Dormitoryo II : Ang Pagpapatuloy

315 1 0
                                    


Hi, Spookify! Si Donna ulit ito. Nais kong ibahagi ang karugtong ng kwentong kababalaghan na aking naranasan sa Dormitoryo. Here it goes. Sa kabila ng takot at agam agam ay hindi pa rin ako umalis sa tinutuluyan ko partikular na sa Hall B. Aaminin kong sa mga unang araw buhat ng mangyari yun ay halos hindi ako makatulog sa kaiisip sa kababalaghang aking naranasan. Tila sirang plaka na paulit ulit na bumabalik sa isip ko ang mga pangyayari. Sinubukan kong mag imbestiga tungkol sa kasaysayan ng dormitoryo ng aming unibersidad ngunit nabigo lamang ako. Tikom ang bibig ng mga nangangasiwa ng dormitoryo na tila ba ayaw nilang mabahiran ng takot at pag aalala ang mga nakatira doon. Naiintindihan ko naman ang kanilang punto dahil alam kong pinoprotektahan lamang nila ang kredibilidad ng dormitoryo at lalong lalo na ang unibersidad namin. Tiyak na wala ng magdodormitoryo kapag nalaman ng mga tao na may mga kababalaghang nangyayari sa loob. Ibinahagi ko na rin ang karanasan ko kay Jean at sa ilang kaibigan ko sa hall namin. Halos lahat sila ay natakot sa nalaman. Pagkatapos ng unang semestre ay dalawa sa mga kasama namin ang umalis at lumipat sa boarding house. Hindi man nila aminin ang tunay na dahilan ay alam kong ang mga kababalaghang nangyayari sa loob ng dormitoryo ang rason ng kanilang pag alis. Lumipas ang mga buwan na wala na akong naranasang kakaiba kahit halos araw-araw kami ni Jean na umuuwing hatinggabi o kaya'y madaling araw kung umaalis para mag training dahil officer kami sa ROTC. Napanatag na ang loob ko at nawaglit na sa isip ko ang kababalaghang nangyari sa akin. Naging abala na ako sa pag-aaral at hindi ko namalayan na nasa ikatlong taon na ako sa kolehiyo. Semestral break na at halos lahat ng estudyante sa buong dormitoryo ay umuwi para magbakasyon. Kami ni Jean ay nandoon pa rin dahil may mga proyekto pa kami sa ilang subjects namin na kailangang tapusin. Abala din kami bilang officer sa ROTC. Katulad ng kadalasang nangyayari sa tuwing kami ay nag eensayo sa ROTC ay hatinggabi na naman kami natapos. Masayang nag uusap pa kaming dalawa habang naglalakad pauwi sa dormitoryo at tanging ang malamlam na ilaw sa poste ang tanglaw sa aming paglalakad. Nakasalubong pa namin ang guwardiyang nagroronda sa loob ng unibersidad. Hindi namin alam na ang ordinaryong gabi palang yun ay mababahiran ng kababalaghan at katatakutan. Bago makarating sa dormitoryo namin ay madadaanan muna ang Faculty and Staff dormitory at Auditorium. Patuloy kami sa pag uusap ni Jean at pagtatawanan. Nabitin ang pagsasalita ko ng maramdaman kong tumigil si Jean sa paghakbang. Nilingon ko siya. Imahinasyon ko lang ba o marahil ay epekto ng malamlam na liwanag kaya't parang maputla at halos wala ng kulay ang mukha ng kaibigan ko. Hinawakan ko siya sa balikat at niyugyog. Tila biglang natauhan si Jean at kumurap ngunit nanatiling walang kulay ang kanyang mukha. Nilingon niya ako. Kinabahan akong bigla ng magtama ang mga mata namin. Sa akin ay pagtataka samantalang may kakaibang emosyon akong nakitang nakiraan sa mga mata niya---takot. Sa nanginginig na kamay ay may itinuro siya sa harap namin kaya lumingon ako. Ilang metro buhat sa kinatatayuan namin ay may nakita akong babaeng nakatayo sa mismong tapat ng dormitoryo namin. Nakatalikod ang babae at tanging ang mahaba niyang buhok ang napansin ko dahil medyo madilim sa lugar na kinatatayuan namin. Hindi ko maipaliwanag kung bakit biglang pumasok sa isip ko ang babaeng nakita ko sa repleksiyon ng salamin sa hall namin. Tila may malamig na hangin na humaplos sa braso ko kaya napatingin ako kay Jean. Kahit kinakabahan ay pilit kong nilalabanan ang takot na aking nararamdaman. Sa mahinang boses ay sinabi kong baka si Sunny yun. Ang tinutukoy ko ay ang kaibigan ko sa Hall A na mahilig tumambay sa labas ng dormitoryo dahil palaging may kausap sa cellphone. Umiling lang si Jean at hinila ang kamay ko. Para maliwanagan kami kung sino ang babaeng nakatayo sa harap ng dormitoryo ay niyaya ko si Jean na lapitan namin. Tigas sa pag iling ang kaibigan ko at halos hindi bitawan ang kamay kong hawak niya. Natigil ang paghihilahan naming magkaibigan ng makarinig kami pareho ng tila mabigat na bagay na hinihila. Parang tunog ng bakal na sinasabayan ng mahinang paghikbi. Sa paglingon namin sa aming harap ay halos mawalan kami pareho ng ulirat sa aming nakita. Naglalakad ang babae papasok sa loob ng dormitoryo habang may kadenang nakatali sa mga paa niya na siyang pinagmumulan ng naririnig naming ingay. Sa aming pagkagulat ay bigla siyang tumagos papasok sa loob ng dumaan siya sa salaming pinto ng dormitoryo. Daig pa naming dalawa ang namatanda at halos hindi namin maigalaw ang aming mga sarili. Nanlalamig ang pakiramdam ko at ayaw tanggapin ng isip ko ang nakitang kababalaghan. Nagulat pa kami pareho ng tumunog ang cellphone ko na tila isang hudyat. Nagkatinginan kami ni Jean sabay karipas ng takbo pabalik sa pinanggalingan namin. Palayo sa dormitoryo. May susi si Jean sa ROTC headquarters kaya doon kami nagpalipas ng gabi. Pareho kaming tulala at hindi makatulog. Ngunit tila nagkasundo kaming dalawa na huwag ng pag-usapan pa ang aming nasaksihan. Tahimik na lamang kaming nagdasal habang hinihintay ang umaga. Nabuhay muli ang tanong sa isip ko. Sino ang babaeng nakita namin? Anong misteryo ang bumabalot sa dormitoryo na nagsisilbing pangalawang tahanan namin? ~Donna  

Scary Stories 1Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon