LAGPAS hatinggabi na pero hindi pa rin makatulog si Nadine. Laman pa rin ng isip niya ang mga naging kaganapan nang nakaraang mga araw, lalong-lalo na ang mga ginawang pag-iwas sa kanya ni Archie. Siya kaya ang sinisisi ni Archie sa hindi magandang kinalabasan ng nakaraang laro ng team niya? Itinuturing kaya siyang malas ni Archie kaya halos kibuin-dili siya nito kahit nagkakasalubong na sila sa daan? Na parang may nakakahawa siyang sakit na dapat lang iwasan?

Nakaramdam ng pagre-rebelde si Nadine. Siya pa ngayon ang may ganang magalit, naisip niya. E, siya itong nagpumilit sa akin na manuod ng laro nila. Tapos ngayong hindi sila nanalo, sa akin ibubunton lahat ng sisi. Ang kapal naman ng mukha niya!

Bigla niyang naalala ang mga talulot ng rosas. Dinampot niya ang journal na nakapatong sa bedside table at binuklat sa pahina kung saan nakaipit ang mga talulot ng rosas. Kinuha niya ang isang talulot at nilaro-laro iyon sa pagitan ng mga daliri niya. Nagkaroon tuloy siya ng pagdududa. Pinagmilagruhan nga ba siya talaga? O nagkataon lang na lumulutang ang mga talulot ng makita niya ang mga ito sa loob ng sisidlan ng benditadong tubig?

Pero tumutol ang isip niya. Ito ang palatandaan na hiningi ko sa Mahal Na Ina. Imposibleng ang lahat ng nangyari ay nagkataon lang.

Isang bahagi naman ng isip niya ang sumasalungat sa gusto niyang paniwalaan. Ang hangin ang nagsaboy ng mga talulot na yan patungo sa benditadong tubig. Hindi ang Mahal Na Ina o kung sino man. Walang milagro!

Sa pagkainis, nakusumot ni Nadine sa pagitan ng mga daliri niya ang talulot na hawak. Hindi ko na alam kung ano ang paniniwalaan ko!

Hindi nakuntento si Nadine sa pagkusumot sa talulot ng rosas na hawak. May katabi siyang basurahan sa kama, at duon niya itinapon lahat ng nakaipit na talulot sa journal saka niya ito pabalabag na inilapag ulit sa bedside table.

May ideyang biglang naglaro sa isip ni Nadine habang inilalapat ulit ang ulo sa malambot na kutson ng unan na gamit. May naisip na siyang paraan para hindi naman siya magmukhang kaawa-awa tuwing nagkikita sila ni Archie. Magugulat ang lahat ng kakilala niya sa naisip niya, lalung-lalo na si Reema.

May ngiti sa labi si Nadine bago tuluyang dalawin ng antok.

Pinakatatagong Lihim (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon