Humahanap ng tiyempo si Archie upang makausap ulit si Nadine para sa pagkakataon namang ito ay mayayaya naman niya ang dalaga na manuod sa gaganaping laro ng team niya laban sa Python Stag. At sisiguraduhin niya na hindi na makakatanggi sa kanya si Nadine.

Pero mukhang nahihirapan siya ngayon dahil halos pinuntahan niya ang mga lugar kung saan madalas niyang makita si Nadine sa Unibersidad pero hindi niya matiyempuhan ang sadya. May mga kabarkada at mga kasama siya sa team na nakakasalubong at niyayaya siya na sumama para makipag-inuman sa bahay ng mga ito, o di kaya pumunta sa Bethesda's Pool College, isang all girls school, para makipagkilala sa mga babaing estudyante na pumapasok duon. Pero tinanggihan niya lahat iyon dahil desidido siya na magkausap sila ni Nadine.

Susuko na sana siya at tatawagan na sa cellphone ang barkadang nag-aaya sa kanya na pumunta sa Bethesda's Pool nang makita niya si Reema na pumapasok sa ampitheater ng school nila. Tinakbo niya kaagad si Reema at gulat na gulat ito nang mahawakan niya ito sa balikat. Nabitawan pa nito ang dala-dalang mga papel sa sobrang pagkagulat.

"May topak ka rin, ano? Muntik na akong atakihin sa 'yo!" Inis na sabi sa kanya ni Reema nang makabawi na ito sa pagkagulat.

"Pasensya ka na. Hinahanap ko lang kasi yung friend mo." Hinihingal pa si Archie habang nagsasalita.

"Sino dun? Marami akong friends." Umiral na naman ang pagka-pilosopo ni Reema habang pinupulot ang mga nabitawan niyang papel.

Agad naman siyang tinulungan ni Archie sa pagpupulot. Nang mapasadahan ng tingin ang unang papel na pinulot niya, nakita niyang lyric sheets pala ang mga dala-dala ni Reema.

Kasasali lang kasi ni Reema sa Music Club ng school nila at bilang parte ng "initiation" ay siya ang pakakantahin sa gaganaping Fund Raising Concert para sa pagpapaganda ng opisina ng naturang club. At gaganapin ang concert sa La Jota ampitheater ng University. May mga estudyanteng miyembro ng nasabing club na ngang nag-aayos sa entablado ng ampitheater at ang banda ng Music Club na sasabayan niya sa pagkanta, ang Sound Iskool, ay kasalukuyang nag-eensayo na ng piyesang kakantahin niya.

"Yung friend mo na palagi mong kasama. 'Yung conservative manamit." Pagsasalarawan ni Archie sa taong hinahanap habang nakatingin sa lyric sheet na hawak. Ang titulo ng kanta sa hawak niyang papel ay "Baliw" ng bandang Kiss Jane.

Pahablot namang kinuha ni Reema mula sa kamay ni Archie ang hawak na lyric sheet. "Si Nadine ba 'yung tinutukoy mo?"

"Aaaah... Nadine ba ang pangalan niya?" Patay-malisya si Archie na kunwaring hindi alam ang pangalan ng taong gustong kausapin.

"Bakit gusto mo namang maka-usap ang friend ko?" Nakaarko ang kilay na usisa sa kanya ni Reema.

"Yayain ko sana siya, pati na rin ikaw, sa play namin against Python Stag sa North Samaritan College. Mas maganda kasi pag marami tayong taga-Saint Therese na nanduon, para mas maganda ang impact. Pang-sindak sa kalaban." Pag-e-isplika ni Archie.

"Aaaah..." Tumatango naman si Reema habang nakikinig kay Archie saka sabay biglang sabi na, "Sorry, ha? Wala siyang pasok ngayon eh."

Saka sinabayan ng talikod ni Reema si Archie at naglakad palapit sa stage. Hindi naman malaman ni Archie kung susunod kay Reema o aalis na lang.

"Pero andito siya ngayon. Nasa may library siya. May lakad kasi kami mamaya. Du'n niya ako aantayin." Pahabol na sabi ni Reema na patuloy pa ring naglalakad patungo sa stage.

Kaagad na umaliwalas ang kanina ay nangungulimlim nang mukha ni Archie. Halos hindi na naitago ang pagkatuwa sa boses nito. "Talaga? Salamat ha! Daanan ko siya ngayon sa library. Pumunta ka sa game namin ha?" At kaagad na tinakbo ni Archie ang pinto palabas ng ampitheater.

"Ewan ko sa yo!" Ganting tugon naman ni Reema sa kanya pero hindi na ito narinig ni Archie dahil nakalabas na ito ng pinto.

Pinakatatagong Lihim (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon