Cryptic Girl

602 14 0
                                    


Tama nga yung sabi nila na "You'll never really know someone until you listen." Kaya naiinis talaga ako sa mga taong judge nang judge sa iba na parang alam nila ang lahat pero di naman nakikinig at iniintindi yung side nung hinuhusgahan nila. Sa amin kasi may kumalat na chismis na yung anak daw na babae ng isang pamilya sa pinakagilid ng street namin ay mambabarang at the same time aswang daw. Tapos satanista pa daw at demon daw sya na nagkatawang tao lang. Tawagin nalang natin syang Haden. Pinagsamang Hades at Heaven. Mamaya ko na i-eexplain yan. Ampon kasi sya, yung mga nagpalaki sa kanya parang nilalayo sya sa mga tao kasi hindi pinapalabas ng bahay. Pero yung parents nya mababait naman. Syempre di ako naniwala sa mga pinagsasabi nila. Sa panahon kasi ngayon hindi mo na alam kung sinong paniniwalaan mo. Hindi na sapat na nakikita mo lang, kailangan mo ring makinig at maintindihan.

One time nagtrespass kami ng barkada ko sa tapat ng bahay nila (Pader kasi yun, sa likod nun University na). Dahil nga tapat yun ng bahay nila parang sila na rin ang in charge dun. Naglalakad kasi kami nun ng mga barkada ko sa taas ng pader. Kahit may karatulang "No Trespassing". Sakto namang andun yung tatay nya at si Haden. Sinita kami nung tatay nya. Ang tapang, yung tipong ready ng pumatay tone. Kaya kami nagsitakbuhan pababa. Dun kami sa kabilang side ng pader bumaba, dun sa University. Si Haden nun wala syang pakealam, binuksan nya lang yung gate nung bahay nila at pumasok na sa loob ng bahay na para bang walang nangyayari sa labas. Ako nung mga oras na yun hindi ako sa tatay nya natakot eh, sa kanya. Kinilabutan ako lalo na nung nagtama yung mga mata namin. Ang sama nyang makatingin. Tapos yung isa kong kabarkada si Ryan. Na sya ring leader namin. Nasugatan sa binti dahil dun sa alambre. Dahil nga dali dali kaming bumaba. Syempre ako, alam ko sa sarili kong kasalanan din naman namin kaya yun nangyari. Pero iba ang nasa isip ng mga barkada ko at di sila nakinig sakin.

Kailangan daw naming gumanti dun sa tatay ni Haden sa pamamagitan ni Haden at ako pa ang gagamitin nila para makaganti. Sabi ko kasi sa kanila wag na nilang isumbong na yung tatay ni Haden ang dahilan kaya nasugatan si Ryan. Kasi sa totoo lang kasalanan namin yun. Pumayag naman sila basta daw makipagkaibigan ako kay Haden tapos alamin ko daw yung mga dark secrets nya at ipakalat daw namin. Kung pwede pa nga daw ligawan ko nalang daw at maging kami para mas mapadali. Syempre naasar ako nun kasi unang una bakit ako?! Pangalawa ang sama naman ata nila at naisip nila yun at panghuli, ba't pa nila dinamay si Haden? Nagkamali yata ako nang napiling mga kaibigan. Si Ryan mayaman sila saka masama talaga ugali nyan. Tapos yung parents nya ang daming mga connection at lagot lahat pag may nanakit kay Ryan o napasama si Ryan. Kaya naisip ko lagot talaga yung tatay ni Haden pag nagsumbong si Ryan, at baka kung ano-ano pang kasinungalingan ang sabihin nya para mas mapasama yung tatay ni Haden, lalo na't kakampi nya yung iba nyang barkada. Kaya ayun pumayag ako. Pero syempre may sarili akong plano. Plano para hindi mapasama yung tatay ni Haden at para hindi rin masaktan si Haden.

Mga 1 yun ng hapon. Ang init. Ako lang mag isa nun, sumilong muna ako nun sa isang puno. Tapos paglingon ko bahay pala nila Haden yung napagsilungan ko. Ayun kinilabutan uli ako lalo na't feeling ko may nagmamasid sakin sa kabilang side nung screen door nila. Lalo na nung may gumalaw dun kaya ayun nagmadali nalang ako umalis kahit mainit. Hindi pa ako nakakaalis sa tapat ng bahay nila nung lumabas si Haden. Ayun mas bumilis na naman yung tibok ng puso ko kaya mas binilisan kong maglakad. Medyo malawak kasi yung lupa ng kinatatayuan ng bahay nila kaya medyo matatagalan ka bago makalayo. Nilingon ko pa sya nun, watda sana di nalang pala ako lumingon, ang sama uli ng tingin nya sakin. Kaya nagmadali na talaga ako nun. Nung mga kinagabihan inutusan pa ko ni mama na bumili ng coke sa tindahan kaya sumunod naman ako. Forget to mention na madadaanan ko uli yung bahay nila Haden papuntang tindahan. Dafuq naman (Kinalimutan ko pa kasi ng mga oras na yun yung pinapagawa nila Ryan sakin).

Nung andun na ko naglalakad sa daanan sa gilid ko yung bahay nila. Kinilabutan uli ako kasi isang ilaw lang ang naka on. Tapos nasabi ko nga na maluwag yung bahay nila. Nasa dulo pa. Wala talaga akong matatakbuhan pag nagkataon. Bigla pang namatay yung kaisa isang bukas na ilaw kaya nagulat ako at tumakbo na. Habang papatakbo nakabangga ko pa si Haden na nasa labas pala ng bahay nila. Napaupo sya nun. Kaya no choice ako kundi tulungan syang tumayo at naglakad na uli. "Hoy" tawag nya sakin. Pati yung boses nya ang lamig, parang yung kamay nya. Lumingon ako nun. "Bakit?" tanong ko na di makatingin sa mga mata nya. "Yung bote ng coke naiwan mo" sabi nya at inabot sakin yung bote. Putek talaga na moment. Ayun kinuha ko yung bote "Ako nga pala si Dennis" sabi ko tapos nung narealize ko kung anong katangahan yung sinabi ko. "Ay mali. Wala. Wag mo nang sagutin. Sige na bye" sabi ko at ayun kumaripas na ako nang takbo. Muntanga ko lang talaga. Asar. Ano ba naman kasing connection ng bote ng coke sa pangalan ko?! Maganda naman sya. Pretty creepy. Tapos dumaan yung mga araw di ko pa rin ginagawa yung pinagawa nila Ryan sakin. Kaya pinagbantaan nila ako, no choice ako kundi gumawa na ng hakbang.

"Tao po. Alam kong may tao dito. Haden lumabas ka muna oh?" sabi ko nung nasa tapat ako ng gate nila. Kapal ng mukha ko. Grabe. Binabantayan na kasi ako ng mga barkada ko nun. Nasa paligid lang sila nagmamasid. Saka alam ko namang nasa trabaho parents ni Haden kaya sya lang mag-isa dun. Alam ko namang di nya bubuksan yung pinto kahit nasa loob pa sya. Medyo nastalk ko lang. Kahit nga siguro mamatay man ako sa harap ng gate nila di nya pa rin yun bubuksan. "Haden, sige na oh. May kailangan lang ako" sabi ko. Pero wala pa rin. Hay na ko. Sinenyasan ko sila na wala talaga. Tapos biglang nagring yung phone ko, akala ko si mama kaya tinignan ko agad pero anonymous number pala. Nagdalawang isip pa kong sagutin pero sinagot ko pa rin. "Paalisin mo sila, ngayon na. Hindi ako lalabas hangga't may taong nakamasid sakin" sabi. Kaya tanong ko kung si Haden ba to tapos sya nga. Natanong ko pa kung paano nya nakuha yung number ko tapos sagot nya "I stalked you more than you do". Kinilabutan uli ako nun at agad tinext sila Ryan at salamat naman kasi umalis din sila.

Ilang minutes pa bago binuksan ni Haden yung gate. Bago pa ko tuluyang makapasok nagsalita na sya. "Alam ko ang plano nyo kaya ngayon pa lang itigil nyo na. Wala kayong makukuha sakin" sabi nya. Kaya inexplain ko na hindi ganun yun, na naipit lang ako sa sitwasyon at may mas maganda akong plano. Pero sabi nya kaya nilang ipagtanggol ang tatay nya na sya lang. Hindi nya daw kailangan ang tulong ko. Natanong nya pa kung "Naniniwala ka ba sa sinasabi nila tungkol sakin? Natatakot ka ba sakin?" at lumapit ng konti sakin kaya napaatras ako. Sa lahat nang pwedeng itanong yan pa talaga. "Hindi ah. Hindi" sabi ko. Kalahati nang sinabi ko totoo kalahati hindi. "Dapat matakot ka" sabi nya at naglakad pabalik dun sa pinto ng bahay nila. Sa labas lang kasi kami ng bahay nila nag usap. Hindi ko na alam kung anong sasabihin ko nun kaya "So ano? Pwede na ba akong lumabas?" tanong ko nalang. "Kung makakalabas ka pa" sabi nya na nakahawak dun sa gate at di lumilingon sakin. Kaya nagpanic na ko nun. "Teka?! Anong ibig mong sabihin?" tanong ko at pilit binubuksan yung gate kasi di ko mabuksan. Tae naman talaga.

Hindi sya lumilingon sakin nun at tumawa. Evil Laugh. Kaya natakot na ko nun at naisip na baka totoo nga yung sinasabi nila about sa kanya. Yung evil laugh napalitan ng normal na tawa hanggang maubo na sya at humarap sakin. "Haha uto-uto. Joke lang. Sabi ko na nga ba katulad ka lang din nilang lahat. Sige na umalis ka na at wag ka nang babalik" sabi nya at binuksan na yung gate. Nakahinga na ko ng maluwag nun. "Hindi ako katulad nila. Paano naman ako di matatakot o maniniwala sa sinasabi nila kung pinapakita mo sakin na ganun ka talaga" sabi ko. Ngumiti lang sya sakin. Tapos narealize ko kung gaano kasakit yung sinabi ko sa kanya pero bago pa ko makapagsalita uli, sabi nya. "Hindi ko na kasi kailangang ipaalam o ipaintindi sa buong mundo kung ano ako. Kayo na bahala sa kung anong gusto nyong isipin sakin, ayokong mag aksaya ng oras para jan. Kayo na umintindi. Hindi ko kailangang maintindihan ng lahat lalo na't ako mismo hindi ko maintindihan yung sarili ko. At wag nyong isipin na parents ko ang dahilan kaya hindi ako lumalabas. Ayoko lang talaga sa mga tao" sabi nya at pinalabas na ko ng gate nila. "Sorry" sabi ko pa nun pero sinara nya na yung gate.

Pagkatapos nun. Tinigilan na nila Ryan yung pinagagawa nila sakin kasi tapos na daw yun. May bago na naman kasi silang target.

Pero hindi ako tumigil na magpunta kila Haden para makipagkaibigan. Yung totoo na talaga. Wala nang sapilitan. Yung kahit pinagtatabuyan nya ako at hinahayaan nya lang akong dun sa labas ng gate nila. Kahit napakainit man o napakalamig, di ako nawalan ng pag asa na baka balang araw bubuksan nya uli yung gate na yun at hahayaan akong pumasok sa mundo nya gaya ng dati. I just want to know her better, hear her clearer, understand her deeper and finally find her. Cause she lost herself with darkness and being hated, feared and being unwanted. She's drowned by anger that built her heart as hard as steel that she forgot how to feel.

Gusto ko kasing isapak sa lahat ng mga taong humuhusga sa kanya na mali sila. Maling mali talaga. Oo na hindi ko pa sya lubos na kilala pero hindi rin naman nila sya lubos na kilala eh. Kaya dapat hindi sila ganun. Saka wala silang karapatan. Kasi kung saka sakali mang totoo man ang sinasabi nila about kay Haden, di ba nila naisip na ang swerte nila kasi hindi sila pinapakealaman ni Haden at hinayaan nya lang na ganunin sya. Na kung totoo man ang sinasabi nila, pwede silang mapatay ni Haden at gawing impyerno ang mga buhay nila. Pero hindi nya ginawa.

Dennis

Scary Stories 1Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon