🏰MARCO🏰
Wala kaming imikan ng ni Ate Marga ng makapasok sa loob. Hindi ko rin alam kung isusumbong niya ba ako o hindi. Basta kapag nagsumbong siya sasabihin ko siya ang nauna. Hindi ko naman siya sasabunutan kung hindi niya ako sinabunutan eh. Sabay kaming pumasok kasunod ang mga silbidora at Royal Guard na nakabantay sa amin. Nag-bow din kaming lahat ng makasalubong namin ang Hari.
"Magandang tanghali po Kamahalan," bati naming lahat. Gano'n din ang ginawa ng mga guwardiya ni Lolo at pati si Lolo Miguel.
"Kamusta ang inyong pagsasanay?" Agad na umakyat ang kaba sa puso ko dahil mukhang mainit ang ulo ng Hari. Isang maling salita lang at patay kaming dalawa. "Ano ang inyong natutunan? Bukod sa pakikipagsabunutan?" Palihim kami nagkatinginan ni Ate at nagsisihan gamit ang nanlilisik naming mga mata.
"Mahal na Hari, si Marco kasi nakaupo sa sahig," pagdadahilan ni Ate.
"Hindi ko tinatanong kung ano ang sanhi ng inyong pag-aaway. Ang tungkol sa pagsasanay niyo ang aking inaalam. Marunong na ba kayong gumamit ng palaso? Ang sabi ni Tres palpak kayong pareho."
"Mahal na Hari hindi siya nagtuturo," buong tapang kong sagot. Napunta sa akin ang tingin nila lalo na ng Hari at ng kanang kamay niyang si Lolo Miguel. "Puro lang siya utos tapos ipapagawa na sa amin ng basta-basta." Nangunot ang noo nilang pareho. Ngayon lang kasi ako nagsumbong dahil hindi ko na matiis. Sawang-sawa na ako sa ginagawa kong paulit-ulit at pabalik-balik pero wala naman akong natututunan.
"Kailan pa?" Tanong ng Hari.
"Simula po noong una Kamahalan ganiyan na siya," sagot ko. Pinandidilatan ako ni Ate Marga ng mata. 'Wag niyang sabihin na ayaw niyang magsumbong?
"Bakit ngayon mo lang sinabi?"
"Dahil... Dahil..." Nangatog ako bigla, parang ang dating kasi 'pag sumagot ako ay ako pa ang masisisi, sa kadahilanang bakit ngayon lang kami nagsabi. "Natatakot po ako Kamahalan."
"Kay Madrigal?" Pagalit niyang tanong. Nakita kong ngumiti ang kapatid ko, gustong-gusto yatang napapagalitan ako. "Kay Madrigal natakot ka? Sa akin hindi?"
"Hindi sa gano'n mahal na Hari," depensa ko. Nilakasan ko ang loob ko dahil mayayari ako 'pag nagkamali na naman ang bibig ko. "Natatakot ako na baka isipin niyong nagpapalusot lang ako, pero totoo ang sinabi ko Lolo. Hindi niya talaga kami tinuturuan."
"Totoo ba?" Nakatingin ng diretso ang Hari kaya nagkatinginan kami dahil hindi namin alam kung sino ang tinatanong niya. "Bakit hindi ka nagsasalita Marga? Wala ka bang bibig? Kanina sumasagot ka kahit hindi naman akma ang sagot mo sa aking tanong. Ngayong hinihingi ko ang paliwanag niyo hinahayaan mo lang ang iyong kapatid ang magsalita para sa 'yo. Ikaw ang panganay hija, ikaw ang dapat magdala sa kaniya dahil nakababata siya sa 'yo." Agad na naglaho ang ngiti sa labi niya at napalitan ng pagkunot ng noo. Kumibot-kibot pa ang labi at pairap na nag-iwas ng tingin. "'Wag kang bumulong! Sabihin mo sa akin ng harapan hindi 'yung dinadali mo ako patalikod!"
Napapikit ako dahil mukhang nagalit na talaga ang Hari. Natigilan lang kami ng biglang bumukas ang pinto. Nahati kami sa dalawang grupo para magbigay daan sa aking ama na tila kararating lamang. Nag-bow ulit kami tanda ng pag-galang sa kaniya habang naglalakad papasok sa Palasyo. Ngumiti siya ng makita ako pero naglaho rin 'yon ng humarap na siya sa Hari at nagbigay galang.
"Kamusta ang iyong lakad Alejandro?" Tanong ng Hari. Malumanay na ang boses niya.
"Maayos naman," sagot ng aking ama.
BINABASA MO ANG
HIM & I [SEASON 1]
General FictionBuong buhay ni Alex, ang mansiyon na kinalakihan niya ang itinuturing niyang mundo. Kailanman ay hindi niya naranasan ang lumabas at makihalubilo sa tao. Bakit? Dahil takot siya sa mga ito... Para sa kaniya ang mga tao ang pinakamasasamang nilalang...