CHAPTER 2
Naiiling na nahabol na lang ng tingin ni Aya ang dalagita.
Hay, buti pa siya, ang simple lang ng pangarap, ang makabenta ng kuwintas at bracelet niya. Samantalang ako, magdadalawang taon na sa islang ito, and yet, di pa rin makakilala ng mayamang lalaki na papakasal sa akin. Kailan kaya siya darating?
Diretsong tumingin siya sa karagatan, tagus-tagusan ang tingin niya sa paparating na bangka na walang katig at sagwan lang ang ginagamit ng lalaking nakasakay.
Siguro, dapat na talaga akong maging seryoso sa paghahanap ng lalaking iyon. Baka tumanda akong dalaga kapag hindi pa ako kumilos. Bahagya siyang napangiwi sa isiping iyon. Hindi yata niya pinangarap iyon.
Oo nga pala, may bagong dating na foreigner galing Germany, iyong nasa Cottage-B. Bukod sa guwapo na at bata pa ay mukhang big time. Ano kaya kung magpapansin ako sa kanya? Wala sa loob na napangiti siya.
Ngiting na-capture ng lalaking nakasakay sa bangkang padaong sa dalampasigan.
Akala yata nito ay ito ang nginingitian ni Aya kaya ngumiti rin ito at bahagya pang pinalamlam ang mga mata.
Pero baka naman mapagkamalan niya akong pokpok. Napangiwi na naman siya sa naisip. Iyong isang foreigner na pinatsarmingan ko noon ay inalok ako ng fifty dollars para samahan siyang manood ng DVD na bold sa kanyang suite. Aba, sampalin ko nga! Lalong napasimangot si Aya sa naalalang mumunting pangyayari sa kanya sa islang iyon sa nakalipas na mahigit isang taon.
“Masyado ka kasing atribida, napaka-flirt mo pa,” sisi ni Elisa sa kanya noon nang malaman iyon.
“Ah, Miss?”
“H-ha?” Napatingala siya sa matangkad na lalaking nakatayo na ngayon sa harapan niya habang nakatunghay sa kanya. “B-bakit?” Bahagya siyang nag-stammer.
Why, the man is a real hunk. Ang lapad ng dibdib nitong bakat sa sandong nangungutim na hakab sa katawan nito. Labas ang namumutok na mga masel nito sa braso. And he’s sexy sa suot na pantalong maong na nakatuping pataas hanggang sa tuhod. Nakatapak ito sa buhanginan kaya ang mabalahibong binti ay kinakapitan ng mga pinong buhangin.
And goodness, he has that pearly white teeth kaya naman ang ganda ng ngiti nito.
“Ah, itatanong ko lang kasi kung galit ka sa akin?” maginoong tanong nito.“Galit?” Sabihin pa ay nagkabuhol ang mga kilay niya nang makabawi na siya sa pagkabigla sa kaguwapuhan nitong taglay. “At bakit mo nasabing galit ako sa iyo?” Napatayo siya mula sa pagkakasalampak sa buhanginan at nakapamaywang na hinarap ito.
And to her surprise, ang tangkad pala nito. Nagmukha siyang unano sa taas na 5’5 dahil nangangawit ang leeg niya sa pagkakatingala rito. Bakit ay nakatapak lang siya at hindi suot ang kanyang three inches high heel na tanging dahilan kung bakit nagmumukha siyang matangkad at sopistikada kapag nakauniporme siya.
“Ah, kasi’y nakatitig ka na sa akin habang palapit ang bangka ko sa dalampasigan, tapos ay ngitian mo ako, tapos ay walang lubay na sinimangutan,” nakangiti pa rin nitong wika na tila nakakatoko.
“Ha? Nakatitig ako sa iyo? At nginitian kita, tapos ay sinimangutan?” Hindi yata niya matandaan na ginawa niya iyon.
“Oo. Kaya nga kita nilapitan, nagtataka kasi ako sa reaksiyon mo?”
“Ganoon?” Lalong nagkabuhol ang mga kilay niya. Oo nga at guwapo ito sa tunay na kahulugan ng salitang iyon, pero hindi nangangahulugan na aarte siya nang ganoon sa harap nito.
At anong akala ng lalaking ito, komo guwapo ito ay ngingiti na siya para mapansin nito!
Goodness!Hindi yata niya pinangarap na mag-flirt sa isang… sa isang kagaya nito na…
Ayaw sana niyang matahin ang itsura nito dahil sa nangungutim na sando, lumang pantalon, at bahagyang tan na balat, pero…
“Hoy Mama, bulok na ang style mo, ha? Kung type mo ako at gustong makilala, sorry, you’re not my type!”
“Type?” Sabihin pa ay napanganga ito. “Naku Miss, hindi —”
“Puwede ba, excuse me! Naaabala mo ako sa pamamahinga ko!” Pagkawika niyon ay nakairap na naglakad siya palayo.
Napakamot na lang sa ulo ang lalaki at naiiling na nasundan siya ng tingin.
BINABASA MO ANG
KAPANTAY NG LUPA ANG LANGIT
FanfictionKAPANTAY NG LUPA ANG LANGIT Pangarap ni MAYMAY ENTRATA ( aka AYA) ang makapag-asawa ng mayaman na hahango sa kanya sa kahirapan. Foreigner, o kahit pilipino, basta mayaman, o milyonaryo. Hindi niya type ang poor, kahit guwapo. Pero masisira yata si...