Cult or Aswang? (Part 2)

434 9 0
                                    


Kitang kita ko kung paano ngumawa sa sobrang takot at pag-aalala ang mga magulang ni Spen. Lalo na ang Lola nito na nagpalaki at nag-aruga rito simula nang sanggol pa sya. Halos lahat ng tao noon sa isla ay tumulong na sa paghahanap. Ginawang grupo ang paghahanap, may mga dala din noon na mga itak, o gulok ang mga kalalakihan para daw kung sakaling makasalubong nila ang kumuha kay Spen ay may panlaban sila. Sinabi na din ng mga albularyo na isang mabisang panlaban sa mga masasamang elemento lalo na sa aswang ay ang ingay na nanggagaling sa mabibigat na bagay tulad ng metal, bakal, o bato. Kaya naman ang lahat ng mga kababaihan noon ay nagbitbit ng mga bagay na pwedeng gawing pang-ingay. Halos sinuyod noon ng mga taga-amin ang buong isla. Mula sa gubat, bundok, at dagat. Pati ang islet o ang maliit na islang nakahiwalay sa isla namin na halos di masyadong dinadayo ng mga tao ay sinuyod. Walang Spen na nakita, pero hindi kami sumuko.

Pasado alas onse nang lahat kaming mga batang magpipinsan ay pinabalik na sa bahay. Nag-aalala na kasi ang lola namin noon dahil malakas ang kutob ng mga matatanda na isang matapang na manananggal ang kumuha kay Spen. At muli daw itong mandadagit kapag may pagkakataon. Sa sala ng bahay namin noon kami inipon na magpipinsan. Nakapalibot kami noon sa isang maliwanag na gasera habang nag-iiyakan sa pag-aalala sa batang naging kapitbahay, kalaro, kaasaran at katawanan namin. Dagdag pa ang takot sa kung sino man ang dumagit dito.

Mag-aalas dose ng gabi nang may marinig kaming malakas na tunog ng pakpak sa taas ng bubungan namin. Nagpulasan kami noon at nag-iyakan ng mga pinsan sa sobrang takot. Dinig na dinig namin ang tunog ng malakas na hampas ng mga pakpak, alam namin na malaking pakpak iyon. Maya-maya pa ay may kung anong parang sinaboy sa bubungan namin. Saglit lang iyon pero malakas at klaro lalo na at wala pang kisame ang bahay namin noon. Tumigil lang kami sa pag-iyak nang nawala na ang kung ano mang lumilipad sa taas ng bubungan namin. At kung ano man ang sinaboy niya ay wala kaming idea.

Pasado ala una ng sakto daw na mapatapat ang dalawa kong binatang pinsan at ang nanay nila sa bahay namin. Sinusuyod nila noon ang mababaw na parte ng dagat kung saan malapit ang bahay namin nang marinig nila ang malakas na hampas ng parang malalapad na pakpak. Halos kumaripas daw noon ng takbo ang isa kong pinsan pero naninigas naman daw ang mga tuhod niya. Dagdag pa daw ang nakakakilabot na pakiramdam, para daw kasing may nakatitig sa kanila. Pero hindi daw sila nagpadala sa takot at pinilit na ituloy ang paghahanap. Nang lumampas daw sila sa bahay namin at napatapat sa malaking puno ng talisay (Kung tawagin sa amin. Malaki siyang puno na may bunga na kapag natuyo ay binibiyak para kunin ang maliit na laman sa loob. Kapag kinain mo ay lasang mani) ay mas lalo daw tumindi ang takot nila na hindi nila mapaliwanag kung bakit.

Hanggang sa nagulat sila nang may marinig na malakas na kalabog. Yung parang may bumagsak daw na kung ano galing sa puno ng talisay. Kaya naman agad daw nilang pinuntahan at hinalughog ang paligid ng puno pero wala daw silang nakita na kung ano. Hanggang sa may narinig na naman silang may bumagsak sa dagat kaya agad na naman daw silang pumunta sa dagat at doon na nila nakita ang duguang katawan ni Spen. Nakadapa ito at hindi na gumagalaw. Sa sobrang takot ay hinimatay ang tita ko na buti na lang nasalo ng isa kong pinsan bago pa man bumagsak sa dagat. Ang isa ko namang pinsan ay natulala daw sa sobrang takot at gulat sa nakita. Nang mahimasmasan ay saka lang nito nagawang sumigaw ng tulong. Pero hindi daw nito nagawang buhatin si Spen mula sa tubig dahil natatakot daw ito.

Unang sumaklolo sa kanila ang Tito ko. Agad daw nitong dinampot si Spen at pinadapa para subukan daw itong i-revive pa kahit pa nga wala na itong pulse at namumutla na. Nagsidatingan na rin kami noon at ang ilan sa mga taga-isla. Nang dumating ang Papa ni Spen ay sinubukan nitong bigyan ng mouth to mouth resuscitation ang bata pero hindi tubig ang lumalabas sa bibig nito kundi dugo at mga insekto. Pati sa tenga at bibig nito ay may lumalabas na dugo at insekto. Nang binuhat nila si Spen para dalhin sa hospital ay biglang nagtunugan ang mga buto nito na para bang nadurog. Nag-iiyakan na kaming lahat noon. Hanggang sa napansin na punong puno ng kalmot ang katawan ni Spen, may parang kagat din ng kung ano sa leeg nito. May malaking sugat din ito sa taas ng tiyan malapit sa puso. Alam na namin noon na wala na talaga si Spen.

Lahat kami noon ay apektadong apektado sa pagkamatay ni Spen. Nalulungkot dahil nawalan ng kaibigan at kalaro. Nang iburol si Spen ay binalot ng kakaibang takot ang buong isla. Alas sais pa lang noon ay wala ng batang gumagala dahil kailangan lahat nasa loob na ng bahay. Baka kasi matulad kay Spen. Marami din noon ang naging spekyulasyon sa totoong ikinamatay ni Spen.

May mga nagsasabi noon na baka daw naalimpungatan si Spen at naglakad papuntang dagat pagkatapos ay nalunod. Pero bakit nakalutang ang katawan si Spen? Kasi kapag nalunod ka daw dapat ay 24 hours bago ka lumutang. At bakit puro dugo na may kasamang mga insekto ang lumalabas sa katawan ni Spen?

May mga nagsasabing kulto raw. Baka raw yung bagong relihiyon ang gumawa noon kay Spen. Inalay daw sa Diyos nila. Pinahirapan ang bata at tinapon ang bangkay sa dagat. Ayaw din naman noon ng pamilya ni Spen na mambintang ng walang ebidensiya.

May mga nagsasabi rin na baka adik na taga labas. Napagtripan ang bata, pinahirapan, tinusok ng kung anong matulis sa leeg. O di kaya baka daw kinaladkad ang bata kaya maraming gasgas o kalmot ang katawan tapos sinaksak ng kung ano ang taas ng tiyan kaya may sugat. Pero kung adik nga, bakit hindi nakita sa dami ng naghanap? At bakit hindi sumigaw si Spen o wala man lang narinig ng kung anong ingay galing sa bata nang kunin ito?

Ang pinaniniwalaan ng lahat ay aswang daw ang may gawa. Iyon din kasi ang sabi ng mga albularyo sa amin. Kinuha daw si Spen ng isang malakas na aswang. Nanlaban daw si Spen kaya marami siyang kalmot sa katawan. Yung kagat naman daw sa leeg ng bata ay kuko ng aswang na bumaon habang pinipigilan si Spen sa pagsigaw. Nadurog daw ang katawan ni Spen dahil sinubukan nitong makawala sa pagkakagapos ng aswang at nahulog ito mula sa malaking punong pinagtataguan ng aswang na naging dahilan ng kamatayan nito. Nang dinampot daw ulit ng aswang ang katawan ni Spen para wakwakin ang tiyan nito at puso ay wala na itong lakas dahil sa ingay sa paligid at sa pilit na pagkontra ng mga albularyo dito sa pamamagitan ng ritual kaya hinulog nito ang katawan ni Spen sa dagat.

Alin man sa ito ang totoo ay di namin alam. Pero iisa lang ang alam namin. Nawalan kami ng kalaro at kaibigan ng panahon na yun. Hanggang ngayon ay hindi pa rin malimot limot ang nangyari kay Spen. Wherever you are Spen, you are not forgotten, and, you will never be.

PS. Yun palang sinaboy sa bubungan ay dugo. Ang sabi nila dugo daw ni Spen. Nakita yun nang sinilip ng isa kong pinsan para malaman kung ano ba daw ang sinaboy ng gabing yun.

Miss Scarred

Scary Stories 1Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon