Hi po! First time ko pong magsheshare ng creepy experience dito sana po magustuhan nyo. Tungkol po ito sa story ng mama ko nung pinagbubuntis nya pa lang ako. Nakatira pa kami noon sa Gma, Cavite dahil doon kami narelocate galing Maynila. Tabi-tabi ang mga bahay at may sabi-sabi doon na tapunan daw yon madalas ng mga nasasalvage or mga napapatay kasi madalas may nakikita sa lugar na yon.
Masipag si mama, kahit pitong buwan na yung tiyan nya ay pinili nya pa rin maglako ng mga merienda at kakanin sa lugar namin. Sa kagustuhan nyang makatulong kay papa (Paluwas luwas kasi si papa sa manila kaya sya nagtitinda) ay wala na rin nagawa si papa para kumontra pa sa gusto nya. Araw-araw yon, bitbit nya yung basket nya ng mga merienda at kakanin nililibot nya yung lugar para mapaubos yung paninda nya. Kung minsan inaabot na sya ng hapon sa pag uwi. Hanggang sa may nakapansin sa kanyang kapitbahay, tinanong kung kelan ang kapanganakan nya dahil ang baba daw ng tiyan, baka gusto nyang magpahilot. Naisip ni mama baka tama yung kapitbahay kasi masyado syang pagod kakatinda nya. Wala naman daw masama kung magpahilot. At ayun nga, pumayag si mama magpahilot pero bago nya gawin yun, pinaalalahanan na sya ng kapitbahay namin na mag ingat kasi may balita daw sa lugar nila na may isa sa mga manghihilot dun ay aswang.
So ayun nga, nakahanap na si mama ng manghihilot sa kanya (Di ko alam kung pano). Ang itsura ay matandang babae daw na puti ang buhok pero ang pinagtataka nya bakit malaki ang katawan, yung parang panlalaki ang katawan tsaka may tattoo (Napaisip ako baka may abs at malaki ang mga muscles. Hahaha! Jk). Pagabi na nang dumating yung manghihilot. Si papa, nanunuod ng tv. Bale ang pwesto ng higa nila ni mama ay nakahiga sa isang papag pero magkalayo kasi hihilutin si mama. Pinapasok na ni mama yung manghihilot, hindi daw yun tumitingin ng diretso, palaging nakayuko kahit nakakikipag usap. Hindi na lang pinansin ni mama kaya pumwesto na sya para hilutin.
Nag umpisa na yung manghihilot, nagpahid ng langis sa tiyan ni mama, saka nya hinilot. Hindi daw yun umiimik kung di pa kakausapin ni mama. Hanggang sa ilang minuto na sya siguro na himas ng himas sa tiyan ni mama ay sya naman din daw padiin ng padiin ng pwersa nung paghimas. Tumagal pa yon siguro ng sampung minuto pero hindi na kaya ni mama kasi madiin na madiin na daw, para bang pinanggigigilan na. "Aray ko!! Aray ko!! Tama na po sumasakit na yung tiyan ko" sabi ni mama. Biglang nagulat daw yung matanda, yun para bang nahimasmasan. Pinatigil na ni mama kasi di nya kaya yung sakit. Si papa na nagbigay ng bayad at nagpasalamat sa manghihilot.
Hanggang sa kinagabihan, oras na ng tulog nila mama. Hindi sya mapakali, pabali balikwas daw sya sa higaan at pinagpapawisan ng malamig. Si papa malalim na ang tulog, tinutok ni mama yung electric fan sa kanya para antukin kaya nakatulog sya. Maya maya, bigla syang naalimpungatan kasabay non yung biglang pagaspas ng malaking pakpak sa bubong. Tatlong beses daw, hindi sya sa manok kasi malakas, parang malaking ibon na sinundan naman ng tatlong malalaking hakbang sa bubong sabay nawala. Ginising nya si papa sa takot nya kaya binantayan sya magdamag. Kinutuban na sila na may kinalaman yon sa manghihilot.
Kinaumagahan, habang nag aalmusal sila mama, sinugod naman sa ospital yung kapitbahay naming buntis dahil nakunan daw. Ang kwento ng kapitbahay naming buntis ay naiinitan daw sya kaya pumwesto sya malapit sa pinto kinagabihan. Pinabuksan nya daw ng bahagya yung pinto nang biglang may bumagsak daw sa tiyan nya na di naman ganon kabigat na bagay. Di daw nya alam kung ano yon basta parang tumalbog daw sa tiyan nya. Nung nailabas na yung bata sa tiyan nya, wala daw baga at atay. Dun na sila nag isip na inaswang sila ni mama ng sabay nung gabing yon. Simula ng mangyari yun, hindi na nagpakita kila mama yung manghihilot na yun. Naisip ko tuloy kung hindi nagising si mama, hindi ko sana maisheshare to. Haha! Btw, hindi pala to ang unang beses na nakaencounter si mama ng aswang, yung sa kuya ko saka ko na isheshare kapag naipost na to.
BINABASA MO ANG
Scary Stories 1
HorrorThe stories you're about to read are not mine. These are all from the popular Facebook page "Spookify". Enjoy reading! 😊 ciao /sheree