Mataimtim ang ginagawang pagdadasal ni Nadine. Nasa loob siya ngayon ng Holy Grail Chapel, isang maliit na kapilya sa loob ng Crescent Hill Subdivision kung saan siya nakatira. Isang matingkad na puting blusa at palda ang suot ni Nadine na may burdadong bulaklak pa sa bandang kolyar at manggas ng suot na blusa. At para kumpletuhin ang damit-pangsimba, may nakatalukbong pang manipis na puting belo sa buhok niya. Isang tipikal na konserbatibong dalaga kung pagmamasadan si Nadine.
Katabi ni Nadine sa inuupuang bangko ang inang si Mildred na tahimik namang binabasa ang Biblia Apocrypha. Si Nadine naman ay may hawak-hawak na rosario na gawa pa sa sterling silver. Mahina naman niyang binigbigkas ang Mga Misteryo Ng Hapis o Sorrowful Mysteries. Habang inuusal niya ang panalangin sa isip ay kasabay naman niyang pinagmamasdan ang malaking mural ng Our Lady Of Perpetual Help sa may altar.
Mahal na Ina, idinadalangin ko na sana bigyan nyo ako ng palatandaan kung may patutunguhan pa itong nararamdaman ko sa isang lalaking kasama ko ngayon sa pinapasukan kong unibersidad. Kung sakali hindi po iyon matupad ngayon bago ako umalis sa kapilyang ito, pipilitin ko na hong kalimutan ang nararamdaman ko sa kanya.
At inusal niya sa isip ang palatandaang hinihiling niyang makita habang patuloy ang pagbigkas niya sa misteryo ng hapis.
Mataimtim nilang pinakinggan ang sinesermong ebanghelyo ni Padre Dominic Ruiz. Nang sinimulan ang Santa Cena, kaagad na lumapit sa harap ng altar sina Mildred at Nadine para sa komunyon. Iniusal ulit ni Nadine ang hiling na palatandaan bago tanggapin mula kay Padre Ruiz ang ostiyang pangkomunyon.
Nang tapos na ang misa at sabay silang naglalakad ng kanya ina sa hardin ng kapilya palabas ng bakuran ay biglang huminto sa paglalakad si Nadine na parang may nakalimutan itong gawin.
"Bakit, anak?" Tanong sa kanya ng ina.
"Sandali lang, Mama." At patakbong bumalik sa may pintuan ng kapilya.
Ang sadya niya ay ang benditadong tubig na nakalagay sa isang mangkok na hawak-hawak ng isang estatwang anghel sa may pintuan ng kapilya. Pero bago pa man idampi ni Nadine ang mga kamay niya sa loob ng mangkok ay namangha na siya sa kanyang nakita.
Hindi siya makapaniwala. Hindi siya binigo ng Mahal Na Ina. Ang palatandaang hiniling niya kaninang makita habang sinasambit ang Misteryo ng Hapis ay nasa harapan na niya ngayon. Sa loob ng mangkok ay nakalutang sa benditadong tubig ang tatlong talulot ng pulang rosas. Kaagad niyang isinahod ang kamay sa loob ng mangkok at kinuha ang tatlong talulot ng rosas. Walang pagsidlan ang tuwang nararamdaman niya na tiningnan ulit ang mural ng Our Lady Of Perpetual Help. Nag-alay siya ng panalangin ng pasasalamat naman. Nabuhayan siya ng loob at nagkaroon ng pag-asa na hindi mauuwi sa wala ang kanyang pagsintang nararamdaman para kay Archie. Katibayan ang mga talulot ng rosas na hawak na niya ngayon sa mga palad niya.
Nag-antanda muna si Nadine bago masiglang nilapitan ang ina sa kinatatayuan nito na kunot-noo namang nakatingin sa kanya.
"Nakalimutan ko lang hong basain ang kamay ko nung holy water kaya ako bumalik." Pagpapaliwanag ni Nadine.
"Ganu'n ba? Bilisan na nating umalis dito at kanina pa ako nagugutom." Magkasabay ulit nilang nilalakad ang bakuran palabas ng kapilya. "Sa labas na lang tayo mananghalian at medyo umay na ako sa inihahandang pagkain palagi ng cook natin sa bahay."
"Kayo na hong bahala, Mama." Nakangiting tugon ni Nadine.
Habang hindi nakatingin si Mildred ay palihim na isiningit ni Nadine ang mga talulot ng rosas na kinuha niya sa hawak-hawak na Bibliya.
Ala-ala ng himala ng Birhen. Hinding-hindi ko ito iwawala.
Hindi na napansin ni Nadine na ang pinanggalingan ng mga talulot ng rosas ay mula sa terasa sa ikalawang palapag ng kapilya. Maraming tanim na rosas na nakalagay sa paso ang nakapalibot sa pasamano ng terasa. Sa tuwing ihihip ang malakas na hangin, karamihan sa mga talulot nito ay natatanggal mula sa bulaklak at lumalagpak kung hindi man sa sahig ng terasa ay sa mismong hardin sa harapan ng kapilya. At minsan, sa biglaang bugso ng hangin, ang ilan sa mga talulot ay lumalagpak sa may pintuan ng kapilya at eksaktong dumadapo sa loob ng mangkok na hawak ng estatwang anghel na kinalalagyan ng benditadong tubig. Katulad ngayon, isang malakas na hangin ang biglang umihip. At may panibagong limang talulot ng rosas ang dumapo sa bentitadong tubig na nasa loob ng mangkok.
BINABASA MO ANG
Pinakatatagong Lihim (COMPLETED)
RomanceLihim na itinatangi ni Nadine ang popular heartthrob na college jock at star basketball player sa school nila na si Archie. Ngunit meron nang nobya si Archie, ang equally popular na student babe na si Cyndi. Pero hindi lang iyon ang problema ni Nadi...