HINDI makapaniwala si Nadine na talagang sinadya pa siyang puntahan ni Archie para lang yayain siya nito na manuod ng laro nito ng basketball ng Falcon Crest Team laban sa Python Stag. Pero ang isang insidenteng hanggang ngayon ay pinipisil pa rin niya ang sarili sa pag-aakalang panaginip lang ay ang paghalik ni Archie sa pisngi niya nang pumayag na siya sa paanyaya nito. Kahit sandaling-sandali lang lumapat ang mga labi ni Archie sa pisngi niya, ramdam na ramdam pa rin niya ang sensasyon ng kaunting friction na iyon kahit hanggang nakauwi na siya ng bahay nila. Mabuti na lang at hindi na lumingon ulit si Archie sa kanya nang magpaalam ito matapos siyang umoo sa paanyaya nito dahil hindi niya matatago ang pamumula ng kanyang mukha.
Hindi rin lingid kay Nadine ang pagpapakita ng pagkainis sa kanya ng mga babae sa loob ng library. Ramdam niya ang talim ng mga tingin nito sa kanya nang pumunta na siya sa librarian counter para patatakan ang library card niya matapos isauli ang librong hiniram. May narinig pa nga siyang paanas na tinawag siyang "Bitch!" nang palabas na siya ng pintuan ng silid-aklatan. Pero pinili niyang huwag na lang iyon pansinin. Tutal naman, mas nangingibabaw ang kasiyahang nararamdaman niya ngayon dahil sa pakikipag-usap sa kanya ni Archie. Kumbaga, nasa cloud nine ang feeling niya ngayon.
Hindi ko na lang kayo papansinin. Tutal kasi, sa dinami-dami n'yo sa loob ng library, ako lang ang nilapitan ni Archie at niyaya na manuod ng game nila. Sorry na lang kayo! Nangingiting naisip niya habang naglalakad na sa may pasilyo ng unibersidad.
Bigla niyang naalala ang mga talulot ng rosas na kinuha niya sa Holy Grail Chapel. Ang mga talulot na nalaglag sa mangkok ng benditadong tubig na hawak-hawak ng estatwang anghel makalabas ng simbahan. Nakaipit ito ngayon sa dala-dala niyang hardbound journal na kulay brown ang pabalat. May gold engraving pa na korteng rosas sa pabalat at ang inscription na Journal sa ibaba niyon.
Nangungutim na ang mga talulot ng rosas na nakaipit sa journal ni Nadine. Pero wala siyang balak tanggalin 'yon. Tingin pa nga niya ay naging daan pa ang pagdala niya ng mga talulot ng rosas para magbigay-daan para kausapin siya ni Archie. Na para itong may hatid na hiwaga.
Muli niyang itiniklop ang journal, at idinikit sa labi niya ang pabalat saka umusal ng mataimtim na dalangin. Isang hiling na sana magtuloy-tuloy na ang pakikipagmalapitan sa kanya ni Archie. At magsisimula ito sa pagdalo niya sa gaganaping laro nito.
At sa bisa ng mga talulot ng rosas, na sa isip na ay may basbas ng Mahal Na Ina, magkakaroon ito ng kaganapan.
BINABASA MO ANG
Pinakatatagong Lihim (COMPLETED)
RomantizmLihim na itinatangi ni Nadine ang popular heartthrob na college jock at star basketball player sa school nila na si Archie. Ngunit meron nang nobya si Archie, ang equally popular na student babe na si Cyndi. Pero hindi lang iyon ang problema ni Nadi...