Sa Johnny Rockets sa Eastwood nila napiling pumunta. Sa may pinakasulok ng diner sila pumuwesto para kahit papano magkaroon sila ng privacy. Kasalukuyang may sumasayaw na mga waitstaff habang sinasabayan ang kantang Stayin' Alive ng Bee Gees. Halatang naaaliw si Nadine sa panunuod sa mga sumasayaw habang sumisipsip ng inorder nitong strawberry milkshake.

Nakapagpalit na rin ng damit si Nadine. Binilihan siya ni Archie ng simpleng midi dress sa midnight tiyangge bago sila tumuloy sa diner. Gusto sanang tumanggi ni Nadine pero ayaw paawat ni Archie. Hindi daw sila kakain hanggat di siya pumapayag na palitan ang nasira niyang damit.

Si Archie naman naaliw na pinapanuod si Nadine habang inuubos nito ang inorder na smokehouse burger at fries. Pagkatapos mag-perform ng mga waitstaff sa gitna ng diner, masinsinan nang kinausap ni Archie si Nadine.

"Pagkatapos natin dito, ihahatid na kita sa inyo." Tumingin sa suot-suot na relo si Archie. "It's getting late. Sigurado, nag-aalala na sa 'yo Mama mo."

Dumukot ng fries si Nadine mula sa order ng kaharap. Ubos na kasi ang inorder nitong chicken club salad. "Nag-text na ako kay Mama." Sagot ni Nadine habang nilalagyan ng ketchup ang fries. "Nagpaalam na ako sa kanya na hindi muna ako uuwi. Sabi ko kina Reema muna ako matutulog ngayong gabi."

Tumango naman si Archie sa sinabi ni Nadine. Kakagat na sana siya ulit sa burger niya nang ma-realize ni Archie ang totoong pakahulugan ng ipanagpaalam ni Nadine sa Mama nito.

Nakangiti sa kanya si Nadine habang kinakain nito ang fries na nilagyan ng ketchup. Tuwang-tuwa sa reaksyon ng mukha ng kaharap.

"Nadine, hindi ako puwedeng mag-agree sa ini-imply mo." Halos hagilapin ni Archie ang irarason kay Nadine. "Unang-una, nandu'n ang Mom and Dad ko, si Biboy." Inisa-isa pa sa daliri ni Archie ang mga kasama sa bahay. "Anong sasabihin ko sa kanila pag dinala kita sa amin tonight?"

"Eh di yung totoo." Kaswal na sabi ni Nadine na kumuha ulit ng fries na lalagyan ng ketchup. "Na niligtas mo ako sa isang mapagsamantalang tao at hindi ko pa kayang harapin ang Mama ko because of what happened."

Hindi sinasadyang mahawakan ni Archie ang batok. "It's a lot more complicated than that."

"Hindi ako nagbibiro, Archie." Tiningnan na siya ng diretso ni Nadine. "I'm still shaken by what happened. Pinipilit ko lang ang sarili ko na sumaya para mawala sa isip ko 'yung amoy ng sigarilyo sa hininga niya, yung mga halik niya sa pisngi ko---sa leeg ko, yung pagsira niya sa damit ko..." Tinakpan ni Nadine ang bibig para pigilan ang paghikbi.

"Hey..." Nangaamong sabi ni Archie sabay hawak sa isa pang kamay niya. "I didn't mean it to be that way. Ginulat mo kasi ako. Bigyan mo kasi ako ng heads up para di ako nabibigla."

Marahang tinanggal ni Archie ang nakatakip na kamay sa bibig ni Nadine at masuyong hinawakan ang baba ng babae para tumingin ito sa kanya.

"Payag na ako. Dadalhin kita sa bahay. Sa amin ka na magpalipas ng gabi. In one condition, tulungan mo akong mag-explain kina Mom and Dad." Nakangiting sabi ni Archie sa dalaga.

Napangiti na rin si Nadine sa pagpayag ni Archie sabay punas sa mga namuong luha sa mga mata.

Pinakatatagong Lihim (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon