Lahat tayo ay may kanya-kanyang kwento ng katatakutan. Mga kwentong hango sa iba't-ibang karanasan. Mga kwentong kung minsan ay hindi malaman kung batay sa mga tunay na pangyayari o dulot lang ng malikot na isipan.
Nangyari ang sumusunod na kwento sa panahon kung kailan uso pa ang mga cassette tapes at marami pang kalalakihan ang nagpapatansya kay Alicia Silverstone.
Umuwi mula sa trabaho ang isa sa mga kapatid ko. Sabado ng gabi. Tulad ng madalas nyang ginagawa, dumederetso sya sa kanyang kwarto para pakinggan ang mixtape na kinokolekta nya.
(Noong mga panahong yon, kaming tatlo lang na magkakapatid ang magkakasama sa bahay dahil nasa abroad ang mga magulang namin).
Mula sa kanyang kwarto, maririnig mo ang kuya ko na sinasabayan ang noo'y sikat na kanta ng RADIOHEAD ...
""When you were here before,
Couldn't look you in the eye,
You're just like an angel,
Your skin makes me cry,
You float like a feather,
In a beautiful world,
I wish I was special,
You're so very special.""Kalong ko noon ang bunso namin habang binabasahan ko sya ng kwentong pambata bago sya matulog ng walang ano-ano ay marahan at mahinang kinanta ni bunso yung lullaby na kinakanta sa kanya ng panganay namin (Ilang araw na nyang kinakanta yon, walang pinipiling oras) ...
""May uwi si nanay, sa bahay...
May uwi si nanay sa bahay...""Mula doon, narinig ko ang panganay namin na sumigaw ng napakalakas. Sigaw ng isang taong tila nakakita ng isang kakila-kilabot na pangitain. Nakakagulat man, ngunit mas nakakabigla nang makita ko ang ngiti sa bunso naming kapatid habang namumuti ang mga mata nya. Nakangiti habang patuloy na kinakanta ang lullaby nya.
Nakatitig lang ako sa bunso namin na tila ba ayos lang sya. Nalaman ko na lang na ako'y tila nawalan ng ulirat nang narinig kong sinisigaw ng panganay namin ang pangalan ko. Habang kalong ko ang bunso namin patakbo akong pumunta sa kwarto ng panganay para tignan kung anong nangyari sa kanya at para humingi na rin ng tulong para sa bunso namin. Hindi na ako nakapagsalita nang makapasok ako sa kwarto, hindi ko alam kung anong gagawin ko sa batang nasa mga braso ko... dahil hindi ko rin alam kung sino sya at bakit nya kamukha ang bunso namin.
Pahangos kong pinuntahan ang aparador kung saan nakaratay ang noo'y wala ng buhay na katawan ng aming bunso (Sa pagtakbo ko, nabitawan ko ang bata na nakakalong sakin).
Habang tumatangis ako at halos mawala sa katinuan dahil sa sinapit ng bunso namin, isang kanta ang umalulong sa kwarto ... ""M a y u w i s i n a n a y, s a b a h a y...""
Nilingon ko ang panganay namin at hinanap ng mga mata ko ang batang nakakalong sa aking mga braso, ngunit hindi ko sya makita.
Lumipas ang ilang araw, naihimlay na ang bunso namin. Simula nung insidenteng iyon, hindi na nagsalita ang panganay namin. Tila sya tulala at walang laman ang mga mata.
Sabi sa post mortem, tatlong araw ng patay si bunso nang sya ay makita. Sa tatlong araw na iyon, kasama ko sya laging kumain, matulog, maglaro, mamasyal. Sa pagkakatanda ko ay hindi sya nalingat sa aking paningin.
Sa tatlong araw na iyon, bakit hindi ko nalaman ang totoo? Bakit walang bakas? Sa ngayon, masasabi kong nakaraos na kami sa trahedyang yon, maliban sa panganay namin. Paminsan-minsan kapag nagsasalita sya, ito ang madalas nyang sinasabi:
""Bunso, sorry na... kantahan na lang kita ..""
Burigadang Pada Sinaklang Bulawan
BINABASA MO ANG
Scary Stories 1
HorrorThe stories you're about to read are not mine. These are all from the popular Facebook page "Spookify". Enjoy reading! 😊 ciao /sheree