TAPOS na ang oras ng art class pero may ilan pa ring nagpaiwan sa loob ng silid para tapusin ang mga pinipinta na nakatanda nilang i-present kay Propesor Hernandez kinabukasan. Kabilang sa mga nagpaiwan ay sina Gio at Nadine. Malayo ang kinaroroonan ni Nadine mula sa pinupuwestuhan ni Gio pero pilit pa rin niyang tinatanaw ito. Hindi niya mapigilang hindi humanga sa hubog ng katawan nitong litaw sa suot na tank top at cut out jeans. May suot pa si Nadine na makulay na bandanna sa ulo kaya para itong fashionista na hippie sa outfit na suot.

Kahit hindi pa gaanong nakakapagsimula si Gio sa pinipinta niyang pigura ni Eba kausap ang ahas sa halamanan ng Eden ay ibinaba nito ang paleta at plumang gamit at naglakas-loob nang lumapit kay Nadine.

Hindi pa gaanong nakakalapit si Gio ay natigilan na siya sa paglalakad nang matanaw kung ano ang pinipinta ng dalaga. Pigura ito ng hubo't hubad na lalaki na nakataas ang mukha at ang dalawang kamay habang bumubuhos ang malakas na ulan na tila inanayaya ang unos na basain ang buo nitong katawan.

Napatingin si Nadine kay Gio nang mapansin itong nakatayo malapit sa kanya pero kaagad na ibinalik ang tingin sa ipinipinta.

Lumapit pa ng bahagya si Gio at tumikhim bago nagsalita. "Nadine, ang tagal na pala nating hindi nakakapag-usap."

Hindi sumagot si Nadine. Tuloy lang sa pagpipinta.

"Sa tuwing nagkakausap tayo, parati ka na lang galit. Lagi kang masugit sa akin. Nasasanay na nga ako eh." Patuloy pang sabi ni Gio.

Wala pa ring imik si Nadine. Konsentrado ito sa paghahalo ng kulay sa paleta na gagamitin sa obra niya.

"Sana bigyan mo pa ako ng chance, Nadine. I can prove to you na kaya ko ring maging gentleman pag nag-date ulit tayo." Lakas-loob nang sabi ni Gio. Inaasahan na niya ang kasunod na pagsusungit ng babae.

Napatingin na si Nadine sa sinabing iyon ni Gio. Walang kangiti-ngiti na tiningnan niya ang mukha nito. Hindi makatagal si Gio na nagbaba ng tingin.

Habang tinitingnan si Gio na parang alumpihit sa pagkakatayo sa tabi niya, biglang naalala ni Nadine ang eksenang nagpang-abot sina Archie at Gio sa may cafeteria at akusahan ni Archie na si Gio ang pasimuno sa kumalat na video ng pagtatalik nila ni Archie. Si Gio nga talaga kaya ang may gawa nu'n?

"Pasensiya na, Nadine, kung naistorbo kita..." Paumanhin ni Gio na umaatras na palayo sa dalaga.

"Sandali lang, Gio." Pigil ni Nadine sa tuluyang pag-atras ng lalaki.

Pigil ang hininga na hinintay ni Gio ang susunod na sasabihin ni Nadine.

"Kelan ang date natin?" Kaswal na tanong ni Nadine sa nagugulat na si Gio.

"Ibig mong sabihin..." Hindi makapaniwala si Gio.

"Ang dami mo namang pasakalye." Putol ni Nadine sa sasabihin pa ng lalaki. "Sagutin mo na lang 'yung tanong ko. Kelan 'yung date natin?"

Saglit lang na nag-isip si Gio bago sumagot. "Later tonight. Kung wala kang gagawin..."

Bahagyang tumango si Nadine. "Okay. Message na lang kita kung saan mo ako pi-pickup-in mamaya. May dadaan pa kasi ako." At itinuloy na ni Nadine ang pagpipinta.

Hindi pa rin makakilos si Gio. Naghahalo ang pagkabigla at tuwa na bakas na bakas sa mukha.

Napansin ni Nadine na hindi pa rin natitinag si Gio sa pagkakatayo malapit sa kanya. "Bumalik ka na ro'n, Gio. Hindi kasi ako makapinta ng maayos pag may nanunuod sa akin."

"Sige. I'll wait for your message." At lumakad na pabalik si Gio sa puwesto nito. Nang maupo ay hindi na maalis ang ngiti nito sa mukha.

Pinakatatagong Lihim (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon