Ang Dulong Unit (Parts 1 & 2)

85 4 0
                                    


Part 1

Lumipat kami sa isang apartment sa Maynila malapit sa trabaho ni mommy upang makapagsimula kaming muli. Si mommy, ako, CJ at Gabby. Kalaunan ay nakabili si mommy ng isang bahay na hindi naman kalayuan sa apartment na iyon. Murang-mura dahil pre-selling at kailangan pang ipagawa ang loob. Maliit at may ikalawang palapag na kasya lamang ang dalawang maliit na kwarto. Sa amin ang pinakadulong unit. Nagtaka ako sa numero ng mga bahay dahil ang katabi namin ay 12 pero sa amin ay 14. Wala namang kabahayan sa harap namin. Nilakad ko ang hilera ng mga kabahayan mula 1 para makasigurado at hindi nga ako nagkamali. Ika-labing tatlo nga kami.

Nakapaglipat kami ng paunti-unti mula sa apartment hanggang sa bagong bahay. Matapos maayos ang lahat, nagplano na si mommy para pabendisyunan ang bahay. Lumuwas na din ang lola namin para makita ang bago naming matitirahan, makadalo sa house blessing, at makapagbakasyon ng ilang araw. Ipapasyal daw kasi namin sya sa Divisoria. Maliit na pahaba lang ang bahay. Pagpasok mo ng gate ay may espasyo na maaari mong gawing garahe pero pinagawa ito ni mommy na extension ng sala. Makikita dito ang front door sa kanan at bintana sa kaliwa. Pagpasok ng front door ay tanaw mo na ang hagdan sa gilid, sala, dining, banyo at lababo/kusina. Payak pero ito ang aming bagong tahanan.

Gabi bago ang house blessing nung una kaming makaranas ng kakaiba. Katulad sa dating bahay, magkasama si mommy at Gabby sa kwarto, kami naman ni CJ sa isa pa. Ang lola namin ay kasama pa din namin sa silid pag nagbabakasyon sya dito sa Maynila. Nagising ako ng naramdaman ko na bumangon mula sa tabi ko ang lola namin. Magkatabi kasi kami ni lola sa kama ko at may sariling kama si CJ. Tinanong ko sya, "Lola, ano po yun?" "Narinig mo ba?" sagot naman nya. May parang bakal na tumutunog mula sa baba. Minabuti kong bumaba para silipin. Nasa may hagdan pa lang ako ng naaninag ko ang pinto. Gumagalaw mag-isa ang keyed handle nito. Bigla ako napatakbo pabalik sa taas. Tinawanan ako ng lola ko pagpasok ng kwarto namin, "Kolehiyo ka na takot ka pa din!" Sinubukan ko pa magpaliwanag pero bumaba na sya mag-isa. Bumalik din sya matapos ang ilang segundo. Sinabitan daw nya ng rosaryo ang pinto. Bago muling matulog ay nagdasal muna si lola. Nakatulog na kami ng deretso matapos nya magdasal.

Nairaos ang house blessing ng maayos. Masaya at may pa-videoke pa. Lingid sa aming kaalaman, ito ay simula pa lamang dahil hanggang ngayon (and recently lang) madami pa din kaming nararansan na kakaiba.

Maraming maraming salamat po ulit sa pagbabasa. Hindi man nakakatakot sana po nagustuhan nyo.

Stay indoors. Stay safe everyone!

Part 2

Nagkasakit ang mommy at na-mild stroke. Binawalan na sya ng neurologist na magtrabaho upang makaiwas sa stress. Dito na naisip ng mommy na lumapit sa daddy mula ng iwan nya kami. Kahit konti lang daw para sa mga kapatid kong si CJ and Gabby. Sinabihan nya si mommy na susustentuhan nya lang pag nasa poder nya kaya walang ibang nagawa ang mommy kundi hayaan manirahan ang mga kapatid ko sa daddy namin sa Batangas.

Dadalawa na lang kami naiwan ng mommy sa bahay. Nasa huling taon naman na ako ng kolehiyo, minabuti ko na din subukan magtrabaho sa isang BPO. Aral sa umaga, trabaho sa gabi para may panggastos kami ni mommy. Mahal ang mga gamot nya kaya kinailangan ko talaga magtrabaho. Nakakalungkot din dahil halos gabi-gabi sya walang kasama dahil kailangan ko tapusin ang pag-aaral ko at magtrabaho para sa aming dalawa. Bilang isang telemarketer sa BPO, minsan kinakailangan pa pumasok kahit Sabado para makahabol sa benta. Sayang din ang RDOT.

Isang Sabado ng umaga pagdating galing sa trabaho kinausap ako ni mommy. "Parang may iba dito sa bahay, anak". Sabi ko naman "baka po kasi namimiss nyo na andito sila CJ and Gabby, Ma. Wala ng nuknukan ng ingay". Pero sumagot sya ng "Bobbie, hindi. May iba. Wag ka na pumasok mamaya dito ka na lang". Sumunod naman ako. Kinagabihan tinawag ako ng mommy sa kwarto nya, dun na daw muna ako matulog na sinunod ko naman. Disoras ng gabi ng maalimpungatan ako na parang may tunog ng mga gumugulong na bato sa kongkreto. Pinakinggan kong mabuti. Parang holen. Ilang segundo bago ko napagtanto ang nangyayari, marahil dahil sa puyat at lutang pa. Bakit nga naman may maghoholen ng halos hatinggabi na. Bigla ako tinapik ni mommy, "Naririnig mo ba, Bobbie?" Sabi ko "Opo, Ma. Saan galing yun? Ano yun? Holen ba yun?" Sabi nya madalas nya naririnig yun pag mag-isa lang sya. Ngayon lang daw nya narinig ng may kasama sya. Inisip ko na lang na baka may batang hindi makatulog sa taas na unit. Binuksan ko na lang ang lampshade hanggang sa makatulog kami ulit.

Ng sumunod na Sabado, hindi ako ulit pumasok. Nagkayayaan kasi mag-inuman ang aming youth org sa building namin. Miyembro ng youth org ang bago namin building admin kaya minabuti kong ikwento sa kanya yung nagpapagulong ng holen tuwing gabi. Naiistorbo kasi si mommy sa kanyang pagtulog. Sabi ko baka pwedeng sabihan yung mga magulang ng bata. Bigla syang namutla sabay sabi "Bobbie, walang nakatira sa taas nyo! Witit! Sa hilera nyo ground floor lang ang may tenant. Kayo lang. Wala pa nakatira sa 2nd, 3rd, at 4th!" Sinubukan ko pa mag-rason "Sa katabi namin?". "Bes, may nakita ka na bang tao sa Unit 12? Wala din tao dun." Natapos ang inuman at umuwi na ako sa bahay. Napagalitan pa ako ni mommy pag-uwi ko dahil lumampas ako ng hatinggabi kaya kahit walang pasok dun ako natulog sa kwarto ko. May ilang minuto na din akong nakaidlip ng narinig ko nanaman ang mga holen. Nawala ang tama ko ng naalala ko ang sinabi ng tropa kong building admin. Sinubukan kong pumikit at wag pansinin pero parang palakas na ito ng palakas. Parang mas malalaki na ang gumugulong. Nagtakip ako ng unan sa tenga. Ayoko sana matulog sa kwarto ni mommy dahil napagalitan nga nya ako ng biglang tatlong malalaking hampas sa pader ang dumagundong sa buong taas ng bahay. Napakalakas na akala mo magigiba ang mga pader. Napabalikwas ako sabay bukas ng pinto. Saktong pagbukas din ni mommy ng pinto ng kwarto nya. Magkatapat lang kasi mga kwarto namin. Namumutla sya. Hinablot ko ang unan at kumot ko at patakbong pumunta sa kwarto nya. Wala ng tampo tampo, sumiksik ako sa tabi ng mommy ko hanggang sumikat ang araw. Hindi pa din natigil ang mga holen at pagpukpok sa kongkretong dingding at naglalagay na lang si mommy ng rosaryo sa pinto tuwing nasa trabaho ako.

Lumipas ang mga buwan at nagkasakit ang lolo ko na nasa Quezon. Pinatingin sya ng mommy sa neurologist nya dito sa Lungsod ng Maynila nya at na-confine. Ng matapos ang confinement ng lolo sa ospital, sa bahay namin sya pinatira ni mommy. Sinabihan sya ni mommy na sa taas sya matulog pero kahit anong pilit, ayaw nya umakyat. Iwan lang daw sa sala ang mga gamit nya at ayos na sya sa sofa. Parang lagi din syang balisa at ayaw nya na iiwan sya mag-isa. Isang umaga habang nag-aalmusal, bigla na lang sya nagsalita, "Bobbie, hindi ako magtatagal sa bahay na ito." Nilingon ko sya pero hindi sya nakatingin sa akin. Nakatingin sya sa kisame na palinga-linga at saka tumingin sa akin. "Sabihin mo sa iyong mommy, ako ay iuwi na sa iyong lola. Dun na lang ako magpapagaling. Sumama na din lang kayo sa atin at dun ay ligtas. Hindi katulad dito." Napatitig ako sa kanya, "Ano po ibig nyo sabihin, Lo?" "May sa hindi maganda ang bahay na ito."

Hinatid na namin pabalik ng Quezon si lolo dahil na din sa kagustuhan nya. Malakas na daw sya. Pagbalik ng Maynila, pinasama nya ang isa sa mga pinsan namin na si Anna (hindi tunay na pangalan) dahil magkokolehiyo na din ito. Sa amin na daw muna sya patutuluyin para na din may kasama si mommy pag nasa trabaho ako. Kahit sya ay hindi nakaligtas sa mga tunog ng holen at hampas sa pader. Umabot sa puntong gusto na nya magboarding house na lang pero pinakiusapan namin sya na manatili pa muna sa amin.

-Earth Sign ♍

Scary Stories (Unedited)Where stories live. Discover now