Ang Nagmu-multong Tricycle

118 3 0
                                    

Ito na marahil ang isa sa pinakanakakatakot kong karanasan.

Suma-sideline noon si Mama sa pagdi-dealer ng mga beauty products at minsan ay nautusan nya ako na mag-remit ng kita sa kanyang manager. May kalayuan yung lokasyon ng shop at kailangan pang bumiyahe ng hindi bababa sa 10 minuto sakay ng tricycle.

Dahil medyo hapon na, nagpasama ako sa tiyahin ko. Matanda lang sya sa'kin ng ilang taon kaya magkabarkada kami. Matiwasay naman kaming nakarating sa shop.
Medyo natagalan lang kami doon ng kaunti dahil marami pang inasikaso ang may-ari kaya inabot na kami ng dilim.

Kailangan ulit naming sumakay ng tricycle para makauwi, kaya dumiretso na kaming dalawa sa terminal ng tricycle na di kalayuan sa shop. Pagtapat sa unang tricycle sa pila inalok kami agad ng driver na sumakay na at nang makaalis na agad. Mula sa driver's side ay tanaw ko ang loob ng tricycle kaya nakikita ko na may dalawang sakay na sa loob at isa na lang din ang bakante sa back ride. "Hindi" ang sagot ko sa driver dahil dalawa kami at alam kong di sapat ang bakanteng upuan na tinutukoy nya sa kanyang likuran.
"Sa loob meron pa" pilit ng driver na mapasakay kami. Nakita kong sa loob ay sakay ang isang nursing student base sa suot niyang unipormeng puti na nakaupo malapit sa pintuan at isang malaking lalaki na nakaupo sa may bandang loob. Hindi ko kita ang mukha nito pero alam kong lalaki sya base sa built ng kanyang katawan. Nasabi kong malaki sya kc mula sa pwesto ng driver ay tanaw ko ang tuhod ng "mamang pasahero" sa loob at ang mahahaba nyang biyas.

Hindi ko alam kung bakit napaniwala ako ng driver na may pwesto pa nga sa loob ng tricycle nya at napahinuhod ako na sumakay sa loob. Inutusan ko na lang yung tiyahin ko na sya na ang pumuwesto sa bakante sa likod at ako na ang uupo sa tinutukoy ng driver na bakante sa loob. Pagsampa ko sa loob, hindi ko alam kung bakit alam ko na ngang may lalaki nang nakaupo sa bandang loob eh dun pa din ako umupo. Hindi ko maintindihan ang sarili ko kung bakit. Pag sayad ng puwit ko sa upuan sa loob ng tricycle ay naramdaman kong may lumukob saking malamig na pakiramdam. Gulo pa rin ang isip ko kung bakit dun ako naupo kahit nakita ko na ngang okupado na ito kaya't hindi ko na masyadong napagtuunan ng pansin ang malamig na pakiramdam hanggang sa umandar na ang tricycle.

Ilang minuto lang pagkaalis nito sa terminal ay bumaba na ang katabi kong estudyante at ang katabi ng tiyahin ko sa likod kaya kami na lang dalawa ang natirang pasahero. Hindi na nya piniling lumipat sa loob kasi hindi naman na ganon kalayuan ang itatakbo ng aming byahe.

Habang daan, kapansin-pansin na madilim sa loob ng tricycle. may malaking salamin sa harapang bahagi ng tricycle at maliwanag naman ang kalye mula sa mga ilaw ng Meralco kaya nakapagtataka na wala man lang kahit kaunting ilaw ang nagre-reflect sa salamin o kahit kaunting liwanag man lang na tumanglaw sa loob ng tricycle.

Nakaramdam na ako ng takot pero pinipilit kong maging matapang. Pagdating sa terminal kung saan kami bababa ay agad akong umibis sa tricycle at dagling inabot ang bayad sa driver. Naramdaman ko ang napakalamig na palad ng driver pagsayad ng aking mga daliri para iabot ang aming bayad. Mabilis akong inaya ng tiyahin ko na makaalis agad at ramdam ko ang panginginig nya. Lito sa kanyang reaksyon, nagpahila na lang ako sa kanya palayo.

Wala sa aking hinagap na matinding takot na rin pala ang nararamdaman ng tiyahin ko habang daan sa likod ng tricycle. Sa kanya palang tabi ay ang driver na walang ulo. Ilang hakbang pa ay sinubukan kong lingunin ang tricycle na aming sinakyan. nakakapangilabot ang eksena dahil kitang-kita ko ang paglamon ng dilim sa tricycle na aming sinakyan. Dali-dali kong hinatak ang tiyahin ko at mabilis naming tinakbo ang daan pauwi sa aming bahay.

Hingal, namumutla at pautal-utal naming kinuwento sa mama ko ang nakakapangilabot na pangyayaring ito at nalaman namin na hindi na pala ito bago. Marami na diumano ang nakaranas masakyan ang nagmumultong tricycle na ito. Sinasabi na marahil ay iyon ang tricycle na pinagsakyan sa isang naghihingalong residente ng kabilang subdivision nung isinugod ito sa ospital matapos itong magtangkang magpakamatay. Sa kasamaang palad, hindi na nito inabot ang ospital at tuluyang nalagutan ng hininga sa loob ng tricycle na pinagsakyan dito.

- Shared by jeannie01

Scary Stories 3Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon