Hi Spookify! Si Donna ito, yung sender ng kwento ni Jayson. May ibabahagi ulit akong kwento na nangyari noong ako'y nasa kolehiyo pa. Here it goes. Unang taon ko sa kolehiyo kaya sobrang saya ko dahil may panibagong karanasan at kaalaman na naman na madadagdag sa aking buhay. Ngunit ang kasiyahang nararamdaman ko'y may halong lungkot dahil sa unang pagkakataon ay mapapalayo ako sa pamilya ko. Medyo may kalayuan ang aming bahay sa unibersidad na papasukan ko kaya naisipan ng mga magulang ko na ako'y mag dormitoryo. Nag aalangan man at nalulungkot ako noong una'y pinilit kong intindihin dahil mas makakatipid ako sa pamasahe at hindi pa ako mahihirapan sa pagpasok dahil nasa loob lang ng unibersidad ang dormitoryo. Ngunit hindi ko pala alam na may naghihintay sa aking kababalaghan sa bago kong tirahan. May apat na hall ang dalawang palapag na gusali ng female dormitory at sa Hall B ako pansamantalang titira. Sa bawat hall ay may sampung double deck na higaan kaya bale dalawampung katao ang kasya sa loob ng bawat hall. Kabubukas pa lamang ng school year kaya hindi pa puno ang bawat hall ng estudyante. Unang linggo ko sa dormitoryo at may mga bago na akong kakilala. Isa si Jean sa mga bago kong naging kaibigan dahil magkatabi ang bed namin at magkaklase pa kami sa isang subject. BS Biology ang kurso niya samantalang AB in Political Science naman ang kinuha ko. Kakilala din niya ang kaibigan kong si Sel na kapatid ng kababata kong si Jayson. Pumasok din kami pareho sa ROTC bilang officer kaya mas lalong naging malapit kami sa isa't isa. Simula ng pumasok kami sa ROTC ay palagi na kaming ginagabi pag uwi lalo na tuwing Sabado dahil nag eensayo kami. Pagkatapos ng klase namin ay deretso na kami sa headquarters. Nagpapasalamat naman ako dahil may kasabay na ako sa pag uwi sa katauhan ni Jean. Hindi ko lang maamin sa sarili ko pero may mga nararamdaman akong kakaiba lalo na kapag nandoon ako sa dormitoryo. Tila kaybigat ng pakiramdam ko. May mga kasamahan ako sa hall namin na nagkukuwento ng mga nakakatakot na karanasan nila dahil medyo matagal na din silang nakatira doon. Hindi naman ako matatakutin ngunit tila kakaiba ang nararamdaman ko sa loob ng dormitoryo. Tila kaylungkot ng paligid kahit may mga taong paroo't parito. Sa totoo lang ay naniniwala ako na may mga bagay dito sa mundo na hindi natin maipaliwanag at mabigyan ng sagot. Tulad ng mga multo at kwentong kababalaghan na kahit ang siyensya ay hindi maturol. Halos dalawang buwan na akong nakatira sa dormitoryo ng maranasan ko ang mga dati'y naririnig ko lamang na kwento ng mga kasama ko sa hall namin. Weekly ako kung umuwi sa bahay namin para makatipid sa pamasahe at para na rin kumuha ng supply para sa buong linggo. Nang araw na yun ay hindi ako nakauwi dahil may training kami at hatinggabi na natapos. Hindi ko kasabay si Jean dahil may pinuntahan siyang okasyon. Pagod na pagod ako dahil medyo hectic ang training namin sa ROTC. Malapit na kasi ang regional fiesta ni Nuestra Señora de Peñafrancia at sasali kami sa Military parade. Halos hilahin ko na lang ang mga paa ko at gustong gusto ko ng ibagsak ang katawan ko sa higaan sa pagod. Pagpasok ko sa hall namin ay deretso agad ako sa bed ko at ni hindi ko tiningnan ang paligid ko dahil hindi ko na maidilat ang mga mata ko sa antok. Sa gilid ng mga mata ko ay nakita kong may nakaupo sa may bed malapit sa bintana, tatlong bed buhat sa higaan ko. Lihim akong nagpasalamat dahil may kasama ako sa gabing yun. Araw ng Sabado kaya halos lahat ng mga kasama ko sa hall namin ay umuwi. Halos hindi pa ako natatagalang makatulog at unti unti palang nilalamon ang aking diwa ng maramdaman kong umuga ang higaan ko kaya napadilat ako. Sinalubong ang mga mata ko ng karimlan. Nagtaka ako dahil hindi ko maalalang pinatay ko ang ilaw. Nakiramdam ulit ako. Nang mabingi ako sa katahimikan ay pinilit kong pumikit. Tila nakakalokong muling umuga ang higaan ko na tila niyuyugyog. Mas malakas. "Lumindol ba?" tanong ko sa sarili. Bumangon ako at nagdasal. Luminga linga ako at pilit kong inaaninag ang paligid ng higaan ko pero wala akong makita. Tanging maliit na sinag ng liwanag na nagmumula sa poste ng ilaw sa labas ang nagbibigay tanglaw sa loob ng hall namin. Tumatama ang repleksiyon ng ilaw sa bintana. Tinawag ko si Hazel dahil siya ang alam kong kasama ko sa hall namin. Siya yung nakita ko na nakaupo sa may bed malapit sa bintana bago ako matulog. Nakapag adjust na ang mga mata ko sa dilim kaya't naaninag ko na tila may bulto ng babae na nakaupo sa bed niya kaya naisip ko na baka nagising din siya. Pinakiusapan ko siyang pindutin yung switch ng ilaw dahil siya ang mas malapit doon. Hindi nagtagal ay bumaha ang liwanag sa hall namin at sinalubong ang paningin ko ng mga bakanteng bed na maayos ang pagkakatupi ng mga kumot at unan. Malinis na malinis. Ngunit hindi ako maaaring magkamali, may nakita akong tao na nakaupo sa may bed ni Hazel. Siya pa nga ang nagsindi ng ilaw. Anong nangyari? Nasaan siya? Ang daming tanong na nagsalimbayan sa isip ko. Tila naman pelikula na biglang nag play sa alaala ko ang mga kwento ng mga kasama ko sa hall namin, partikular yung kwento ng babaeng nagmumulto sa dormitoryo. Biglang nanayo ang mga mga balahibo ko sa batok lalo na ng sa paglingon ko ay may nakita akong repleksiyon ng isang babaeng nakaitim sa malaking salamin sa dingding. Napakurap ako. Nararamdaman kong may malamig na pawis na gumigiti sa noo ko. Hindi ako makasigaw dahil tiyak na magigising ang mga estudyante sa buong dormitoryo. Kahit tila naninigas ang mga paa ko'y pinilit kong tumakbo at lumabas sa hall namin. Lumipat ako sa Hall A at nakiusap na makituloy. Hanggang mag umaga ay gising ako at iniisip ang nangyari. Anong misteryo ang bumabalot sa dormitoryo namin? ~Donna
BINABASA MO ANG
Scary Stories 1
TerrorThe stories you're about to read are not mine. These are all from the popular Facebook page "Spookify". Enjoy reading! 😊 ciao /sheree