SA SCHOOL library ngayon 'nagtatago' sina Aaron at Nadine. Sa pinakasulok na shelf sila nakapuwesto at nakasalampak sa sahig. Si Aaron may nakabukas na kopya ng Rolling Stone na nakalatag sa hita niya pero hindi nito binabasa at nakatingin kay Nadine. Si Nadine naman hawak ang Elite Magazine, ang magazine kung saan editor-in-chief ang Tito niya, pero kahit binubuklat ni Nadine ang mga pahina ng glossy ay sa kawalan ito nakatingin.

"Apektado ka ba du'n sa nangyari kanina sa cafeteria?" Mahinang tanong ni Aaron.

Malungkot na tumingin si Nadine kay Aaron. "Ayoko na lang 'yun isipin. Gusto kong kalimutan lahat ng nakita ko."

"Bakit? Ano bang ginawa sa 'yo nung dalawa? Sinaktan ka ba nila?" May halo nang concern na tanong ni Aaron.

"Ayokong na silang pag-usapan, Aaron. Please? Hindi pa ako ready." At pinahid na ni Nadine ang tumutulong luha sa mga mata.

Kaagad inilabas ni Aaron ang panyo sa bulsa at ipinahid sa mga pisngi ni Nadine. "Sige na. Hindi na kita kukulitin. Sabihin mo lang sa akin kung paano ako makakatulong sa 'yo na kalimutan 'yun. Dahil ang gusto ko, lagi ka lang masaya."

Saglit na tinitigan ni Nadine sa mga mata si Aaron at bigla-bigla ay hinawakan niya ang mukha ng lalaki at inilapit niya ang mga labi nito sa kanya. Nagulat si Aaron sa ginawa ni Nadine pero kusa na rin siyang nadarang at tinugon ang halik ng dalaga.

Pero biglang ring may sumulpot sa aisle na kinauupuan nila.

"Shit!" Natutop pa ni Reema ang bibig nang masaksihan ang marubdub na halikan ng dalawa.

Kaagad namang nagkalas sina Nadine at Aaron. Saglit na natigilan si Nadine nang makitang si Reema pala ang biglang sumulpot.

Maging si Reema ay hindi agad nakapagsalita. Halo-halo ang emosyon. Natutuwa siya na parang naging kompidante na sa sarili si Nadine nang hubarin nito ang pagiging konserbatibo at nag-adopt sa makabagong pananamit. Pero naiinis rin siya dahil kaakibat ng pagbabagong iyon ay ang pagiging mapangahas ng kaibigan. Marahil buntod ng nangyari sa kanila ni Archie at sa eskandalong kinasangkutan ng dalawa na hanggang ngayon ay hindi pa lubos na ipinagtatapat ni Nadine sa kanya.

"Tinatawagan kita. Bakit di mo sinasagot ang phone mo?" May pag-aakusang tanong ni Reema.

"Sorry. Naka-silent kasi ang phone ko." Nahihiyang pag-amin ni Nadine.

"Kaya pala ako tumatawag kailangan mo daw pumunta sa opisina ni Dean Katigbak. Ngayon na daw." Pagkasabi niyon, kaagad na tumalikod si Reema at umalis.

May sasabihin pa sana si Nadine sa kaibigan pero naunahan na siya ng pagtalikod nito. Bigla siyang nakaramdam ng lungkot. Parang ang layo-layo na ng kaibigan niya. Humarap siya kay Aaron at hinawakan ang isang kamay nito.

"Samahan mo naman ako." Pagsumamo ni Nadine.

Pinakatatagong Lihim (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon