang sinabi ko sakanya tungkol sa aking nakita kagabi. Hindi ko napigilan ang sarili kong ikwento sa mga pulis ang aking nakita. Hindi ko alam kung matutuwa ako o kikilabutan nang malaman kong napatay narin pala ang mga salaring NPA, halos isang linggo narin. Ang lider nila at ang iba pang kasapi ay natagpuan patay sa bundok dito sa probinsya ng Quezon. Hinihinalang sundalo ang may gawa noon dahil sa mga balang lumustay sa katawan ng mga salarin, ngunit walang naireport sa pulisya na may napatay na NPA ang mga sundalo matapos ang huli nilang sagupaan.Nakamit ang hustisya samakatuwid ngunit ang kaluluwa ni tsong ay sadyang hindi pa natatahimik, patuloy kaming nakatatanggap ng balitang nagpapakita parin si tsong Kanor sa tabing dagat. Maging ako ay patuloy na nakaranas sa kanyang pagpaparamdam, madalas ko syang makita sa aming kusina na nakatalikod. Minsa'y nakatayo sa madilim na sulok ng bahay. Hindi namin alam kung may ibig pa syang ipahiwatig gayong napatay narin naman ang mga taong pumaslang sakanya. —Lahat tayo'y may lihim na itinatago, mabuti man ito o masama. May mga tao rin tayong nasaktan at nagawan ng kasalanan. Pero palagi nga nating tandaan ang sinabi ni Jose Rizal, "quid quid latit adparebit nil inultum remanebit" na kung isasalin sa wikang tagalog ay nangangahulugang "walang lihim ang hindi nabubunyag, at walang kasalanan ang hindi pagbabayaran"-Kira Higurashi
YOU ARE READING
Scary Stories (Unedited)
HorrorThe stories you're about to read are not mine. These are all from the Facebook fan page "Spookify". Note : These stories are not yet proofread (by yours truly) and only copy-paste directly from fan page to this account. Enjoy reading! Gamsahamnida...