Lalaking Nakatuwad

521 7 0
                                    


"Skeptic ako pagdating sa kwentong multo, aswang at kung ano pang kababalaghan... noon yun. Hanggang nangyari sa akin Ito.

Umalis ako sa Caloocan at tumira dito sa isang Agricultural Land noong 2005. Dahil laki ako sa mataong lugar, sanay akong lumabas kahit gabi na. Minsan sa aking pagpapahangin sa labas ng aking tinitirhan, nakaamoy ako ng malansa... parang hasang ng isda na medyo nabubulok na. Iniisip ko na lang na patay na hayop sa ilalim ng manggahan na malapit lang sa bahay.
Kinabukasan, pagbili ko sa tindahan, naguumpukan ang mga matatanda, pinaguusapan nila yung amoy na iyon, bumili ako ng sofdrinks at tumambay saglit para makinig sa usapan nila... pero hindi ako nakisali. Ayon sa narinig ko sa kanila, ang masangsang na amoy daw na iyon ay senyales na may aswang sa paligid.
Natawa lang ako, at nahalata ng isang matanda, at sinita ako kasi mukha daw hindi ako naniniwala. Tinanong nila ako kung sino ako at saan ako nakatira. Sa bandang huli, pinaalalahanan na mag-ingat daw ako lalo na sa gabi at dumadaan pa naman daw ako sa lilim ng manggahan papauwi. Sabi kase nila, yung aswang daw ay sa manggahan lagi nakikita.
Isa itong lalaki. Nag-aanyong baboy o aso at madalas sa manggahan tumatakbo.

Hindi ko sila sineryoso.

Minsan, pumunta ako sa Sentro ng Bayan para mag computer. Ginabi ako ng uwi. Mga 10pm kasi inabutan ako ng last trip papunta doon sa bario na tinitirhan ko.

Maliwanag ang buwan, katatapos lang mag-Pasko noon, malamig ang simoy ng hangin, tanging tunog lang ng sapatos ko na tumatama sa mga bulok na dahon ng mangga ang naririnig ko. Nasa kalagitnaan ng 5 hectares na Mango Orchard ang tinitirahan ko. Malamig, maliwanag ang buwan, ako lang mag-isa sa daan, dumagdag pa ang mga puno ng mangga, perpektong setting sa isang horror film.
Dahil kumpleto na ang elements to look creepy... seryoso 'to... naamoy ko uli yung hindi maipaliwanag na amoy.
Aaminin ko, natakot talaga ako dahil nakarinig ako ng malakas na tunog ng mga bulok na dahon sa lupa na para bang may tumakbo sa ibabaw nito.
Bumalik sa isip ko yung kwentuhan sa tindahan. Binilisan ko ang lakad ko.
Parang napakalayo ng lalakarin kapag natatakot ka. Kabado na baka biglang sumulpot sa harapan ko yung kung anomang tinutukoy nung mga matatanda. Sa sobrang kaba ko siguro, nagsalita na ako...
medyo malakas kong sinabi...
"" Alam kong matagal mo na akong tinatanaw mula dito sa manggahan, kasi lagi kong naaamoy yung baho mo mula sa bahay. Kaya nga lagi akong nakahanda sakaling magpakita ka sa akin. Sabi nila manong, lalaki ka daw, siguro naman tatagos sa katawan mo itong bala ng baril ko, (sabay pasok ng kamay ko sa bag kahit wala naman talaga akong baril.)

Nung malapit na ako sa bahay, bumukas ang ilaw sa balkonahe, lumabas ang kasambahay. At sabi naririnig nya nga daw n may nagsasalita sa labas kaya binuksan at lumabas na sya. Sabi ko baka ako lang yung narinig nya kase 'kumakanta' ako habang naglalakad s manggahan.

Hindi ako makatulog nung gabing iyon, nawala na yung takot na naramdaman ko kanina pero iniisip ko pa rin kung ano talaga yung nangyari at yung narinig kong yabag sa manggahan.

Nagpahangin ako muli sa balkonahe, dahil maliwanag ang buwan, kahit papaano, naaninag ko ang ilalim ng mga mangga. Malinaw pa sa alaala ko yung Figure ng Tao na nakatayo at nakatitig sa akin mula sa hindi kalayuan. Pinagmasdan ko din yung hugis taong anino o figure na yun hanggang para syang tumuwad at naglakad gamit ang mga kamay at paa patungo sa madilim na bahagi ng manggahan.

Ang weird ng gabing iyon.
Kinabukasan pinalagyan ko ng tig-iisang ilaw ang mga manggang madaraanan patungong bahay.
Ayaw ko na kasing maramdaman yung sobrang takot na naramdaman ko nung gabing iyon.

Akala ko dun na matatapos yung mga bagay na iyon.
Hindi pa pala."

Ronald Fisher
Bulacan

Scary Stories 1Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon