Kamatayan sa kamay ng Engkanto at Aswang

49 2 0
                                    


Hello po! Silent reader po ako dito, and being an avid reader for years, ngayon lamang ako nagkalakas ng loob mag-share dito. Sana ma-post ni Admin. This story is from my mother, gusto ko lang din i-share sainyo ang isa sa mga nakapagpatindig balahibo sakin among those stories na laging ikinukwento sa amin ng mama ko. Open ang third-eye ni mama, at kung paramihan lang ng creepy stories, hindi sya magpapatalo. By the way, she's from Visayas. MAMA's POVIlang araw nang maysakit ang kuya ko na itago nalang natin sa pangalang Lucas. May kakambal sya kaya naman naging normal na sa amin at nauunawaan namin kung bakit mahina ang katawan nya at madalas na dapuan ng sakit, marahil ay hindi nga kumpleto o sapat ang natanggap na sustansya ng kanyang katawan noong sanggol pa sa sinapupunan ng aming ina. Pero ang sakit nyang ito ngayon ay kakaiba sa lahat na naging mitsa ng kanyang pagkamatay. Namatay ang kapatid ko na noon ay nasa labing-pitong taon palamang (isang taon lamang ang tanda nya sa akin) nang hindi manlamang namin napatingnan sa doktor dahil kapos kami.Ang nakapagtataka sa sakit ng kapatid ko,ay biglaan ito. Tinubuan siya ng butas sa kanyang tagiliran, na waring tinamaan ng isang pana. Namamaga ito at nangingitim na tila nabubulok na. Hindi rin maganda ang amoy na nanggagaling doon, nakasusulasok sa ilong ang amoy na waring nabubulok na laman, kaya minabuti ng tatay ko na ihiwalay si kuya Lucas ng higaan. Nagsimula ang kanyang karamdaman isang araw matapos nyang umuwi galing sa sapa, at naghanap ng pwedeng iulam. Nakagawian na kase naming magkakapatid na dumiskarte ng anumang pwede naming makain na pagsasaluhan naming mag-anak. Umuwi syang may dalang anim na pirasong tapalang o yung malalapad na shell. Agad namang nagtaka ang aming tatay kung saan nanggaling ang mga tapalang na dala nya. Malalaki at mapuputi ang kulay, tila nalinis na ang mga iyun. Ayon kay kuya, nakita raw niya ang mga ito sa ibabaw ng malapad na bato, sa tabi ng sapa. Walang tao sa paligid kaya kinuha nya iyun dahil mukhang wala namang nagmamay-ari. Isinawalang bahala na lamang namin ang bagay na iyun, sa halip ay nagpasalamat nalang dahil may maihahahain na sa hapag. Kinagabihan ay umaaray na sa sakit ng kanyang tagiliran si kuya, pakiramdam niya ay may bagay na nakatusok doon pero nang tignan ito ni tatay, ay wala siyang nakitang sugat. Lumipas pa ang ilang araw ay doon na tumindi ang karamdaman ng kapatid ko, mataas ang kanyang lagnat, nilalamig at mula sa kanyang tagiliran ay unti-unting nagkasugat na pagkadakay nag-nana, nangitim, at mas sumakit pa ayon kay kuya. Wala kaming magawa dahil wala kaming pampa-doktor noon kaya pinatingnan namin sya sa albularyo.Una palang ay kutob naming mahiwaga ang dahilan bakit nagkaganito si kuya, at hindi nga kami nagkamali, dahil naengkanto sya. "Bakit mo pinakealaman ang bagay na hindi saiyo?" Tanong ng albularyo sa aking kapatid. "Hindi mo dapat kinuha ang pagmamay-ari nila, pinarusahan ka ng engkanto dahil sa ginawa mo" dagdag pa niya. Naintindihan namin ang ibig iparating ng albularyo, ang mga tapalang na natagpuan ni kuya sa ibabaw ng malapad na bato sa tabi ng sapa na pawang malilinis na, ay pag-aari ng engkantong sinasabi ng albularyo. At dahil sa galit nito sa pakikialam ng aking kapatid, pinana sya sa kanyang tagiliran bilang parusa. Sinunod namin ang utos ng albularyo na mga dapat gawin upang humingi ng tawad sa engkanto kapalit ng kagalingan ni kuya, subalit sa hindi inaasahang pangyayare ay nadagdagan pa ang banta sa kanyang buhay. Isang araw ay may matandang babae ang tumawag sa aming bahay, agad naming sinilip mula sa pinto kung sino ito sapagkat si kuya Lucas ang kanyang tinatawag at hinahanap. Lumabas sa kwarto si tatay at pumuwesto sa pintuan para harapin ang matanda, agad naman kaming tumago sa likuran ni tatay para makinig sa usapan nila, para narin silipin ang matandang babae na kakaiba ang mga ikinikilos. Naniningil ito sa inutang na tuba (isang uri ng inumin na parang alak na nagmula sa puno ng niyog) ng kuya Lucas. Kilalang magtitinda ng tuba sa aming lugar ang matanda, at natikman ko na rin ang gawa nyang ito, hindi maikaiila na matamis yaon. Mapayat ang matanda, nakasuot siya ng puti ngunit maduming damit, at hanggang sakong na paldang itim. Mahaba rin ang kulay puti at buhaghag nitong buhok, nanglalalim ang pisngi at kulubot na ang mukha. May hawak siyang patpat na malikot na iginagalaw at itinuturo sa lupa, parang balisa ang kanyang mga kilos. Ang kanyang mga mata ay nandidilat at hindi mapakali, palipat lipat ng tingin, ngunit ni minsan ay hindi nya tinapunan ng tingin si tatay na kanyang kausap. Halos isang metro rin ang layo niya mula sa aming pintuan. Kinutuban kami. Tumingin sa amin si tatay at parang may gustong sabihin, mababasa ito sa kanyang mga mata. Tinitigan nya kami at maya-maya ay tumingala, sinundan namin ang kanyang tinitignan at nagulat ako sa aking nakita. May maliit na botilyang nakasabit sa aming pinto, hindi naman ito ang ikinagulat ko sapagkat alam kong matagal nang may botilya roon, pero ang nakakataka sa ngayon ay kumukulo ang laman ng likido ng botilya na parang gustong umapaw mula sa loob. Isa lang ang ibig sabihin ng pagkulo nito. May aswang sa paligid. Umalis na ang matanda nang sabihin ni tatay na hindi kami makakabayad sa inutang ng kuya ko dahil may sakit sya at wala rin kaming pera. Ngunit bago umalis ang matanda, kita ko sa mga mata nya ang titig na parang nagbabanta, bagamat hindi sya tumitingin sa aming mga mata, makikita mo ang kakaiba sa mga titig nya. Kinagabihin, malalim na ang tulog ng lahat nang gisingin kami ng isang malakas na sigaw."TAYYY! ASWANGGGGG!" sigaw ni kuya, agad kaming tumakbo patungo sa silid nya, subalit wala kaming nakita. Takot na takot si kuya, aniya ay may mapayat at kulubot na kamay na may mahahabang kuko ang lumusot sa dingding na yari sa palapa ng niyog at pilit syang inaabot. Agad kinuha ni tatay ang itak at nagmadaling pumunta sa likod ng bahay. Ayon sakanya, isang matandang babae na naglalaway at nanlilisik ang mga mata ang kanyang natagpuan. Ngunit mabilis itong nakakilos palayo nang matunugan ang planong paghagupit nya ng itak. Ang nakakikilabot pa dito, hindi ito tumakas ng basta basta sa kamay ni tatay, kundi mabilis itong lumipad paitaas nang nakatihaya (tumatayo ang mga balahibo ko habang nagtatype) at nag-iwan ng nakakikilabot na hagikhik. Mabilis na nakatago sa sagingan at naglaho. Ngunit isang bagay ang sigurado kahit segundo lamang ito nakita ni tatay, hindi nya malilimutan ang itsura at kasuotan nito. Puting damit at itim na paldang hanggang sakong ang haba. Ilang gabi pa ang nagdaan ay hindi si kuya tinigilan ng aswang, kahit bantay sarado ni tatay ay may kakayahan parin silang mahirap malabanan, lalo na kung may sakit ang kanilang nais biktimahin. Tuluyan nang nanghina si kuya at hindi nagtagal ay binawian narin ng buhay.

Scary Stories (Unedited)Where stories live. Discover now