NoSleep Series : Ang trabaho ay panoorin ang babae... (Parts 3 & 4)

27 1 0
                                    

Part 3

Bahagya pang nabahiran ng pagtataka ang kaniyang mukha bago siya ngumiti. "Iyan ba ang tawag mo sa 'kin? Nakakatuwa naman. Pero Melanie ang pangalan ko."

Naramdaman ko ang pamumula ng mukha ko. Alam ko namang hindi talaga Rachel ang pangalan niya dahil gawa-gawa ko lang naman iyon para may maitawag sa kaniya. Pero hindi ko pa rin maiwasang hindi mahiya sa kaniya. "I-ikaw na ba talaga yan?"

Tumango siya ng nakangiti. "Oo, ako na nga 'to."

Napaawang ang kaniyang labi nang bigla ko siyang hinagkan. Maya-maya ay narinig ko na rin ang mahinhin niyang tawa na napakasarap sa tenga bago niya din ako niyakap. Inilapit niya ang kaniyang labi sa aking tenga at nagsalita. "Thomas, kailangan nating mag-usap. Pero hindi pwede dito, pwede ba tayong pumasok?"

Kumalas ako mula sa aming pagkakayakap at tinanguan siya. Pinunasan ko muna ang mga luhang nagbabadyang tumakas sa aking mga mata bago ko binuksan ang pinto nang nanginginig pa ang mga kamay. Malakas pa din ang kalabog ng dibdib ko at pakiramdam ko ay isang panaginip lang to. Ngunit nang tuluyan na kaming makapasok at makaupo sa sofa ay pinilit ko na ang sarili kong itanong ang pinakamalaking misteryo sa isip ko.

"Paano?"

Napalitan ng pangamba at kalungkutan ang kaniyang mukha nang kami ay makaupo na. "Thomas, iyan nga sana ang gusto kong pag-usapan kaya ako nandito. Hindi katulad ng iniisip mo ang nangyayari. Kailanman ay hindi naging ganon."

Napakunot ang noo ko habang nakatingin sa kaniya. "Anong ibig mong sabihin?"

Nabaling ang kaniyang paningin sa baba na tila ba ay hinahanap niya ang mga tamang salita sa kung ano man ang sasabihin niya. "Thomas, parte ka ng isang psychological experiment. Matagal na din akong parte dito bilang isang aktres pero hindi ko pa rin alam ang buong detalye tungkol sa eksperimentong ito. Sigurado akong pinapatakbo tayo ng isang agency ng gobyerno, at namumuhunan sila ng napakalaking pera at oras dito, kung ano man ang rason nila ay iyon ang hindi ko alam."

Napagtanto kong napapahigpit na pala ang paghawak ko sa aking kamay habang nakikinig sa kaniya. Hindi, hindi ito tama. Siguro ay isa lang ito sa mga pakana nila para linlangin ako.

Nagpatuloy si Melanie sa pagsasalita. "Ang alam ko lang ay matagal ka na nilang minamatyagan bilang isang subject sa eksperimentong ito. Sila ang gumawa ng lahat ng eksena kung saan may sikreto kang trabaho, ang manood...ang panoorin...ako. Pinapalabas nila na nakakulong ako sa isang kwarto. Mayroong kang mga buton na maaari mong pagpilian at pindutin sa ibat-ibang sitwasyon, iyon ang bilin nila hindi ba?"

Nanghihina akong napatango. "Oo. Ang isa ay red. Ang isa naman ay green."

Napabuntong hininga siya at tumango. "Sa tingin ko ay sinusubukan nila kung hanggang kailan mo sila susundin. Kung ano ang mga pipiliin mo base na rin sa moral, sa pag-iisip at sa mga kinakatakutan mo. Anim na taon na ang nakaraan mula ng pumasok ako dito, sa una ay naging interesado din ako sa pinapagawa nila sakin. Wala silang masyadong sinasabi sa akin, basta ay dapat ko lang gawin kung ano ang pinapagawa nila. Pero may mga taong nagsasalita pa bukod sa amin. Minsan ay nakakarinig kami ng mga kasamahan ko ng mga mahihinang usapan na hindi namin alam kung saan nanggagaling, parang sikreto ang mga sinasabi nila. " Malungkot siyang napangiti. "Iyon ang naging dahilan kung bakit sumama ang loob ko."

Nagtataka akong pinahinto siya. "Ibang mga aktor?"

Nanlaki ang mga mata ni Melanie bago nagsalita. "Ay, oo nga pala. Pasensya na. Sa tingin ko ay tinatawag siyang Mr. Solomon? At may mga iba pa bukod sa kaniya." Tinitigan ko lang siya habang nagpatuloy siya sa pagsasalita. "Ganon pa man, sa loob ng ilang taon mong pagtatrabaho, parang normal lang naman diba? Anim na oras akong magpapanggap na nakakulong habang kunwari ay nagpipinta at nanonood ng tv. Mga nakakainip na bagay--"Hindi ko nanaman maiwasang sumabat habang nanginginig ang boses ko. "Hindi ikaw ang nagpipinta ng mga magagandang larawan sa paintings?"

Scary Stories (Unedited)Where stories live. Discover now