Nang makita ni Nadine na sapat na ang ginawa nito sa ipininta at wala na siyang maidadagdag pa ay inilapag muna niya ang hawak na brotsa at paleta sa katabing mesa saka tumanaw sa bintana. Tiyempo namang pagsilip niya ay natanaw niya ang grupo nina Archie na naglalakad sa parking lot na tanaw mula sa bintanang kung saan siya nakadungaw. Pawisan ang grupo nina Archie mula sa try-out pero mukhang hindi naiilang si Cyndi kahit nakaabay ang buong braso sa kanya ng nobyo. Agad namang humiwalay si Archie sa mga ka-team at magkasabay sila ni Cyndi na pinuntahan ang sasakyan nito.

Pagkapasok na pagkapasok pa lang ng sasakyan ni Cyndi ay agad itong naghagilap ng bimpo sa compartment at pinunasan ang pawis sa mukha at leeg si Archie na natatawa naman sa maagap na pag-asikaso ni Cyndi sa kanya. Nasa ikalawang palapag lang ang art class na dinadaluhan ni Nadine kaya kita niya mula sa bintana ang nagaganap sa loob ng sasakyan ni Cyndi.

Saglit pang pinunasan ni Cyndi ang mukha ni Archie bago nito hinalikan sa labi ang nobyo na may halong panggigigil. Si Archie naman ay mapangahas na tinugunan ang halik ng nobya. Nagkakatawanan pa ang dalawa nang simulang patakbuhin na ni Cyndi ang sasakyan.

Matagal nang wala ang sasakyan ni Cyndi sa parking lot ng Unibersidad ay nakatanaw pa rin duon si Nadine. Pakiramdam niya ay isang daang karayom ang sabay-sabay na tumutusok sa dibdib niya. Isang matinding pagkainis sa sarili ang nararamdaman niya dahil ano nga ba ang karapatan niya para masaktan sa nasaksihan. Wala naman siyang pinanghahawakan ni katiting kay Archie. Wala siyang karapatan para makaramdam ng ganitong katinding pagseselos.

Nagulat na lang siya nang may tumikhim sa likuran niya. Si Propesor Ernie lang pala. May inaabot sa kanyang tissue.

"Punasan mo yang pisngi mo. May pintura ka." Sabi lang nito.

"Salamat ho." Medyo atubili pa siya nang kunin ang tissue mula sa propesor.

Saglit pa siyang tinitigan ni Propesor Ernie. Na parang may sinisipat pa sa mukha niya bago ito muling nagsalita. "Tapos ka na ba sa proyekto mo?"

"Tapos na po, Propesor." Imbis na mataimtim na ngiti ang naging tugon niya sa pag-uusisa sa kanya ng propesor, pakiramdam ni Nadine parang ngiwi ang naging porma ng mga labi niya.

"Mabuti naman." Sabi na lang ni Propesor Ernie saka bumalik sa tapat ng klase at sinabi nitong maghanda dahil isa-isa nilang didipensahan ang mga ipininta.

Nang idampi na ni Nadine sa pisngi ang tissue saka niya napansin na basa ang pisngi niya. Hindi lang pala pintura sa mukha niya ang dahilan ng pagbigay sa kanya ng tissue ng kanyang propesor. Napansin din pala nitong naiyak siya sa nasaksihan kanina.

Pinakatatagong Lihim (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon