MAKALIPAS ang ilang araw, balik sa normal ang routine ni Nadine. Gising sa umaga. Pasok sa school. Matapos ang kanyang klase sa Unibersidad ay kaagad na uuwi. Ang tanging pagbabago ay hatid-sundo na siya ngayon ng Mama niyang si Mildred. May pangamba pa rin si Mildred na baka maisipan na naman ni Nadine na sumama sa mga lalaking estudyante kasalamuha nito sa school at hindi na naman ito umuwi ng bahay. Pero ay totoo'y wala nang dapat ipag-alala si Mildred, wala nang balak si Nadine gawin iyon. Naging mailap na rin sa mga lalaki si Nadine. Kung hindi naman kinakailangan ay hindi siya nakikipag-usap at siya na ang kusang lumalayo.

Sa mga nakalipas ding mga araw, hindi niya natiyempuhang makita si Archie sa unibersidad. Hindi niya alam kung sadyang iniiwasan siya nito o talagang hindi pumapasok buhat ng nangyari ang insidente sa labas ng amphitheatre.

Siguro masyado lang niyang dinamdam 'yung nangyari kay Cyndi. Pero siguro pag nagkita ulit kami, papansin ulit ako ni Archie.

Minsan nasa school cafeteria siya at mag-isang kumakain ng muffin at juice na nasa tetrapack habang naghihintay ng next subject niya nang pumasok ang Falcon Crest team na halatang kakagaling sa practice. Pero hindi nila kasama si Archie. Nang makita siya ni Dennis ay lumapit agad sa table niya, iniwan ang mga kasamahan nitong dumiretso sa counter para tumingin ng mga panindang pagkain.

Hindi alam ni Nadine kung ano ang gagawin nang makitang paparating si Dennis sa puwesto niya sa cafeteria.

"Nadine! Kamusta ka na?" Bati ni Dennis nang makalapit sa kanya.

"Okay lang." Matipid na tugon ni Nadine saka mabilis na inubos ang juice na iniinom. Hinagilap niya ang bag at mga librong dala saka tumayo. Halatang paalis na.

Napatingin si Dennis sa muffin na hindi pa gaanong nababawasan ni Nadine saka tumingin sa dalaga. "Aalis ka na agad? Hindi mo pa tapos kainin ang muffin mo?"

"Nakalimutan ko, malapit nang magsimula klase ko sa Social Studies. Iwan na kita dyan, ha?" At walang lingon-lingon na lumabas na ng cafeteria si Nadine.

Napapailing na sinundan na lang siya ng tingin ni Dennis.

Pinakatatagong Lihim (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon