Hi, Spookify! Si Donna ito. Nais kong ibahagi ang huling parte ng kwentong kababalaghan na aking naranasan sa Dormitoryo. Here it goes.
Dahil sa mga nasaksihan kong kababalaghan at katatakutan ay naisip kong lumipat muna pansamantala sa isang boarding house na nasa paligid lang din ng unibersidad namin. Sang ayon din sa desisyon ko ang panahon dahil pansamantalang isinara ang dormitoryo para sa gagawing renobasyon.
Nasa huling taon na ako sa kolehiyo kaya mas matindi na ang ginagawa kong pag aaral. Halos hindi na kami makahinga sa mga proyekto at pagsusulit na kailangang naming maipasa.
Ang unang semestre ay ginugol ko sa pagtira sa boarding house ngunit bumalik ako sa dormitoryo sa huling semestre ng aking pag aaral.
Malinaw pa rin sa aking balintataw ang mga kababalaghang naranasan ko ngunit ni hindi nito napingasan ang pagmamahal ko sa dormitoryo na sa loob ng halos apat na taon ay naging pangalawang tahanan ko.
Sa muli kong pagbabalik sa dormitoryo ay samu't saring emosyon ang nararamdaman ko. Nanibago din ako dahil maraming bagong mukha ang nadagdag ngunit naroon pa rin naman ang mga dati kong kasama sa Hall B. May mga pagbabago mang naganap sa dormitoryo dahil sa renobasyong ginawa'y tila may isang bagay ang nanatili at hindi nagbago. Ito ay ang katotohanang may kasama kami sa loob ng dormitoryo na siyang ugat sa mga kababalaghang nararanasan namin. Na tila ba'y nakikisaya din dahil sa muling pagbubukas ng dormitoryo.
Kagaya ng dati ay nagpupuyat pa rin ako. Noon pa man ay hating gabi na ako kung matulog dahil mahilig akong magbasa ng mga libro ngunit dahil sa thesis ko na kailangan kong tapusin ay halos magdamag akong gising. Habang himbing na natutulog ang mga kasama ko ay abala naman ako sa pagtipa sa laptop ko. Kailangan kong matapos ang thesis ko dahil malapit na ang final defense namin. Ang buong akala ko'y tapos na ang mga kababalaghan sa loob ng dormitoryo ngunit nagkamali pala ako.
Isang gabi habang naglalaba ako sa lavatory sa may likod ng dormitoryo ay napansin kong may dumaan sa likod ko. Lumingon ako para tingnan ngunit wala akong nakita. Tumigil ako sa paglalaba at nag abang. Sa tantiya ko ay ako na lamang ang gising dahil halos madaling araw na at tulog na ang lahat. Lumipas ang labinlimang minuto ngunit walang taong bumalik kaya nagpasya akong silipin ang shower room. Binuksan ko ang tatlong pinto ngunit wala akong nakitang tao. Umahon ang pagtataka sa isip ko. Saan nagpunta ang taong nakita ko? Kumabog ng malakas ang dibdib ko ng maalala ko ang mga katatakutang naranasan ko dati kaya't kahit hindi pa ako tapos maglaba ay pumasok na ako sa loob na daig pa ang hinahabol.
Sinarili ko muna ang pangyayari dahil ayaw ko ng dagdagan pa ang takot na nararanasan ng mga kasama ko sa Hall B. Hindi rin kasi lingid sa kaalaman nila ang mga katatakutang nagaganap sa dormitoryo. Ang isa sa mga kaibigan ko't kasama sa hall namin na si Antha ay nagkwento din sakin na minsan daw ay hindi siya pinapatulog sa may bed niya. Tila daw may mga naririnig siyang bulong at ingay sa kalaliman ng gabi. Ang buong akala ko ay ako lamang ang nakakarinig ng mga ingay tuwing hatinggabi. Kung kailan tulog na ang lahat ng mga kasama ko sa hall namin ay saka naman ako makakarinig ng mga binubuhat na mga mabibigat na gamit at tila mga naglalaro sa may Hall D sa itaas na siyang katapat ng hall namin. Kinabukasan ay umakyat ako at nagtanong sa itaas kung bakit may naririnig kaming ingay sa hall nila tuwing gabi ngunit tigas sa pagtanggi ang mga nandoon at sinabing tulog na sila ng mga oras na iyon
Sino kung gayon ang may gawa ng ingay na naririnig namin tuwing gabi?
Hindi nakatiis ang isang kaibigan ko sa Hall C na sumabat sa usapan namin at lahat kami'y kinilabutan sa sinabi niya. Ayon sa kanya ay nagising daw siya isang gabi dahil sa narinig niyang ingay ng nakabukas na gripo at tila may naliligo. Bumangon daw siya para silipin kung sino ang naliligo sa dis oras ng gabi. Kumatok siya sa isang cubicle na nakasara ngunit walang sumagot. Itinulak niya pabukas ang pinto at may nakita siyang babae na nakaupo patalikod. Naagaw daw ang atensiyon niya sa suot nito. Kakaiba ang uniporme ng babae kaya nagtaka siya kung paano ito nakapasok sa loob ng dormitoryo. Hindi ito lumingon ng tawagin niya kaya lumapit siya at hinawakan sa balikat ang babae. Sa paglingon nito ay halos panawan daw siya ng ulirat ng makita niya ang babae na walang mukha. Tila ilang minuto daw siyang naparalisa sa takot. Muntik pa siyang madapa ng tumakbo siya palabas. Hindi daw siya makasigaw dahil tila nalulon niya ang kanyang dila.
Nanginginig siya habang nagkukwento at halos hindi rin kami makapagsalita sa narinig namin buhat sa kanya. Tila may malamig na hangin na yumakap sa amin na naging sanhi para magpulasan kami palabas sa dormitoryo. Naglakad akong tila wala sa sarili.
Ngunit lalong tumibay ang kagustuhan kong alamin kung ano ang kasaysayan ng dormitoryo namin dahil sa mga kababalaghang nangyari. Tila naman sagot sa dasal ko ang pagdalaw ng dati kong kaibigan at kasama sa hall namin. Mas nauna siya sakin at matagal ding nanirahan sa dormitoryo. Ibinahagi ko sa kanya ang mga nangyari habang tahimik siyang nakikinig. Nahulog siya sa malalim na pag iisip pagkatapos kong magkwento. At halos hindi ako makahinga sa mga sinabi niya. Ayon sa kanya ay dati daw na ginagamit ng mga estudyante ang dormitoryo bilang classroom. Isinarado lang daw dahil may isang babaeng estudyante ang nagpakamatay sa hindi malamang dahilan. Pagkaraan ng ilang taong pagkakasara ay ipinaayos ng unibersidad at ginawang dormitoryo. Bukod pa doon ay mayroon din daw dating nalunod at namatay doon sa may pond na malapit sa dormitoryo. Masyadong misteryoso ang pond na iyon dahil hindi nabubuhayan ng isda. At may nagsabi din na kaya nagpatayo ng grotto sa may tabi ng pond ay dahil sa mga katatakutang nagaganap doon.
Hindi ko alam kung sila ang may gawa sa mga kababalaghan sa dormitoryo ngunit alam kong nangangailangan sila ng pag unawa at dasal. Anuman ang rason sa pagpaparamdam nila ay alam kong isa lang ang kaya kong gawin at iyon ay ang magdasal. Tahimik kong ipinagdasal ang katahimikan ng kanilang mga kaluluwa. Nawa'y huwag na silang maghasik ng katatakutan sa loob ng dormitoryo.
Ilang taon na din ang nagdaan buhat ng ako'y magtapos sa kolehiyo ay nananatili pa rin sa alaala ko ang mga kababalaghang nangyari sa dormitoryo. Na tila ba ay kahapon lamang naganap.
~Donna
Maligayang pagbabasa at Mabuhay ang Spookify!
Dios mabalos!
BINABASA MO ANG
Scary Stories 1
HorrorThe stories you're about to read are not mine. These are all from the popular Facebook page "Spookify". Enjoy reading! 😊 ciao /sheree