GABI ng pagtatanghal ng dulang kinabibilangan ni Cyndi sa La Jota Amphitheater. Maraming buzz tungkol sa play na maganda raw ang pagkakagawa dito kaya maraming mga estudyante at miyembro ng faculty ang mga nanuod. Nag-charge ng maliit na entrance fee ang dula na gagamitin ang funds sa pagpapaganda pa lalo ng unibersidad kaya marami rin ang sumuporta.

Maganda ang production value ng stage. Huling eksena na ngayon ang pinapanuod ng audience na sunset sa isang beach ang nasa background ng mga pangunahing bida na ginagampanan nina Cyndi at Kyle.

Nilingon ni Cyndi si Kyle nang maramdaman niyang lumapit ito sa kanyang likuran. Nakasuot siya ng napakagandang vintage summer dress na may katerno pang sun hat.

"Bakit ka pa nagpunta rito, Ferdie?" Puno ng emosyon sabi ni Cyndi pagkaharap kay Kyle.

"Naririto ako para patunayan na totoo ang pagmamahal ko sa 'yo, Blanca." Tinapatan din ni Kyle nang matinding emosyon ang pagbigkas sa sariling linya.

"Paano ang kasintahan mong si Maritess?" Halatang naiiyak na ang boses ni Cyndi. Dalang-dala sa karakter na ginaganap.

"Wala na kami. Ikaw talaga ang mahal ko. Para patunayan ko sa 'yo," At lumuhod si Kyle, kinuha ang maliit na box sa bulsa ng coat at ito'y binuksan para makita ang diamond ring na nasa loob. "Yayayain kitang pakasal. Bumuo tayo ng pamilya, Blanca."

"Oh, Ferdie!" At nagyakap ng maghigpit ang dalawa at marubdob na naghalikan habang bumababa ang telon ng stage.

Malakas na nagpalakpakan ang mga nanuod. Tumayo pa si Shaun sa inuupuan nito na malapit sa stage, pumiswit at sumigaw. "I'm proud of you, Cyndi!"

Marami ang napatingin sa ginawa ni Shaun. Kabilang na si Archie na kasama ang mga kabarkada na nanuod at si Nadine na katabi namang nanunuod si Reema. Matapos tingnan si Shaun ay di sinasadyang magkatinginan sina Archie at Nadine. Si Nadine ang tila nahihiyang unang nag-alis ng tingin at ibinalik ang tingin sa stage habang naghahawak-kamay ang casts ng dula at yumuko sa harap ng audience na nagpapalakpakan pa rin.

Matapos ang ilang sandali ay isa-isa nang nag-aalisan ang mga nanuod sa loob ng La Jota Ampitheater. Habang tumatayo si Archie ay nakita niya si Shaun na umakyat sa stage na may hawak na bouquet ng orchids at nilapitan si Cyndi habang kausap nito ang isa sa mga kasama sa dula.

Inabot ni Shaun ang dalang palumpon ng bulaklak kay Cyndi. Mainit na hinalikan naman ni Cyndi ang lalaki bilang tugon saka masayang ipinakilala si Shaun sa kasamahang kausap nito sa stage.

Inalis lang ni Archie ang tingin sa stage nang magsalita si Nathan na nakatayo na rin sa inuupuan nito. "Gutom na ba kayo? Kain naman tayo sa Jollibee. Nagke-crave ako ng chickenjoy."

"Fastfood na naman? Du'n na lang tayo sa Kapitolyo pumunta. May vegetarian restaurant du'n na kinainan namin ni Trish. Promise, masarap!" Suhestiyon naman ni Dennis.

"Vegetarian?" Parang nakakain ng mapaklang banggit ni Nathan. "Alam mo, Dennis, mula nung naging kayo ng Babe mo kung anu-ano na 'yung sina-suggest mo sa 'min," nagsimulang magbilang sa kamay ni Nathan. "Mag-try mag-South Beach diet, mag-yoga, makinig ng trance music. Makipag-break ka na d'yan. Hindi maganda impluwensiya niya sa 'yo."

Pinalo naman ni Dennis ang bill ng Nike sports cap na suot nito bilang sagot.

Nakatawang inakbayan pareho ni Kurt sina Dennis at Nathan. "Sa condo ko na lang kayo pumunta. May pinadalang lasagna si Mama. Ang dami eh. 'Di ko mauubos. Kayo na lang sumagot sa bucket ng beer."

"Puwede." Agree naman ni Dennis. "Archie, gusto mo kina Kurt na lang tayo?" Baling na tanong ni Dennis sa kaibigan.

Pero hindi nakatingin si Archie sa mga kabarkada. Nakatuon ang pansin nito ngayon kay Nadine na tumatayo na ng upuan kasunod si Reema.

"Mga lodi, sandali lang." Paalam ni Archie sa mga kabarkada at mabilis na naglakad pasunod kina Nadine.

Naguguluhan sinundan na lang si Archie ng tingin ng mga kabarkada.

"Gusto mo akong mag-sleep over sa condo ng Tito mo? Papayag ba 'yun?" Tanong ni Reema naman kay Nadine nang nasa may pintuan na sila ng ampitheater kasabay ng ibang mga nanuod na palabas na rin.

"Oo naman. Panuorin natin 'yung favorite sitcom na pinapanuod mo habang kumakain ng ice cream..." Natigil sa pagsasalita si Nadine nang biglang may humawak sa braso niya.

Nang lingunin ni Nadine kung sino ang humawak sa kanya, si Archie pala ito at malungkot ang mukha habang nakatingin sa kanya.

"Usap naman tayo." Pakiusap ng lalaki kay Nadine.

Nakatingin lamang si Nadine kay Archie. Hindi makapaniwalang sa kabila ng nangyari sa kanilang dalawa nang huli silang magkita ay nanaisin pa ni Archie na kausapin pa ulit siya.

Pinakatatagong Lihim (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon