NAGMAMADALI si Nadine sa paglalakad sa hallway papunta sa room XLV-7. Ang room na naka-assign para sa art class. Kahit nagmamadali, hindi maiwasan ni Nadine na balikan ang naging pag-uusap nila ni Reema sa cafeteria kanina. Inusisa kasi siya ng kaibigan kung bakit tinanggihan niya ang alok ni Archie na panuorin ang try-out nila sa gym. Ang naisip na irason ni Nadine ay hindi niya kasi makakasama ang kaibigan. Baka ma-out of place lang siya.

"Ano ka ba naman, Nadine!?" Naiinis nang sabi ni Reema. "Hindi ka na bata para samahan pa kita duon sa gym habang pinapanuod mong nagpapapawis ang crush mo."

"Hindi mo naman kasi ako naiintindihan." Ganting tugon naman niya. "Wala akong kakilala dun. Magmumukha lang akong tanga. Kung umo-oo ka sana nung inalok ka ni Archie, hindi magiging mahirap sa akin na pumayag na rin."

"Magkaroon ka na kasi ng sarili mong disposisyon, Nadine." Inis pa ring sabi ni Reema habang sumisipsip ito sa straw sa inorder nitong juice na nasa tetra pack. "Hindi naman kasi puwede na kasama mo na lang ako palagi. May iba din naman akong friends, ano?"

Sinimulang galawin ni Nadine ang inorder nitong glazed doughnut gamit ang tinidor pero mukhang wala namang balak kainin. Halatang malalim na nag-iisip.

"Tingin mo ba, Reema, mali yung ginawa ko?" Tanong niya. "Dapat ba pumayag na lang ako nung niyaya ako ni Archie na manuod sa kanila sa gym?"

Napabuntong-hininga naman ng malalim si Reema bago sumagot. "Wala namang kasing mawawala sa yo kung pumayag ka, e. Saka makikilala mo pa yung mga kaibigan ng crush mo. Posibleng makausap mo pa siya ng personal. Sayang."

Sayang nga, Sabi niya sa sarili. Pero wala na rin namang mangyayari kung manghihinayang pa siya. Nangyari na. Nakalipas na. Ang ikinakatakot lang niya ay ang parang babala sa kanya ni Reema bago sila maghiwalay sa cafeteria.

Baka dahil sa pagtanggi mo kanina. Madala na sa 'yo si Archie. Hindi ka na ulit niya yayain sa susunod.

MEDYO napalakas ata ang pagbukas ni Nadine ng pinto ng XLV-7. Lumangitngit kasi ng malakas ang pinto. Napatigil tuloy sa pagsasalita niya si Propesor Ernesto Hernandez. Pati ang mga makakasama niya sa art class ay napatingin din sa kanya sa biglaan niyang pag-entrada.

"Propesor Ernie, p'wede pa ho ba akong humabol sa klase n'yo?" Parang batang humihingi ng pahintulot sa nakakatanda para maglaro sa labas ng bahay si Nadine.

Sandaling hindi nakapagsalita si Propesor Ernie at nakatingin lang sa kanya. Nakataas pa ang dalawang kamay nito na ang kaliwang kamay ay may hawak na paint brush. Halatang nagambala ito sa ginagawang pagle-lecture. Saka nito kinuha ang sign-up sheet sa isang mesa at pawasiwas na inabot kay Nadine.

"Bakit naman kasi ngayon ka lang dumating? Nagsisimula na kami." May halong paninisi ang tono ni Propesor Ernie.

"Pasensya na po." Halos paanas na paumanhin ni Nadine habang nagmamadaling pinipirmahan ang sign-up sheet.

"Duon ka pumuwesto. Sa may tabi ng bintana." Turo ng propesor sa natitirang bakanteng puwesto pagkakuha sa papel na pinirmahan ni Nadine.

Dali-dali namang pumunta si Nadine sa puwestong itinuro ng propesor at kaagad na inayos ang canvas na gagamitin at naghalo agad ng mga kulay sa paleta.

Marunong naman talagang magpinta si Nadine. Nung bata pa siya ay naturuan siya ng tatay niya na magpinta na may mga dibuhong naitanghal na rin sa mga exhibit. Pero hindi niya talaga hilig ang magpinta. Napasubo lang siya kumbaga sa ginawa niyang alibi kanina kay Archie. Baka naman kasi malaman ni Archie na hindi pala tutoo ang lahat. Na nasabi lang niya iyon kanina para lang matanggihan ang alok nito. Pero bakit ba niya iniisip na sasama ang loob ni Archie pag nalaman nito ang tahasang pagtanggi niya? Baka nga hindi na natatandaan ni Archie na inalok siya nito kanina na manuod sa kanila sa gym.

Halos hindi naman napapansin ni Nadine ang mga panuto ni Propesor Ernie.

"Kung may nakita kayong dent or kupi sa canvas ninyo, huwag kayong mag-alala. Mareremedyuhan nyo yan sa paggamit ninyo ng impasto. Siguro naman kilala nyo na kung sinong sikat na pintor sa buong mundo ang mahilig gumamit ng ganoong pamamaraan sa pagpipinta?" Isang bahagi ng prologo ni Propesor Ernie na sandaling nahagip ni Nadine sa pagitan ng pag-iisip nito sa mga pangyayaring naganap sa kanila ni Archie kanina.

"Vincent Van Gogh!" Sambit ng halos lahat ng nasa loob ng silid na sinundan ng maigsing tawanan.

Itinutok naman ni Nadine ang sarili sa ipinipinta nito sa canvas. Isang mangingisdang nag-a-ahon ng lambat sa ilog ang napili niyang pintahin. Hindi mahilig gumamit ng matitingkad na kulay si Nadine kapag nagpipinta. Isang bagay na ipinagtataka rin niya mismo dahil kababae niyang tao ay madalas na earth tones ang ginagamit niya kapag nagpipinta or gumuguhit.

Napansin niyang panay ang tingin sa kanya ng isang lalaki na kasama niya sa art class. Kilala niya ang lalaki. Si Giovanni Panganiban. Nakasama na niya ito sa ilang subjects na pinasukan. At sa lahat ng subjects na iyon ay panay ang papansin sa kanya ng lalaki na talagang ikinaiirita niya.

Tulad ngayon. Nakita niyang isang babae (o isang diwata) na nakahubad habang nakalatag ang katawan sa damuhan ang napili nitong pintahin. At ang brotsang gamit nito ay nakatutok sa maselang parte ng babae habang nakangisi sa kanya. Binigyan ito ni Nadine ng napakatalim na tingin saka nito itinutok ulit ang tingin sa sariling canvas na pinipintahan.

Pinakatatagong Lihim (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon