Nung una pa lang, napansin na ni Nadine na parang wala sa kundisyon ang paglalaro ni Archie. Palagi itong nakaka-miss ng mga shoot ng bola. At halatang iritable ito sa paglalaro. May isa pang pagkakataon na muntik nang magpang-abot si Archie at ang isang manlalaro ng Python Stag nang magkasanggian ang dalawa.

"Nadine, do you think we have to go? Mukhang nako-conscious ata sa yo 'yung crush mo kaya hindi maayos maglaro. " Komento ni Reema habang nakatingin sila sa pag-awat ng coach ng Falcon Crest na si Perry kay Archie.

"Okay ka lang, Reema? Bakit naman mako-conscious sa 'kin si Archie?" Balik-tanong ni Nadine.

"Sinasabi ko lang. Hindi mo ba napapansin, palagi siyang tumitingin dito sa puwesto natin. At everytime niyang ginagawa iyon, parating miss ang tira niya sa bola. Kahit free throw hindi pa niya makumpleto."

"Baka naman kinakabahan lang siya sa laro nila ngayon."

"Iba pakiramdam ko, Nadine. Nakapanuod na ako dati ng mga laro ni Archie. This is probably his worst."

Lalo tuloy nakaramdam ng pagkabahala si Nadine. Hindi kaya siya nga ang dahilan kung bakit pangit ang performance ngayon ni Archie? Dahil siya ang jinx?

Ngunit ang talagang ikinagulat, hindi lang ni Nadine, kungdi ng lahat ng nanunuod sa loob ng Onesimus Arena ay ang malakas na pagbagsak ni Archie sa court matapos nitong mag-lay up. Rinig na rinig sa buong complex ang lakas nang lagapak ng katawan ni Archie sabay ng malakas nitong paghiyaw sa sakit.

Hindi napigilan ni Nadine na hindi mapatayo sabay tutop sa bibig nito. Kung hindi niya napigilan ang sarili, malamang isa siya sa unang-unang lalapit kay Archie para alamin ang kalagayan nito. Hanggang lapitan na si Archie ng mga medics ng unibersidad, pati na rin ng mga ka-team nito, at ni Cyndi.

Nakatayo pa rin si Nadine at tutok na pinapanuod si Archie habang isinasakay ito sa stretcher hanggang makalabas na sa loob ng complex.

"Nadine, okay ka lang ba?" Alanganing tanong sa kanya ni Reema.

Hindi niya namalayan na naluluha na pala siya kung hindi pa siya kinibo ng kaibigan. At walang kaabog-abog na bigla siyang nagtatakbo palabas ng complex, iniwan si Reema na nabigla rin sa naging aksyon niya.

Tumigil lang si Nadine sa pagtakbo nang makalabas na siya ng Onesimus Arena. At duon na siya tuluyang napaiyak. Tutop ang bibig habang pinipigil ang paghikbi habang hawak ng isang kamay niya ang sukbit-sukbit na tote bag.

Kaagad naman siyang nasundan ni Reema. "Nadine, ano bang nangyari sa 'yo at bigla ka na lang nagtatakbo d'yan?"

"Kasalanan ko, Reema." Hirap sa pagsalita si Nadine at hindi mapigil ang paghikbi. "Kung hindi sana ako nanuod ng laro ni Archie, hindi siya madidisgrasya."

Sinimangutan naman siya ni Reema. "Ano naman ang tingin mo sa sarili mo? May psychic ability ka? Puwede ba, Nadine, tigilan mo na 'yan! Baka akalain ng mga tao inaaway kita."

Inabutan ni Reema ng Kleenex si Nadine at tinulungan itong punasan ang mga luha niya. Pero pakiramdam niya ay hindi ata siya matitigil sa pag-iyak hanggat hindi niya nasisiguro ang kalagayan ni Archie.

Pinakatatagong Lihim (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon