CHAPTER 23
Minsan pang natitigan ni Aya ang matamis na ngiti sa mga labi nito. Pati kislap ng mga mata ng binata ay waring nag-aanyaya sa kanya.
“B-baka naman tumaob ‘yon, malunod ako.”“Don’t worry, expert swimmer ako. Pababayaan ba naman kitang malunod?”
“S-sigurado ka?”
“Oo naman. Halika na?” Inilahad pa nito ang palad sa kanya.
Napatingin siya sa nakalahad na palad, tapos ay sa mukha nito.
Ah, bakit ba hindi siya makatanggi sa paanyaya nang matamis nitong ngiti?
“S-sige?” Tila nahihipnotismong tinanggap niya ang palad nito.
“AY! Baka tumaob!” napapatili si Aya habang mahigpit ang hawak sa gilid ng bangka na walang katig.
“Huwag ka kasing malikot, talagang tataob tayo,” natatawang wika nito habang sumasagwan.
“K-kasi naman, nalulula ako.” Pinilit niyang huwag gumalaw para huwag umuga ang bangka. Pumikit pa siya para huwag malula.
Ngunit sa ginawa ni Aya, lalo niyang naramdaman na gumagalaw ang sinasakyan.
“J-John, nalulula talaga ako!” impit na tili niya.
“Sandali, lalapit ako sa iyo para huwag kang matakot.” Huminto sa pagsagwan si John at tumayo.
Naramdaman niyang humahakbang ito palapit sa kanya. Siyempre pa lalong umuga ang bangka dahil sa paggalaw nito.
“Bilisan mo! Baka tumaob ang bangka!” impit na tili niyang hindi naman nag-abalang dumilat.
Narinig niya ang mahinang tawa ni John, kasunod niyon ay naramdaman niyang naupo ito sa tabi niya.
“Heto na ako, dilat ka na,” bulong nito.
“H-ha?” Naramdaman niya ang pagkiskis ng braso nito sa braso niya, naramdaman niya ang pagkakadikit ng mga katawan nila.
BINABASA MO ANG
KAPANTAY NG LUPA ANG LANGIT
FanfictionKAPANTAY NG LUPA ANG LANGIT Pangarap ni MAYMAY ENTRATA ( aka AYA) ang makapag-asawa ng mayaman na hahango sa kanya sa kahirapan. Foreigner, o kahit pilipino, basta mayaman, o milyonaryo. Hindi niya type ang poor, kahit guwapo. Pero masisira yata si...