Totoo ngang hindi lahat ng gagawin mo ay magbibigay kasiyahan sa ibang tao. Kung minsan maging sa sarili mo ay wala din dulot na kasiyahan sa halip, kalungkutan at kasawian ang naibibigay ng mga pagpapasiya at pagkilos lalo't wala kang pagpipilian.
Sakripisyo. Iyan sana ang gusto kong pamagat ng ika-apat at pinakahuling yugto ng kwento ko (Marami na kasing mga mambabasa ang hindi natutuwa sa istilo ng pagkukwento ko, dahil dyan, gusto ko sanang hilingin ang oras nyo sa huling pagkakataon - last na promise!). Sakripisyo, iyan naman kasi ang puno't dulo ng lahat ng pangyayari at trahedya sa aming buhay.
Sa kauna-unahang pagkakataon, makalipas ang ilang taon ng pananahimik, nagsalita na rin si kuya. ""Patawad, wala akong nagawa..."" bigla nyang sinabi habang naghahapunan kami nila tito (Umalis na kami sa poder ni nanay pagkatapos pumanaw ni tatay sa ibang bansa sunod sa utos ng aming tito. Dito na kami sa kanya nakatira ngayon kasama ang pamilya nya). Ilang sandaling katahimikan ang bumalot sa buong bahay ng mga sandaling yon. Gusto kong magsalita pero alam kong hindi yon ang tamang pagkakataon. Marami akong tanong na gusto kong masagot. Malaki ang sama ng loob at galit ko na gusto kong ilabas.
Pagkatapos ng hapunan, tinipon kami ni tito sa salas habang pinaakyat nya na ang mga pinsan namin sa kwarto nila (At katulad ng laging nyang ginagawa, nagsindi si tita ng insenso at naglagay ng tubig na may kasamang asin sa tapat ng pinto ng bahay). Nagsimulang magsalita si kuya.
""Ikaw sana yun...""
Noong araw ng birthday ni bunso, ay ang ika-18 na kaarawan ko rin (Ikatlo nyang kaarawan yun). Sabi ni kuya, ilang araw bago yung birthday namin, may dumating na bisita sa bahay (Yun yung babaeng may tattoo sa kaliwang pulso). Isang paalala ang ibinigay at nais sanang iwan kay kuya, ngunit isang kasunduan ang ipinalit ni kuya.
Hindi ko pa rin lubos na maintindihan kung anong meron sa amin pero ayon kay kuya, ako ang pinakahihintay ng buong pamilya. Ang pagsilang ko sa mundo at pagtuntong sa wastong gulang ang matagal ng pinaghahandaan nila (Ng pamilya ni nanay). Dagdag din ni tito, ang totoo daw, lahat naman kaming apat ay inabangan. Nakaligtas si kuya dahil ipinaglaban sya ni nanay (Panganay nya daw kasi). Si diko naman (Na hindi ko nakilala), nakaligtas dahil bata pa lang ay namatay na dahil sa tigdas. Hanggang sa ipinagbuntis ako at tatlong taon bago ang ika-18 na kaarawan ko, si bunso naman ang dumating - pero kahit ganon, hindi nabago ang dapat sana ay magiging kapalaran ko - ang maging isang ""Sakripisyo"".
Sabi ni kuya lahat ay gagawin nya para sakin at kay bunso dahil yun ang bilin ni tatay - ang alagaan kami. Hindi daw pumasok sa isip nya na kailangan nyang mamili kung sino ang ililigtas nya. Iniwan daw sa kanya nung babae yung manika na ibinigay nya kay bunso (Pero wala daw syang intensyon na ibigay talaga yon, sabi pa nya sinubukan daw nya talaga humanap ng ibang paraan).
Hindi na sya ulit nagsalita. Nakatitig lang sya sakin na tila ba naghihintay ng sasabihin ko. Gusto kong magsalita, pero wala akong masabi. Hindi ko kayang tanggapin ang ginawa ni kuya - hindi man nya ipinaliwanag ng maayos, pero alam kong tama ang naisip ko ng mga sandaling iyon - ipinagpalit nya si bunso para sakin.
Yung mga tanong ko sa isip ay tila lalong dumami. Ano ba kami? Ano ba sila nanay? Bakit kami pa? Bakit ako? Bakit si bunso? Paano ako magagalit sa taong nagsalba ng buhay ko? Bakit hindi ako pwedeng magalit sa kanya?
Sa mga nagtataka anong kinalaman ng aparador, walang espesyal sa aparador na yon, sadyang doon lang talaga nakita ang katawan ni bunso. Ginagamit ang aparador na iyon dahil yun lang naman ang nag-iisang aparador sa bahay – nandoon lahat ng damit namin nila bunso (At oo, nagpapalit kami ng damit at naliligo araw-araw). Bakit hindi nangamoy o hindi man lang nakita? Sa puwesto kung saan ko eksaktong kinuha si bunso ay nandoon nakalagay dapat ang kanyang manika – manika na noon ko lang napansin at huli na nang magpatanto ko ay may katulad na damit gaya ng suot ni bunso noong huling araw ko syang nakita.
Anong ikinamatay ni bunso? Sino ang gumawa sa kanya noon? Totoong hindi natin pag-aari ang ating mga buhay, pero mas mahirap pala kung may ibang mamimili ng ating kapalaran lalo pa't may hinihingi itong kapalit – isang sakripisyo, isang alay. Mahirap tanggapin na kailangang may mawala para patuloy kang mabuhay, na may kailangang mapahamak para manatili kang ligtas.
Pagkatapos ng gabing iyon, hindi ko na muling tinangkang kausapin si kuya. Ilang araw ang lumipas bago sya tuluyang nagdesisyon na umalis (Kahit gaano man sya pilitin ni tito na wag umalis, hindi sya nagpapigil). Wala na rin kaming balita sa kanya. Hindi ko na rin sinubukang alamin pa kung anong nangyayari sa kanya. Ayoko. Ayoko na syang makita. Ayoko na silang makita. Kung may pagpipilian lang ako, gusto ko na rin sana mawala pero sa tuwing nakikita yung ragdoll ni bunso hindi maalis sa isip ko na may utang na loob ako sa kanila kaya ako nabuhay – hindi ko man ginusto, hindi ko man hiniling.
Oo, hanggang ngayon nasa akin parin ang ragdoll, yun na lang ang natitirang ala-ala ni bunso, may nakasingit na maliit na picture nya doon sa bulsa (Picture na si kuya ang kumuha at nagpadevelop). Nasa akin din yung mixtape na binackmask ni kuya, doon ko na lang kasi naririnig (Kahit paano) ang boses ni bunso.
Hanggang dyan na lang ang maibabahagi ko.
Burigadang Pada Sinaklang Bulawan
BINABASA MO ANG
Scary Stories 1
HorrorThe stories you're about to read are not mine. These are all from the popular Facebook page "Spookify". Enjoy reading! 😊 ciao /sheree