46

288 17 0
                                    

CHAPTER 46

MUNTIK nang mabitiwan ni Aya ang hawak na larawan na iniabot sa kanya ng babae.

Kasama ni Kisses sa larawan ang Johnny na hinahanap nito. Magkayakap ang dalawa, may kuha namang nakakandong ang babae rito, may kuhang nakasakay sa kabayo.

Magara rin ang suot na damit ng lalaki sa larawan, mamahalin, kumbaga ay walang dudang makakaya lang magsuot ng ganoong damit ng isang taong maykaya sa buhay.

At ang isang larawan nito na nakasakay sa isang sportscar habang nakasuot ng helmet, imposible namang ginawa lang nitong props ang sasakyang iyon para magmukha itong karerista.

Napalunok si Aya habang marahang humahagod ang tingin niya sa mukha ng lalaki sa larawan.

Johnny Barber! Tila piniga ang kanyang puso.

“O, natulala ka na riyan. Kilala mo ba?” mataray na untag nito sa kanya.

Napatitig siya sa mukha ni Kisses. Pinigil niya ang sarili na mapaiyak.

“M-Ma’am, p-parang nakita ko nga siya rito,” gumagaralgal ang tinig na wika niya.

“Talaga? Saan?”

Napalunok muna siya.


“N-noon hong isang araw, d-diyan sa lobby.” Pero gusto pa rin niyang makasiguro. “P-pero J- Johnny Montero ho ang narinig kong pangalan niya.”

“Tama! Siya nga iyon. Montero ang surname ng kanyang Lola Cassandra. Ang hudyong iyon, at nag-alias pa. Sa palagay mo, nasaan na siya ngayon?”

Minsan pang napalunok si Aya. This time, tila malalaglag na ang luha sa mga mata niya.

“M-Ma’am, para hong siya ‘yong sumakay sa chopper kanina,” pagsisinungaling niya. Ang totoo ay hindi pa niya alam kung nakaalis na sa isla si John. “Ah, e-excuse me ho. B-baka ho kailangan na ako sa ibaba.”

“Sandali –”

Ngunit hindi na niya pinansin ang pagtawag nito. Tuluy-tuloy siya sa elevator at hindi pa man iyon sumasara ay nalaglag na ang luha sa mga mata niya.

KAPANTAY NG LUPA ANG LANGITTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon