NADITINE sa UP Police & Fire Station sina Nadine at Gerard. Kaagad naman tinawagan ni Nadine ang Tito George niya. Ang Mommy naman niyang si Daisy ang tinawagan ni Gerard. Kahit na pumayag na i-waive ang fine at parusa sa kanilang dalawa dahil first time offenders lang sila, kailangan may isang parent or guardian na pipirma sa sworn affidavit nilang hindi na ulit uulitin ang ginawa nilang iskandalo.

Halos sabay na dumating sina George at Daisy sa police station. Kaagad naman pinirmahan ng mga dumating ang affidavit para makaalis na sila.

"Sorry, Tito George." Naiiyak na sabi ni Nadine na yumakap pa sa tito niya.

"Okay lang, Nadine. Nakita mo ba akong galit?" Ngumiti pa si George para ipakitang wala sa kanya yung nangyari kay Nadine.

"Ikaw talaga! Napaka-pilyo mong bata ka!" Halos kurutin naman ni Daisy ang anak na si Gerard sa inis.

"Mommy, huwag mo na akong pagalitan. Nakakahiya. Hindi na naman ako bata na." Napakamot na lang ng ulo si Gerard.

"Ah, gano'n? Dahil hindi ka na bata, puro kabulastugan na ang aatupagin mo? Pag nalaman 'to ng Daddy mo, hindi na niya ipapagamit sa 'yo ang kotse niya." Pagbabanta ni Daisy sa anak.

"Kaya nga kayo ang tinawagan ko, Mommy." Ngintian ni Gerard ang mommy niya sa pagbabaka-sakaling umamo ito.

Inismiran lang siya ng mommy niya. "Mauna na kami." Paalam ni Daisy kina George at Nadine.

"Pauwi na rin kami." Sagot naman ni George.

Napatitig naman si Daisy sa mukha ni Nadine. Si Nadine naman parang naiilang na iniwas ang mukha.

"Sandali. Kilala kita. Ikaw 'yung anak ni Mrs. Mildred Renetrio, hindi ba? Ka-praesidium ko siya sa Legion Of Mary dito sa Christ The King sa Greenmeadows." Paliwanag ni Daisy. "Ibang-iba na ang hitsura mo kaya hindi kita agad nakilala."

"Hindi ho ako 'yun. Wala ho akong kilalang Mildred." Atubiling tanggi ni Nadine.

Nakahalata naman si George na ayaw magpakilala ni Nadine. "Alis na kami, ha? May dadaanan pa kami." Akbay sa balikat ng dalaga ay dinala na ni George ang pamangkin palabas ng himpilan ng pulisya.

Pinakatatagong Lihim (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon