Agad namang nakita ni Archie ang taong sadya sa silid-aklatan. Nag-iisa lang si Nadine sa inuupuan nitong mesa habang nagbabasa ng nobela ni Joyce Carol Oates na may titulo na The Gravedigger's Daughter. Paminsang-minsan tumitingin ito sa cellphone na nakalapag malapit sa kanya, marahil para tingnan kung nag-text na si Reema tungkol sa progreso ng ginagawa nitong rehearsal.
Kaagad namang lumikha ng komosyon ang presensya ni Archie sa loob ng silid-aklatan. Lalo na sa mga kababaihan na nakakita sa kaniya. Nagbulungan sa isa't-isa ang mga ito pagkakita kay Archie, ang ilan ay halatang kinikilig.
Nahalata naman agad ng librarian na si Ms. Rhoda Capistrano ang pag-ingay sa loob ng silid-aklatan. Mabilis nitong pinaghahampas ang maliit na batingaw na nakapuwesto malapit sa mesa niya. Agad naman nanahimik ang mga tao sa loob ng library at balik sa kani-kaniyang kaabalahan. Pero napansin ni Archie na sa kabila nang naging pagkakaingay ng mga tao sa loob ng silid-aklatan ay ni hindi man lang nag-angat ng tingin mula sa binabasang libro si Nadine. Parang tutok-tutok ito sa istoryang binabasa na hindi nito pansin ang nangyayari sa paligid niya.
O, maaari ring napansin na siya nito bago magkaroon ng komosyon at pinili nitong ipagwalang-anuman na naroroon siya sa pagkukunwaring hindi siya nito napansin.
Nakita niyang masama ang tingin sa kanya ni Ms. Capistrano na parang sa kanya sinisisi na muntik nang magkagulo sa loob ng silid-aklatan.
"Titingin lang ho ako ng libro." Naisip na lang niyang sabihin saka tumungo sa isa sa mga istante at basta na lang kumuha ng libro.
Atubili pa si Archie kung paano pa lalapitan si Nadine. Nang makaisip na ito ng suwabeng paraan, tumayo ito sa may bandang likuran ni Nadine saka sinadyang tumikhim ng malakas.
Pakapalan na lang ng mukha...
Nag-angat naman ng tingin sa kanya si Nadine. At sa sandaling nagkasalubong ang mga mata nila, kaagad nakaramdam ng kabog sa dibdib si Archie. Matagal na siyang nagagandahan sa mga mata ni Nadine, pero kakaiba pala pag malapitan mo itong nakikita. Ngayon niya napatotohanan ang idiomatic expression na "to drown in her eyes", dahil pakiramdam niya ay literal siyang malulunod sa napakaganda at mabilog na mga mata ni Nadine.
At sa saglit na pagtatama ng kanilang paningin, nakita niya mula sa mga mata ni Nadine ang kasabikan nitong makita siya. Ang pag-aliwalas ng mukha nito nang makita siyang nakatayo sa harapan nito. O, hindi kaya namamalikmata lamang siya? Dahil kaagad nagbaba ng tingin si Nadine at itinutok ulit ang mga mata sa librong binabasa. Parang may bigla itong ikinatakot na hindi niya maintindihan. Nakaramdam tuloy ng pagkalito si Archie.
"Ikaw pala..." Parang nahihiyang sabi ni Nadine na hindi tumitingin sa kanya.
"Mukhang may iba kang inaasahan na makita, ah?" Nanunukso ang boses na sabi ni Archie.
Napansin ni Archie na namula agad ang mukha ni Nadine sa simpleng panunukso niya. "Ha? Wala. Sino naman ang aantayin ko e wala naman akong boyfriend."
Nangiti naman si Archie sa isinagot ni Nadine saka sabay hila ng upuan. "Tabi ako sa 'yo, ha?"
Hindi na nakuha pang tumanggi ni Nadine.
Nagulat naman si Archie pagtingin sa librong kinuha niya. Paano naman kasi cooking book ni Heny Sison ang nakuha pala niyang libro. Pagtingin ni Archie kay Nadine ay tutop nito ang bibig pero halatang sa kanya ito natatawa dahil napapasulyap ito ng tingin sa librong hawak-hawak niya.
"So, pinagtatawanan mo na ako ngayon?" Nakangiting usig niya kay Nadine.
Hindi na itinago ni Nadine ang pagtawa niya. Pagtawa na pakiwari ni Archie ay may kahalong kilig. "Sino ba naman kasi ang hindi matutuwa sa 'yo? Sa dami ng mga libro dito, 'yang cookbook pa ang napili mong kunin."
"Bakit? Porke't ba lalaki ako hindi na ako mahilig sa pagluluto...," Sabi naman ni Archie sabay tingin sa pabalat ng librong hawak. Makikita sa front cover ng cookbook ang napakagandang litrato ng marjolaine na napapalibutan pa ng rose petals at strawberries. "...at baking." Pagtatapos ni Archie.
Natawa ulit si Nadine. Pero imbis na kamay, ang nakabuklat na libro ang ginamit sa pagtakip sa bibig. Larawan ng isang babaing mahinhin at konserbatibo. Mga katangian na labis na hinahangaan ni Archie sa kaharap.
"Nadine, I'll cut to the chase." Nagseryoso na si Archie para maipabatid na ang balak. "Kaya kita pinuntahan dito para imbitahan ka sana na manuod ng laro ng Falcon Crest Team sa North Samaritan College. Sana naman, this time, hindi ka na tumanggi."
Hindi pa natatapos magsalita ni Archie ay biglang napatulala sa kanya si Nadine at wala sa loob na naitiklop nito ang binabasang libro. "Alam mo ang pangalan ko?"
"Oo naman. Magaling ata akong kumuha ng impormasyon. So, makikita ba kita sa laro namin?" Tanong ulit ni Archie sa kanya.
"Alam mo ang pangalan ko." Ulit na tugon ni Nadine na malayo sa hinihinging sagot ni Archie. Pero hindi ito patanong ngayon, kungdi deklarasyon ng isang katotohanan na labis niyang ikinasindak (o ikinatuwa).
"Nadine, hindi mo naman sinasagot ang tanong ko. O, baka naman hindi ka talaga interesado. You can tell me if you have other plans. Okay lang sa kin." Pero ang totoo dadamdamin niya ng husto kung tatanggihan siya ulit ni Nadine. Ngayon lang ulit niya nagawang umaktong nanghahabol ng babae dahil madalas ang mga babae ang nagpapakita ng motibo sa kanya. At base sa sarili niyang pamantayan, todo na itong ginagawa niyang pagpapapansin kay Nadine.
Muling pinatunog ni Ms. Capistrano ang batingaw. Napalingon si Archie sa pinupuwestuhan ng librarian at nakita niyang masama ang tingin sa kanya ni Ms. Capistrano sabay muwestra ng hintuturo sa bibig nito. Hindi napansin ni Archie na napapalakas na pala ang boses niya.
"Nadine, I'm not gonna ask you thrice." Nagalit-galitan na si Archie para makakuha ng konkretong sagot mula sa kausap. "Kung ayaw mo talaga..."
"Oo." Hindi na siya pinatapos magsalita ni Nadine. "Gusto kong manuod ng laro ng team nyo." At nasa mga mata pa rin ni Nadine ang kakaibang kislap dahil sa pagkakadiskubreng alam ni Archie ang pangalan niya. Na inalam ni Archie ang pangalan niya.
"Sigurado ka? Wala nang bawian yan ha?" Naniniguro pa si Archie pero wala na ring pagsidlan ang tuwang nararamdaman nito na sa wakas ay tinanggap ni Nadine ang paanyaya niya.
Napatungo naman si Nadine at hinawi pa ang buhok sa tainga niya saka marahang tumango.
Hindi naman napigilan ni Archie ang sarili. Sa sobrang katuwaan ay nahalikan niya sa pisngi si Nadine na labis naman nitong ikinabigla.
"Thank you, Nadine! Thank you! Thank you! You don't know how much this means to me!" Napasigaw pa si Archie sa sobrang katuwaan. Kahit na muling pinatunog ni Ms. Capistrano ang batingaw at tinatawag siya sa buo niyang pangalan ay hindi niya ito pansin. Ang importante ay pumayag si Nadine na manuod ng laro nila. Na kailangan paghandaan niya iyon ng husto para hindi siya mapahiya dito.
Pabalandrang isinauli ni Archie ang libro na hawak. Bago umalis ay nagpaalam muna ito kay Nadine.
"See you." At binigyan niya ito nang matamis na ngiti bago tinungo ang pinto palabas ng silid-aklatan.
"Archibald Nuestre! Ipapa-ban na kita dito sa loob ng library! You're creating such a commotion!" Pahabol na paninita sa kanya ni Ms. Capistrano.
Pero imbis na inis ang maramdaman, idinaan ni Archie sa ngiti ang paninita ng librarian at sinabayan pa niya ng pagsaludo bago tuluyang lumabas ng silid-aklatan. Hindi na niya napansin na hawak-hawak pa rin ni Nadine ang pisnging hinalikan niya at tuluyan nang kinalimutan ang binabasang libro.
BINABASA MO ANG
Pinakatatagong Lihim (COMPLETED)
RomanceLihim na itinatangi ni Nadine ang popular heartthrob na college jock at star basketball player sa school nila na si Archie. Ngunit meron nang nobya si Archie, ang equally popular na student babe na si Cyndi. Pero hindi lang iyon ang problema ni Nadi...