🏰DARYLLE🏰
Dumiretso kami kaagad sa room kung nasaan ang lobo dahil hindi sumasagot si Alex sa tawag ko. Medyo kinabahan lang ako ng kaunti dahil hindi naman siya ganiyan. Kasabay na namin si Cassey na pumunta ro'n. Nakasalubong din namin si Miss Jelai na doon din ang punta. Nagkuwentuhan pa kaming apat nila Sydney. Sila Kendrick at Georgina kasi may meeting, silang mga volleyball players.
Sobrang tahimik sa labas pero hindi na ako nagtaka dahil hindi naman nagsasalita si Alex kung walang tao eh. Sa amin nga lang siya madaldal eh. Pagkabukas na pagkabukas pa lang ng pinto ay pumasok na kami. Nagulat kami ng makita ang lobo, akala namin totoo. Namangha kaming apat dahil malayong-malayo ang hitsura nito sa gawa namin noong una. Nakanganga ang lobo na parang galit na galit talaga. Nanlilisik ang mga mata at may dugo-dugo pa ang ngipin na sumasara at bumubukas. May halulong pa ng lobo kaming naririnig. Ang pinapatungan namin ay natakpan na rin na parang mga damo sa gubat na masukal.
Paano niya nagawa 'to ng mag-isa?
Ang ganda!
"Wow," ani Miss Jelai. Nilapitan niya ang mukhang totoong lobo. Kung bata siguro ang makakakita rito talagang matatakot dahil mukha talagang totoo. "Ang galing," nakangiti siyang lumingon sa amin.
"Ang bongga," sabi ni Sydney. Huminto ang halulong at nakakatakot na huni na naririnig namin at tumigil din ang pagsara't bukas ng bibig nito. Nakita naming lumabas si Alex mula sa likod ng lobo. Sobrang gulo ng buhok niya dahil nakaipit siya pero nakalaglag na ang karamihan ng buhok niya. Nakita kong niligpit niya ang mga gamit.
"Alex ang galing mo," lumapit sa kaniya si Sydney pero natigilan sa 'di ko malaman na dahilan. Dahan-dahang bumalik si Sydney malapit sa amin ni Miss Jelai.
Hahawakan sana ni Miss Jelai ang lobo pero napansin niyang basa pa 'to. "Siguro pwede na natin 'tong ipacheck kay Dean. Dito lang kayo ha? Pupuntahan ko lang si Dean."
"Sige po," nakangiting sagot ko. Hinatid ko pa siya sa may pinto. "Bakit?" Tanong ko kay Sydney ng makalapit ako.
"Bad mood ang Lola mo. Mugto ang mata nag-cry-cry yata." Nagkatinginan kami ni Cassey, tumaas ang kilay niya habang pinagmamasdan si Alex.
"Ha?" Naglakas loob akong lumapit sa kaniya kaya nakita kong magang-maga na ang mata niya. "Lex..." Marahang tawag ko sa kaniya pero hindi niya ako pinansin. Iniwan niya ang paintbrush niya na nakababad sa tubig sa may tabi ng lobo. Nilapag niya rin doon ang mga natirang pintura. "Lex tara kain tayo," yaya ko. "Libre ko..." Tumingin ako kina Sydney dahil nagtatanong ang mga mata niya. Tulad ko, marahil ay nagtataka rin siya kung bakit ganiyan si Alex. Parang bumalik 'yung dating Alex na nakasama namin noong unang linggo ng pasukan. 'Yung hindi nagsasalita at walang pakialam sa mundo, pero mukhang mas malala ngayon. Noon kasi 'pag kinausap siya sumasagot naman kahit tipid lang, ngayon wala talaga maski hi o hello man lang.
"Kain muna tayo bago kayo magpalit," sabi ni Cassey. Uuwi na kasi siya dahil wala na siyang business dito sa school.
"Alex gusto mo ng Hi-Ho?" Tanong ni Sydney pero wala dedma. Kinuha niya lang ang gamit niya at dumiretso na palabas ng room.
"Nag-away ba kayo?" Tanong ni Cassey sa amin. "Bakit hindi siya namamansin?"
"Hindi kami nag-away," sagot ko. Kinuha ko rin ang gamit ko. "Mauna na ako ha? Kayo na lang bahala sa lobo. Sundan ko lang si Alex. Balitaan niyo ako sa sasabihin ni Dean ha?"
BINABASA MO ANG
HIM & I [SEASON 1]
General FictionBuong buhay ni Alex, ang mansiyon na kinalakihan niya ang itinuturing niyang mundo. Kailanman ay hindi niya naranasan ang lumabas at makihalubilo sa tao. Bakit? Dahil takot siya sa mga ito... Para sa kaniya ang mga tao ang pinakamasasamang nilalang...