Lumabo ngunit hindi naglaho & Kira

50 5 0
                                    


Lumabo ngunit hindi naglaho


Dakong alas-singko na ng hapon, nag-uunahan sa paghakbang ang mga paa ni mama. Kanina ko pa ito napupuna habang naglalakad kami, kaya sa huling pagkakataon ay inusisa ko na siya tungkol sa bagay na ito, nangangalos na rin kase ang mga binti ko sa paghabol upang masabayan lamang ang tila nagkakarera n'yang mga bisig.

"Hindi tayo dapat abutin ng dilim sa ilog, bilisan mo na lamang diyan" mabilis na tugon ni mama sa aking tanong. Lumusong na kami sa mababaw na parte ng ilog. Napakalamig ng tubig at kay sarap pakinggan ng pag-agos nito. Kulang isang minuto ay natapos namin ang paglusong, nabasa pa ang laylayang parte ng suot kong pang-ibaba.Nagpatuloy kami sa paglalakad, nauuna si mama at ako nama'y abala sa paglibot ng tingin sa aking paligid. Pinaghalong saya at lungkot ang aking naramdaman, ganito pala talaga ang pakiramdam kapag marami kang alaala sa isang lugar. Ilang taon na rin kasi ang lumilipas, pero sariwa pa sa akin ang lahat. Narating namin ang bahay ng taong pakay namin ni mama sa lugar na ito. Agad silang nag-usap, pero hindi na ako tumuloy pa sa loob ng bakuran, bagkus ay nagpaalam ako kay mama na lilibutin pasumandali ang lugar na minsan naming tinirahan. Lumakad ako kaagad tungo sa isang parte na gustong-gusto ko ulit masilayan. Kaya nga nang malaman kong dito pupunta ang mama ko, ay hindi ako nagdalawang-isip na sumama kahit pa marami akong gawain.Narating ko na ang isang bakanteng lote, malayo-layo ito sa mga kabahayaan. Narito pa rin ang malaking puno ng mangga, may umpok ng mga basura sa gilid at nagtataasan na rin ang mga tumubong ligaw na damo . Masukal ang paligid dahil sa mga nangalaglag at natuyong dahon, na lumilikha ng malulutong na tunog sa bawat pagkakataong nalalapatan ito ng aking tsinelas. Mula sa ibaba ay gumapang paitaas ang hangin, natangay ang ilang tuyong dahon kasabay nito. Sa paghihip ng nakapangingilabot na atmospera, dumako ang aking mga mata sa nakausli at sira-sirang mga pader. Ramdam na ramdam ko ang lungkot kasabay ng paggunita sa mga alaalang binuo namin ng aking pamilya sa lugar na ito, ang dati naming tahanan. Ang masaya at payak naming pamumuhay na sinira ng isang trahedya. Naririto pa rin ang mga alaalang iyon, kahit tanging mga piraso na lamang ng pader ang itinira ng panahon.Matagal-tagal rin akong nalunod sa sarili kong imahinasyon nang mga sandaling 'yon. Sino ba naman kasi ang mag-aakala na sa isang iglap ay maaaring mawala ang lahat? "Kira. Kira" dalawang ulit akong tinawag ni mama kaya bumalik ako sa realidad mula sa naglalakbay kong pag-iisip. Hinanap ko kaagad si mama sa aking likuran dahil natitiyak kong doon nagmula ang kanyang boses, ngunit bigo akong makita s'ya. Muli na naman n'ya akong tinawag, dalawang beses ulit. Akmang hahakbang na ako pero may pumigil sa aking braso. Mabilis, mahigpit, at mariin ang pagkakahawak na halos mawalan ako ng balanse. Nanlaki ang aking mga mata nang makita ko si mama. Hinila n'ya ako kaagad palayo sa lugar na 'yon. "Umuwi na tayo. Bakit ka ba nagpunta rito?!" aniya. Hindi ako nakasagot at akmang lilingunin ko pa muli. "Huwag ka nang lumingon. Narinig ko rin 'yun" sambit ni mama, tinutukoy n'ya ang boses na nagsalita kanina na pareho pala naming nadinig, at nangangahulugang hindi siya.Binaybay na namin ang daan pauwi, tahimik lamang ako habang naglalaro ang lahat sa aking isipan. Kumakagat na ang dilim, nadagdagan na rin ang lalim ng ilog, naging mas tahimik pa ang dating tahimik nang paligid kaya mas lumakas ang tunog ng ragasa ng tubig. Narinig kong umuusal si mama ng tila mahinang kataga, paulit-ulit habang tumatawid kami ng ilog. Hanggang sa makarinig na ako ng mahinang ingay ng tila naglalaba. Pumihit ang aking ulo pakanan at doon tumambad sa akin ang mukha ng isang babaeng nakababad ang kalahati ng katawan sa ilog. Hawak n'ya ang lumang batyang nakapatong sa bato. Napako ang tingin ko sa nakapangingilabot n'yang ngiti na pinaparesan ng nakamulagat n'yang mga matang hindi kumukurap, habang nakamasid sa amin ng mama ko.Ang babaeng ito ay isa lamang sa daan-daang mga tao na matagal nang pumanaw sa pamamagitn ng ilog na ito. Tama ang mama ko, hindi nga pala dapat abutan ng dilim ang kahit na sino rito. Bago pa man kami umuwi, dumaan muna kami ni mama sa ibang lugar. Isang paraan upang hindi sumama pauwi sa aming bahay, ang mga kaluluwang nananatili pa rin tulad ng isang alaala kahit pa matagal na silang namatay.

Scary Stories (Unedited)Where stories live. Discover now