NAUNA sa Starbucks Coffee si Reema at napili niyang sa al fresco area ng coffee shop pumuwesto. Umuulan pa rin pero hindi na gaanong malakas. Naka-order na siya ng iced coffee nang dumating si Nadine. Saglit muna itong pumasok sa loob para umorder din ng kanyang kape. Habang hinihintay si Nadine, nadako ang tingin ni Reema sa malaking paru-parong itim na may batik-batik na puti at asul sa mga pakpak nito. Nakadapo ang paru-paro sa railing sa tabi ng mesang inuupuan niya.

Hindi niya namalayang nakaupo na si Nadine sa silyang katapat niya dala ang order nitong chocolate chip frappuccino. Habang abala si Reema sa pagtitig sa paru-paro, dinukot muna ni Nadine ang kaha ng Marlboro sa maliit na bag na dala, kumuha ng sigarilyo saka sinindihan ng dala rin niyang lighter.

"Ano ba 'yung sasabihin mo sa akin, Reema?" Tanong ni Nadine matapos humithit ng sigarilyo.

Duon lang tumingin si Reema kay Nadine at napansin nito ang awkward na paghawak ni Nadine sa sigarilyo. Nang hithitin ni Nadine ang sigarilyo, nakita niyang hindi pa ito sanay at hithit-buga lang ang ginagawa nito.

"Hindi ka naman marunong eh." Sabi ni Reema sabay kuha sa sigarilyong hawak ng kaibigan. "Ganito yun." At ipinakita ni Reema ang tamang pamamaraan ng pagsisigarilyo. Malalim na humithit si Reema at matapos ang ilang saglit ay ibinuga na nito ang usok, gumawa pa siya ng mga korteng bilog na usok.

Nang ibabalik na ni Reema ang sigarilyo kay Nadine, tumanggi na ito.

"Sa 'yo na 'yan. Meron pa naman ako dito." Sabi ni Nadine na kumuha ulit ng isang stick sa dalang kaha ng sigarilyo.

Humithit ulit ng sigarilyo si Reema habang pinagmamasdan si Nadine habang sinisindihan ulit ang sariling sigarilyo. "Ang laki na ng ipinagbago mo, Nadine."

Natawa si Nadine sa tinuran ng kaibigan habang muling nagsisigarilyo. "Lahat naman ng tao nagbabago, Reema. You should know that."

"Kaya lang sa kaso mo, bigla-bigla. Mula nung nangyari 'yung..." Hindi na natuloy ni Reema ang sasabihin, lalo't nakita niya ang mukha ng kaharap na parang naghihintay ito ng sasabog na bomba.

Kumalma ang mukha ni Nadine at nagkibit-balikat na lang. "Mabuti na rin 'yung ganito. Ayoko na 'yung dating ako. Masyadong kimi. Hindi diretsang masabi 'yung gustong sabihin. Nagwo-worry palagi sa sasabihin ng ibang tao..."

"At grabe na ngayong makapanglandi na parang hindi mauubusan ng lalaki." Si Reema ang tumapos ng sasabihin ni Nadine.

Parang batang biglang tinurukan ng karayom na tumingin si Nadine kay Reema. "Bakit ka ba ganyang magsalita? Kaibigan pa ba kita, Reema?"

"Sinasabi ko lang sa 'yo yung usap-usapan ngayon sa school. Matapos 'yung insidente sa inyo ni Archie, iba't-ibang lalaki na raw ang nakikitang kasama mo, hindi lang 'yung dancer na si Aaron." Paliwanag ni Reema.

"Mga inggit lang 'yung mga yon. Palibhasa, ako na ngayon ang nilalapitan ng mga heartthrobs sa school, hindi sila." Depensa agad ni Nadine.

"Yan ba talaga ang gusto mo, Nadine? Ang maging center of attention?" Nang-uusig na ang mga tanong ni Reema.

Diretsang tumingin na si Nadine kay Reema at parang maiiyak. "Alam mo naman na ito ang gusto ko, Reema. Ang mapansin ng mga tao. 'Yung magustuhan din nila ako. Hindi 'yung dinadaan-daanan lang ako sa hallways ng school."

"I still miss the old Nadine." Sabi ni Reema habang humihithit ng sigarilyo.

"Why can't you be happy for me, Reema? Kaibigan kita, di ba? Suportahan mo naman ako!" Naligid na ng luha ang mga mata ni Nadine.

"Nadine, kahit suportahan kita, kung idedepende mo naman 'yung kaligayahan mo sa opinyon ng ibang tao, hindi ka pa rin magiging masaya." Mariing punto ni Reema sa kausap.

Lumatay sa mukha ni Nadine ang galit. "Umalis ka na nga! Ayaw na kitang kausap!"

"Pinapaliwanagan lang kita, Nadine." Sabi ni Reema habang tumatayo sabay durog na nauupos nang sigarilyo sa ashtray na nasa mesa. "Dahil kung itutuloy mo man 'yang gusto mong gawin, 'yan din ang makakasira sa 'yo." At tinalikuran na siya ni Reema.

Naiiyak na tinanaw na lang ni Nadine si Reema habang binubuksan nito ang dalang payong panangga nito sa ulan bago lumakad palayo.

Nadako ang tingin ni Nadine sa itim na paru-paro na nakadapo pa rin sa railing. Saglit binukas-sara ang mga pakpak ng paru-paro habang nakadapo ito saka bigla na ring lumipad na ito palayo na parang ayaw damayan si Nadine sa kalungkutan nito.

Pinakatatagong Lihim (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon