Pero ngayong napapayag niya si Nadine na manuod sa laban ng Falcon Crest Team saka naman nataong nagkakalat si Archie sa laro niya. Siya itong nagpumilit na manuod sa kanila si Nadine pero ang kalalabasan naman ay mapapahiya siya dito. Ilang beses na nagkaroon siya ng pagkakataon para mag-shoot or mag-dunk ng bola pero palaging missed sa goal. Sa tuwing mangyayari yon, mapapatingin siya sa gawing inuupuan ni Nadine kasama si Reema. Bubulungan ito ni Reema na sasabayan naman ng iling ni Nadine na parang may conspiratorial conversation ang mga ito patungkol sa pagiging palpak niya sa laro.
Lalong nakadagdag iyon sa kawalan niya ng konsentrasyon at pagka-mainitin ng ulo. Habang dumedepensa at napalakas lang ng sagi sa kanya ang kalabang umo-opensa para maka-goal ay hinamon na agad niya ito ng suntukan. Kung hindi pa siya napigilan ng coach nilang si Perry at nang naka-assign na referee ng laro ay baka nag-abot na sila sa gitna ng court. Si Cyndi naman ay halos mapababa sa court nang masaksihan ang naging tensiyon sa pagitan ni Archie at sa nang-opensa sa kanya.
Naging desperado tuloy si Archie na makapuntos. Nang maipasa sa kanya ang bola ay halos isalya niya ang katawan para makalapit sa ring. Nang mag-lay up siya ay isinakto niyang papasok ang bola sa ring. Nagtagumpay naman siya. Pumasok ang bola at malakas na naghiyawan ang mga taga-Saint Therese na dumalo sa loob ng Onesimus Arena. Pero ang hindi niya natantiya ay ang pagbagsak ng katawan niya sa sahig pagkatapos mag-lay up. Ang buong kanang bahagi ng katawan niya ang malakas na lumagpak sa sahig. Agad siyang namilipit sa sakit dahil sa lakas ng pagbagsak niya, at may naramdaman pa siyang naipit na ugat at pamamanhid ng mga kalamnan sa bandang balikat. Kaagad namang naglapitan ang mga ka-team niya at pinilit siyang alalayang tumayo, pero napapasigaw siya kapag pinipilit niyang kumilos patayo. Pakiramdam niya ay may nalinsag pang buto sa may kanang parte ng katawan niya.
Butil-butil ang pawis, nagawa pa niyang tingnan ang kinapupuwestuhan nina Nadine. At nakita niya itong nakatayo sa inuupuan at tutop ang bibig habang nakatingin sa kanya. Kita sa mga mata nito ang magkahalong pagkagulat at pag-aalala sa disgrasyang sinapit niya.
Kaagad namang lumapit ang mga medics ng North Samaritan College at buong ingat siyang isinakay sa stretcher. Si Cyndi ay hindi na napigilan ang sarili na hindi lumapit kay Archie. Mangiyak-ngiyak na ito nang sumabay sa mga medics nang dinadala na si Archie palabas ng Arena para dalhin sa ospital.
Kay Archie, hindi na baleng masaktan o mabalian. Ang importante, napatunayan niya kay Nadine na hindi siya lampa. Na kaya niyang sumugal sa laro mapatunayan lang na may ibubuga siya.
Nakaramdam ng unti-unting pagpanaw ng urirat si Archie habang idinadaan siya ng medics sa pasilyo palabas ng Arena. Ang malalalim na buntong-hininga ng mga medics na kumakarga sa kanya kasabay ng naiiyak na boses ni Cyndi habang tinatawag ang pangalan niya ang dominante niyang naririnig habang bumabalik-pumapanaw ang malay niya.
Ang huling rumehistro sa isip niya bago tuluyang panawan ng urirat ay ang maamong mukha ni Nadine, tutop ang bibig, at ang naghahalong emosyon ng pagkagimbal at awa sa mga mata nito sa sinapit niya.
Saka tuluyan nang nagpaubaya ang kanyang katawan at isip sa paglisan ng kanyang malay.
BINABASA MO ANG
Pinakatatagong Lihim (COMPLETED)
RomanceLihim na itinatangi ni Nadine ang popular heartthrob na college jock at star basketball player sa school nila na si Archie. Ngunit meron nang nobya si Archie, ang equally popular na student babe na si Cyndi. Pero hindi lang iyon ang problema ni Nadi...